Pinaniniwalaan Niya na Misteryoso ang Balon sa Parke; Makalipas ang Ilang Taon ay Isang Dating Kakilala ang Nagsiwalat ng Lihim Ukol Dito

“Nabalitaan mo na ba? Balita ko bubuksan na raw ulit ang San Nicolas Park.”

Nagulat si Nora sa balita ng kaibigang si Olivia, isang umaga na nagpunta ito sa kanilang bahay para tumambay, kasama nito si Joshua na matalik rin nilang kaibigan.

“Talaga? Paano?” balik-tanong niya.

Matagal na kasi mula noong isinara ang parke na iyon. Noong sinalanta ng malakas na bagyo ang kanilang bayan ay ang parke ang isa sa mga labis na naapektuhan. Walang natirang mapakikinabangan dito at naging delikado ang lugar para sa mga bata dahil sa mga nagibang parte.

Hindi naman ito mapaayos agad dahil bukod sa kapos sa budget ang kanilang bayan ay mas inuna na tulungan ang mga nawalan ng tahanan at hanapbuhay. Tuluyan na tuloy itong isinara. 

Hindi tuloy maiwasan ni Nora isipin ang partikular na parte ng park na mahalaga sa kaniya. Ang wishing well na pinaniniwalaang tumutupad ng kahilingan.

Marami pa silang alaala ng kabataan doon kaya nakakabigla para sa kaniya ang balita ni Olivia.

“May budget na si mayor sa wakas?”

Advertisement

“Hindi si mayor. May isang magaling na engineer na taga-Maynila ang nasa likod nito. Mayaman siguro kaya naisipan na ayusin ang park ‘di ba?”

“Kung taga-Maynila siya, paano siya napadpad dito para lang ayusin ang park?” Nagtataka niyang tanong.

Nagkatinginan silang tatlong magkakaibigan. Lahat sila ay hindi alam ang sagot.

“Hay naku, kung gusto n’yo talagang malaman magpunta na lang tayo doon bukas. Balita ko may mga panauhin na magbibigay ng speech.”

Magandang ideya nga iyon kaya napagkasunduan ng tatlo na dadalo sila sa programa. Excited siya na malaman ang sagot sa kaniyang tanong at makita ang bagong bihis ng lugar na parte ng kaniyang kabataan.

“Tara na! Excited na ako!”

Iyon nga ang nangyari kinabukasan. Maaga pa lang ay sinundo na siya ng mga kaibigan. Naglakad na sila sa kalapit na pasyalan. Maraming tao ang dumalo, kagaya nila ay kuryoso at sabik ang mga ito na makita ang pagbabago ng lugar.

“Si mayor ang nagsasalita,” maligayang pahayag ni Olivia kaya tumingin silang lahat sa stage at tama nga ito.

Advertisement

Mukhang patapos na rin dahil nagpalakpakan na ang mga tao.

“At ngayon, nandito si Engineer Marco Villanueva, ang tao sa likod ng proyekto, para magbigay ng isang mensahe.”

Nagreklamo agad si Joshua dahil hindi raw nito makita masyado dahil nasa may kalayuang bahagi sila. Walang pasubali sila nitong hinila at halos mapatid sila dahil sa maraming tao.

“Makikiraan ho!”

Nang makarating sila sa medyo unahan ay huminto na ito. Agad niya itong sinaway ngunit natahimik nang makita sa malapitan ang nagsasalitang engineer.

Kumunot ang noo niya at hinarap si Olivia. “Parang pamilyar siya. Nakita n’yo na ba siya dati?”

Malawak na ngumiti ang kaibigan. “Baka sa TV. Ang gwapo, e!”

Umiling na lang siya at muling binalik ang tingin sa nagsasalita. Iniisip nang mabuti kung saan niya ito nakita noon.

Advertisement

“Katulad niyo ay mahalaga sa akin ang lugar na ito. Maraming alaala ang baon ko. Kung hindi ninyo naitatanong ay dito ako sa bayan na ito lumaki. Dito ako nagtapos ng hayskul.”

Nakuha ng sinabi nito ang kaniyang atensyon. ‘Di ba? Tama siya! Pamilyar talaga ang lalaking ito sa kaniya. Mas itinuon niya tuloy ang atensyon rito.

“Hindi kami mayaman. Maaga akong naulila sa ina, ang tatay ko naman ay hirap sa pamamasada ng pedicab. Hindi sapat ang kita kaya minsan, nagsa-side line ako at nagtitinda ng diyaryo pero siyempre, minsan wala pa rin.”

Seryoso at tahimik na nakikinig ang mga tao, maging ang kaniyang mga kaibigan.

“Kaya minsan dito ako tumatambay at…” tumawa ito saglit bago nagpatuloy, “Sasabihin ko na sa inyo ang sikreto ko, dati mayroon ditong wishing well. Iyon ang paborito ko rito dahil doon may pera. Kapag walang wala na ako pinaghihirapan kong sungkitin ang mga baryang hinulog ninyo.”

Agad na umugong ang tawanan ng mga tao sa huli nitong sinabi, maging ang mga panauhin na kasaman nito ay natawa. Siya naman ay nagulat sa pag-amin nito bigla.

“Patawad po. Bata pa ako noon at sobrang hirap ng buhay. Ito ang nakita kong paraan para maitawid ang gutom.”

Naalala niya tuloy na isa siya sa pinakamadalas na maghagis ng barya sa balon dahil naniniwala siya na magkakatotoo ang lahat ng kaniyang hiling.

Advertisement

Hindi niya akalain na ganoon pala ang ginagawa nito. Hindi niya akalain na may kinapuntahan pala ang bawat sentimo na hinagis niya para sa isang hiling.

Buong akala niya ay nawala ang mga ito sa tagal ng panahon. Hindi naman ganoon kalalim ang balon kaya posible nga itong makuha ng kung sino.

“Kaya naman noong naging engineer na ako at nagkapera ay naisip kong bumalik dito para ibalik ang tulong na natanggap ko mula sa inyo. Sana ay tanggapin niyo ang aking pasasalamat at sana ay ay natupad ang inyong mga kahilingan,” sabi nito sa huling pagkakataon bago nito tinapos ang talumpati.

Nang hilahin nito ang kurtina, simbolo ng opisyal na pagbubukas ng lugar, ay masigabong palakpakan ang namayani.

Pumasok ang mga tao sa loob para makita ang bagong bihis na parke.

Marami ngang nabago at talagang gumanda ang lugar ngunit ang dating nandoon ay hindi inalis kundi pinaganda lang. Nandoon pa rin ang wishing well na ganoon pa rin ang itsura.

Manaka-naka niyang naririnig ang papuri ng mga tao sa parke. 

Nilapitan niya ang wishing well at naghulog siya ng barya.

Advertisement

Ipinikit ang mata para humiling. Hiniling niya na sana ay hindi na kailanman masira ulit ang lugar.

“Natutupad ba ang kahilingan mo kapag humiling ka sa balon na ito?”

Nang lumingon sa nagsalita ay nakita niya ang engineer kanina na katulad niya ay naghagis rin ng maraming barya.

“Bayad ko sa utang,” pabiro nitong sinabi.

“Nagkakilala na ba tayo noon?” hindi naiwasang usisa ni Nora sa engineer.

Kumunot ang noo ng engineer at umaktong tila nag-iisip. “Bibigyan kita ng clue. Koby?”

Lalong naguluhan si Nora sa sinabi ng lalaki. Bakit nito alam ang pangalan ng dati niyang aso?

“Bakit mo alam ang pangalan ng aso ko dati?”

Advertisement

Hindi na nito kailangan sumagot dahil unti-unting luminaw sa kaniya ang isang bahagi ng kaniyang alaala.

“Ikaw yung nagbalik kay Koby noong nawala siya ‘di ba?” kumpirma niya.

Naalala niya na minsang nawala ang kaniyang alaga. Humiling siya sa balon para makita na makita niya ito.

Sandali lang ang lumipas at may isang batang lalaki na nagsauli nito sa kaniya, walang iba kundi ang engineer na nasa kaniyang harap.

Ngumiti ito sa kaniya. “Nakita kasi kita na humihiling ng araw na iyon dahil nawawala ang aso mo. Nakonsensiya ako na kunin ang pera na hinulog para sa isang hiling kaya sinabi ko sa sarili ko na gagawin ko ang lahat para matupad man lang ang iba.” 

“Marami ka bang natupad kung ganoon?”

Tumawa naman ito at tumango. “Marami-rami rin pero ang pinakahindi ko makakalimutan ay noong humiling ako na sana balang araw ay matupad ko ang pangarap ko para sa sarili ko at para na rin kay tatay.”

Iyon daw ang una at huling beses na sinubukan nitong humiling ngunit nakatutuwa nga naman dahil natupad na ang pangarap nitong maging engineer at maiahon nito ang tatay sa hirap.

Advertisement

Alam niyang hindi sapat ang paghiling kung hindi ito sasamahan ng sipag at tiyaga pero alam ni Nora minsan kailangan niya ring maniwala na sa isang banda ay may nakikinig sa kaniyang piping dalangin.

Natutuwa siya at hindi nalimot ni Engineer Marco ang pinagmulan nito at marunong itong magbalik ng utang na loob.

Siguro nga ay tunay na tumutupad ng kahilingan ang wishing well. May ilang tao lang itong ginagamit na instrumento upang matupad ang bawat hiling.