
Isang Matanda ang Nagbigay Babala sa mga Pasahero; Ngunit Hindi Naniwala ang Karamihan Dito
Sinalubong si Carla ng init nang makarating siya sa terminal ng bus. Paano ba naman, napakaraming tao na marahil ay uuwi rin sa kani-kanilang mga probinsiya dahil sa nalalapit na undas.
Napailing siya nang makita ang pagtutulakan ng mga tao upang mauna sa pagsakay sa kararating lang na bus.
“‘Wag ho kayo magtulakan! Pumila ho kayo nang maayos para makasakay lahat at walang masaktan!” paalala ng kundoktor.
“Kanina pa kami nakapila dito! Napakatagal naman dumating ng mga bus niyo!” galit na sigaw ng isang biyahero.
Wala namang nagawa ang pobreng kundoktor kundi tanggapin ang galit ng mga pasaherong nanggagalaiti sa inis.
Wala sa loob na napahawak sa kaniyang sinapupunan si Carla. Natatakot na tuloy siya makipagsiksikan dahil napaka-agresibo ng mga kapwa niya pasahero.
Mabuti na lamang at napansin ng konduktor ang kaniyang pag-aalalangan.
“Miss, sasakay ka ba sa bus na patungong San Sebastian? Kung babagal-bagal ka ay baka abutin ka ng maghapon dito,” wika ng kundoktor.
“Hindi pa ho halata pero buntis ho ako. Ayoko naman na manganib ang anak ko kaya ayoko sana makipagsiksikan,” paliwanag niya sa lalaki.
Nakakaunawang tumango ang lalaki.
“Paunahin niyo ‘yung buntis!” sigaw nito, bago siya inakay papasok sa bus.
Narinig pa niya ang bulungan ng iilang pasahero.
“Buntis ba talaga ‘yan? Baka naman para-paraan lang niya ‘yan para maunang makasakay!” himutok ng isang ginang na kasama ang isang lalaki na sa tingin niya ay asawa nito.
Hindi niya na lamang pinansin ang paratang ng babae.
Nakahinga lamang nang maluwag si Carla nang tuluyan na siyang makaupo sa harapang bahagi ng bus. Napapikit pa siya nang madama ang malamig na hangin na nagmumula sa aircon ng bus.
Sa wakas, matapos ang pagpapasakay ng mga pasahero at paglalagay ng mga bagahe ay handa nang umalis ang bus.
Kaya ganoon na lamang ang inis ng mga nag-aapurang pasahero nang isang matandang babae ang biglang umakyat sa bus at nagsisigaw.
“Bumaba kayong lahat! Bumaba kayong lahat habang may oras pa! Ang bus na ito ay hindi na aabot pa sa destinasyon nito!” naghihisteryang wika ng babae.
Nangingilabot na minasdan ni Carla ang matanda. Madumi ang punit punit na daster na suot nito. Ang mukha nito ay madumi rin, marahil ay sa tagal na hindi ito nakakapaglinis ng katawan. Walang itong suot na pangyapak, at kipkip nito ang isang manikang maduming madumi na rin.
“Ano ba naman ‘yan, bakit kayo nagpapapasok ng baliw dito? Alisin n’yo ‘yan dito, baka mahawa pa ng kung anong sakit ang mga bata!” galit na sigaw ng isang lalaki.
“Baka malasin pa ang biyahe namin, kung ano anong sinasabi ng matandang ‘yan!” wika naman ng isang babae.
Naaawang minasdan ni Carla ang matanda. Tila hindi nito pansin ang pangungutya ng mga tao. Isang emosyon lang ang namamayani sa mukha ng matanda. Takot.
Nagsimulang kumabog ang dibdib ni Carla. Muli niyang hinawakan ang kaniyang sinapupunan, gustong protektahan ang kaniyang anak sa kung anumang panganib.
Muling nagsisigaw ang matanda nang puwersahan itong ibaba ng kundoktor. Nang magtama ang kanilang paningin, ikinagulat niya ang sinabi ng matanda.
“Maniwala ka sa akin! Iligtas mo ang anak mo!”
Nanlaki ang mata ni Carla. Paano nalaman ng matanda na buntis siya? Pauwi pa nga lang siya sa kanilang probinsya upang ibalita sa kaniyang pamilya na nagdadalantao siya.
Tuluyan nang naitapon ng kundoktor ang matanda palabas ng bus pero malinaw pa rin nilang naririnig ang sigaw nito.
“Umalis kayo sa bus na iyan! Iyan ang magdadala sa inyo sa katapusan!”
Nang maramdaman ni Carla ang pag-andar ng bus ay nagsimulang manginig ang kaniyang mga kamay. Nahihiya man ay kinuha niya ang atensiyon ng kundoktor.
“Manong! Teka, bababa ho ako!” sigaw niya.
Agad niyang narinig ang reklamo ng mga kapwa pasahero.
“Ano ba naman ‘yan, abala!”
“Baka natakot sa sinabi ng baliw ng matanda, siguro baliw din ‘yan!”
Hindi na pinansin ni Carla ang sinabi ng mga pasahero at nangangatog ang mga binting nilisan niya ang bus.
Binalikan niya ang matanda upang usisain kung paano nito nalaman na buntis siya ngunit sa kaniyang pagtataka ay hindi niya na ito nakita pa.
Halos nilibot niya ang buong terminal sa pag-asang masasagot nito ang kaniyang palaisipan ngunit ni anino nito ay hindi niya nakita.
Matiyaga niyang hinintay ang pagdating ng susunod na bus ngunit halos mag-iisang oras pa lamang ang lumipas ay isang malagim na balita ang ipinalabas sa TV.
“Isang bus na biyaheng San Sebastian ang nahulog sa bangin. Walang ni isa mang nakaligtas sa limampung pasahero, kasama na ang driver at kundoktor.”
Maya maya ay ipinakita sa TV ang litrato ng driver at kundoktor.
Ganun na lamang ang pagkagimbal ni Carla nang mamukhaan ang kundoktor ng bus na sana ay sasakyan niya pauwi ng San Sebastian.
Sa ‘di kalayuan ay rinig niya ang iyakan ng mga driver at kundoktor na kasamahan ng mga nasawi.
Tila tuksong bumalik sa alaala ni Carla ang pakisusap ng matanda na isang babala pala.
“Umalis kayo sa bus na iyan! Iyan ang magdadala sa inyo sa katapusan!”
Pasimple niya pang inikot ang tingin sa pag-asang mamamataan ang matanda subalit tila naglaho na talaga ito na parang bula.
Muli niyang hinawakan ang sinapupunan. Nagpapasalamat na nakaligtas silang mag-ina sa tiyak na kapahamakan.
Nang dumating ang sumunod na bus ay matiim na nanalangin si Carla. Nagpasalamat siya sa ikalawang buhay na ipinagkaloob sa kaniya at sa bata sa kaniyang sinapupunan, at nanalangin siya na makarating ang kanilang bus sa destinasyon nito.