Inday TrendingInday Trending
Pinili Niyang Sagipin ang Matanda Kaysa Ipahamak; Pagsisisihan Niya ba ang naging Desisyon?

Pinili Niyang Sagipin ang Matanda Kaysa Ipahamak; Pagsisisihan Niya ba ang naging Desisyon?

“Dok, ano na po ang lagay ng nanay ko? Ayos lang po ba siya?”

Iyan ang bungad ni Ricky pagkalabas ng doktor mula sa kwarto ng kaniyang ina. May sakit kasi ito sa puso at inatake sa ikalawang pagkakataon. Wala pa naman siya sa bahay nang mangyari iyon, mabuti na lang at swerteng nakita ng kapitbahay at naisugod sa ospital.

“Swerte ang nanay mo at naisugod siya agad kung hindi ay posibleng hindi na siya umabot pa nang buhay,” sabi nito.

Alam niya iyon kaya naman laking pasasalamat niya sa Diyos!

Sumeryoso lalo ang boses ng doktor. “Tatapatin na kita. Hindi maganda ang lagay ng nanay mo. Hindi na tinatanggap ng kaniyang katawan ang mga gamot, mukhang kailangan na natin siyang operahan.”

Mula sa pinto ng kwarto ay sumilip si Ricky sa ina. Mahinang mahina na ito at maraming tubo ang nakakabit. Mahimbing itong natutulog.

“Kung ooperahan siya, dok, sigurado ba na magiging ayos na siya?”

“Siyempre ay hindi ko magagarantiya iyan pero malaki ang tiyansa na gagaling siya.”

Mahal na mahal niya ang kaniyang ina. Hindi man niya ito kadugo ay itinuturing niya itong tunay na ina. Simula noong makita siya nito sa kalsada na namamalimos at pinatuloy sa tahanan nito. Binihisan, Pinakain at minahal nang lubos kaya naman gagawin niya ang lahat para dito.

“Kung ganoon pala ay payag ako, dok. Gawin ninyo ang lahat para sa ikakabuti ni mama.”

Tumango ang doktor.

“Sige, ako na ang bahala pero gusto ko lang sabihin sa iyo na medyo may kamahalan ang operasyon na gagawin natin.”

Binanggit nito ang halaga na kailangan niyang mabayaran sa loob ng dalawang linggo at nang umalis ito ay saka siya malalim na bumuntong hininga.

Saang kamay ng Diyos niya kaya mahahanap ang ganito kalaking halaga?

“Para kay mama.” Bulong niya sa sarili.

Pinagsama-sama niya na ang lahat ng kaniyang ipon, nanghiram sa mga kakilala, at nagbenta ng mga gamit ay wala pa sa kalahati ng kailangan niya ang nakalap niyang halaga.

Nawawalan na siya ng pag-asa.

“Ano, Ricky? Ayaw mo ba talaga na sumama na lang sa raket namin?” tanong ni Brando.

Kaibigan niya ito ngunit alam din niya na hindi legal ang trabaho na tinutukoy nito. Ayaw niya naman na humantong sa punto na gagawa siya ng masama ngunit ano ba ang magagawa niya? Kailangan niya ng pera para sa nanay niya at nagbibigay ito ng oportunidad para kumita siya nang malaki.

“Isang beses lang,” sabi niya sa sarili bago tumango rito.

“Ano ba ang gagawin don?”

Ngumisi ito at nagpaliwanag. Ayon dito ay magiging snatcher lang daw sila ng pera, cellphone, o kung anuman na pwedeng ibenta mula sa biktima. Hindi nila ito sasaktan o ano pa man.

“Ayon, si Lolo. Sa’yo na ‘yan at mukhang mas nangangailangan ka. Babantayan ka namin dito.”

Umalis na ang mga kasama nila ngunit nagpaiwan si Brando at Joey, isa pang kasama nila, dahil unang beses pa lang niya ito gagawin at naniniguro ang mga ito na hindi siya mabubulilyaso.

Nagtatago sila sa may footbridge nang itinuro nito ang isang matandang lalaki na may dalang maliit na bag. Sa postura pa lang nito ay mukha ngang may sinasabi ito sa buhay.

“Sige na, kaya mo ‘yan. Tandaan mo lang paalala ko ha,” sabi nito nang makita ang pag-aalinlangan niya.

Bumuntong-hininga at inayos muna ang kutsilyo sa tagiliran bago naglakad palapit sa matanda. Sinundan niya ito sa medyo malayo.

Nang makitang muntik na itong matumba ay tumakbo siya palapit.

“Ayos lang po ba kayo? Kailangan n’yo po ba ng tulong?”

Kinuha niya ang bag nito.

Nang mag-angat ng tingin ang matandang lalaki ay bigla itong nagsalita.

“Salamat, hijo. Medyo nahihilo nga ako dahil sa init. May alam ka bang ospital na malapit dito?”

Tatango na sana siya nang bigla itong mawalan ng malay. Maingat niya namang sinalo ang katawan nito at sumigaw para tawagin si Brando at Joey.

Agad naman lumapit ang mga ito. “Anong ginagawa mo? Hayaan mo na siya riyan.”

Umiling siya dahil hindi niya kayang pabayaan ang matanda. “Tulungan n’yo ako. Dalhin natin siya sa ospital.”

Bumuntong-hininga ang dalawa ngunit tinulungan pa rin siya. Panay naman ang hingi niya nang paumanhin sa mga ito.

“Hayaan mo na. Naiintindihan naman namin na labag sa loob mo ito,” sabi ni Brando bago sila umalis.

Hinintay niya naman ang doktor at ayon rito ay mukhang may mild Alzheimer’s disease ang matanda, at mayroon din itong sakit sa baga.

“Hindi po niya ako kamag-anak, e.”

“Naku, pwede bang tawagin mo ang kamag-anak niya para sa akin kung ganon?”

Hindi na siya nakaalma nang tumakbo ito nang may dumating na bagong pasyente. Pumasok na lamang siya sa loob at nakita niyang gising na ang matanda.

“Salamat nga pala, hijo.”

Umupo siya sa isang gilid at nagpakilala sila sa isa’t-isa. Ipinaliwanag niya rito ang sinabi ng doktor na kondisyon nito.

“Alam ko. Alam ko na ang sakit ko.”

“Kung ganon, sino po ang tatawagan ko? Para may kasama po kayo rito.”

Ito na ang maaaring huling pabor na magagawa niya para rito. Umiling ang matanda.

“Buong buhay ko ay nasa ibang bansa ako para magtrabaho, hijo. Ni hindi ko nga alam kung makikilala ako ng aking anak kapag nakita niya ako.” Nangilid ang luha ito.

Ayon dito ay maayos ang buhay ng pamilya nito dahil malago ang negosyo nito ngunit ang naging kapalit ay ang relasyon nito sa pamilya nito na halos hindi na ito kinikilala.

“Pwede bang puntahan mo ang anak ko para sa akin? Gusto ko siyang makita pero mukhang malala na ako para puntahan siya.”

Umiling siya. Gusto niya man tumulong ay may problema rin siya at may kailangan siyang asikasuhin. Ang operasyon ng kaniyang ina.

“Sige na. Gagawin ko ang lahat. Magbabayad ako nang malaki.”

Doon nito nakuha ang kaniyang atensyon. Hindi siya mukhang pera pero lahat ay gagawin niya para sa operasyon ng ina.

“Kahit magkano ho?” paniniguro niya.

“Oo.”

Ikinuwento niya rito ang kaniyang pinagdadaanan at sigurado ang tugon nito. “Ako na ang bahala.”

Binigyan siya nito ng isang sulat na ibibigay niya sa pamilya nito, kalakip rin ang address kung saan ang mga ito nakatira.

Kaya nang kinaumagahan din ay umalis siya para sa misyon na iyon. Medyo nahirapan siyang hanapin ang tirahan ng anak nito ngunit nakita rin niya sa huli.

“Dito po ba nakatira si Cassandra Perez?”

Tumango naman ang guard na nagbabantay. “Kailangan ko lang ho siya makausap.”

“Wala hong inaasahan na bisita si ma’am, eh.”

Nakiusap siya sa guwardiya hanggang sa napilitan itong tawagan ang amo nito.

“Ano raw ho kailangan niyo, sir?”

Hiniram niya ang cellphone para siya ang kumausap rito. “Tungkol ito sa tatay n’yo na si Alejandro Perez.”

Mahabang katahimikan ang lumipas bago ito sumagot. “Wala na akong tatay. Matagal na siyang hindi nagpaparamdam. Baka p*tay na.”

Bumuntong-hininga siya bago sumagot sa babae. “‘Wag mong sabihin ‘yan. Mahirap mawalan ng magulang. Maraming anak na gagawin ang lahat makasama lang nila nang matagal ang kanilang magulang.”

Naalala niya kasi ang kaniyang ina.

Pinapasok siya nito sa loob ng malaking mansyon at doon ay nakita niya ang isang magandang babae na tingin niya ay mas matanda ng kaunti sa kaniya.

Ibinalita niya rito ang nangyari at estado ng ama nito ngunit walang bahid ng emosyon ang naging sagot nito.

“Matagal ko nang kinalimutan na may ama ako. Pinagpalit niya kami sa trabaho niya.”

Dismayado siya dahil kahit anong pangungumbinsi ang gawin niya ay hindi nagbago ang isip nito. Gayunpaman ay sinigurado niya na iwanan dito ang mga detalye.

“Sana ay hindi ka magsisi sa desisyon mo,” bigo niyang wika.

Malungkot siyang umuwi, problemado sa gastusin.

Ibinalita niya sa matanda ang nangyari. Tumango lamang ito at ngumiti.

“Nabayaran ko na ang operasyon ng iyong ina. ‘Wag kang mag-alala.”

Labis ang pasasalamat niya rito lalo na at naging matagumpay ang operasyon ng kaniyang ina kaya labis ang kaniyang saya.

Naaawa siya sa matanda kaya palagi niya itong binibisita. Alam niya kasing malungkot ito sa naging desisyon ng anak nito.

Palihim niyang binisita nang paulit-ulit ang anak nito hanggang sa lumambot ang kalooban nito para sa ama.

“Ginawa niya ang lahat para magkaroon ang pamilya niya ng maayos na buhay. Huwag mo naman siya hayaang mag-isa at pagkaitan ng pamilya.”

Iyon ang madalas niya sabihin kay Cassandra.

Malapit na siyang sumuko dahil talagang matigas ang loob ng babae ngunit isang araw ay tinupad ang panalangin niya at bumisita ito sa ospital.

Niyakap nito ang ama at humingi ang dalawa ng tawad sa isa’t-isa.

“Akala ko ay hindi mo na ako mapapatawad, anak,” lumuluhang sambit ng matanda sa anak nito.

Bahagyang natawa ang dalaga. Pinukol si Ricky na makahulugang tingin.

“Paulit-ulit akong kinumbinsi ni Ricky, papa, hanggang sa magkaroon ako ng lakas ng loob na bumisita.”

Nagulat ang matanda. Hindi nito alam ang ginawa ito ni Ricky.

Niyakap nito ang binata sa sobrang galak.

“Maraming salamat, Ricky. Mabuti na lamang at ikaw ang nakatagpo sa akin,” sinserong wika ng matanda.

Sinuklian ni Ricky ng mahigpit na yakap ang matanda. Maliit na bagay lamang iyon kumpara sa nagawa ng matanda. Iniligtas nito ang pinakamamahal niyang ina, at habambuhay niya itong pasasalamatan.

Mabuti na lamang at pinili ni Ricky na gawin ang tama. Kung ninakawan at pinabayaan niya ang matanda noon ay baka hindi nila ngayon kasama ang mga taong higit pa sa kahit na anong pera at yaman sa mundo – ang kanilang mga pamilya.

Advertisement