Inday TrendingInday Trending
Binabalewala ng Dalagang Ito ang Kaniyang Ama, Natauhan Siya nang may Mangyari Rito sa Trabaho

Binabalewala ng Dalagang Ito ang Kaniyang Ama, Natauhan Siya nang may Mangyari Rito sa Trabaho

“O, anak, aalis ka na naman? Simula noong umuwi ako, hindi man lang kita nakasama nang matagal dito sa bahay. Baka naman pwedeng huwag ka munang umalis ngayon, bukas sasampa na ulit ako ng barko, eh,” sambit ni Leo sa kaniyang nag-iisang anak, isang umaga nang makita niya itong bihis na bihis na naman.

“Ano naman? Parang may pakialam ka naman sa’kin,” tugon ni Judy nang hindi tumitingin sa kaniyang ama.

“Bakit ganyan ka makapagsalita sa akin ngayon, Judy?” tanong nito, tila bahagya itong nainis sa inasal niya.

“Eh, kasi, akala mo por que pinapadalhan mo ako ng pera, ayos na ako. Aanuhin ko ang perang ‘yon? Ang kailangan ko, magulang, hindi pera!” sigaw niya sa ama saka niya isinukbit sa balikat ang kaniyang bag.

“Judy, kung hindi ako magtatrabaho, magugutom tayo, hindi ka pa makakapag-aral. Sana naman maintindihan mo. ‘Di ko rin naman ginustong mawalay sa iyo,” malumanay na sagot ng kaniyang ama.

“Kung hindi mo kasi hinayaang mangibang-bahay si mama, e ‘di sana, may mag-aalaga sa akin kahit papaano!” bulyaw niya pa rito saka tuluyan nang lumabas ng kanilang bahay.

Simula nang maghiwalay ang mga magulang ng dalagang si Judy noong siya’y labing-apat na taong gulang pa lang, mag-isa na siyang namuhay sa kanilang malaking bahay.

Isang seaman ang kaniyang ama habang lumayas at hindi na niya alam kung nasaan ang kaniyang ina dahilan upang sa murang edad, mamulat na siya sa mag-isang buhay. May pera man siyang nakukuha mula sa amang halos ilang buwan bago umuwi, hirap na hirap pa rin siyang alagaan ang sarili at tugunan mag-isa ang lahat ng kaniyang pangangailangan.

Dahil sa pangyayaring ito, lumayo ang loob niya sa kaniyang ama. Ito ang sinisisi niya sa paglayas ng kaniyang ina na hindi niya alam ang dahilan. Kaya naman sa tuwing uuwi ito, sinisigurado niyang mararamdaman nito ang sama ng loob na mayroon siya rito.

Noong araw na ‘yon, napagdesisyunan niyang huwag umuwi ng bahay at mamalagi sa bahay ng kaniyang kaibigan. Ilang beses man siyang tawagan ng ama upang siya’y umuwi, hindi niya ito inintindi. ‘Ika niya habang tinitingnan ang selpong tumutunog dahil sa tawag ng ama, “Sanay na akong mag-isa, hindi ko kailangan ng oras at atensyon mo.”

Tuluyan nang nakaalis ang kaniyang ama nang siya’y umuwi kinabukasan. Hindi man niya ito naihatid, wala siyang pangongonsensyang nararamdaman dahil para sa kaniya, ito lang ang dapat sa ama niyang wala nang inatupag kung hindi magtrabaho.

Lumipas lang ang ilang linggo, muli siyang tinatawagan ng kaniyang ama na talaga nga namang ikinais niya dahil hindi tumawag ito ng alas sais ng umaga.

Dahil sa pagkainis, binaba niya lang ang tawag at muling natulog. Ngunit tila makulit ang kaniyang ama’t tumawag na naman muli dahilan upang sagutin na niya ito.

“Ano bang problema, papa? Alas sais pa lang dito sa Pilipinas, kakatulog ko lang, nag-iisip ka ba?” galit niyang bulyaw dito.

“Alam ko, pasensiya ka na, ayoko lang mawala nang hindi nasasabi sa’yo ang katotohanang sa likod ng paglayas ng ina mo,” ‘ika nito na labis niyang ikinatahimik.

Doon niya nalamang nabuntis pala ang kaniyang ina ng matalik na kaibigan ng kaniyang ama at dahil ayaw nito ipaalam sa kaniya ang kahihiyang iyon, nilayasan na lang siya nito. Agad na bumuhos ang kaniyang luha nang marinig niya iyon.

“Ngayon, anak, patawarin mo ako, ha? Para naman sa’yo lahat ‘to. Ipanalangin mo na lang na makatakas kami sa kamay ng mga pirata rito sa dagat, pangako, hindi na ako muling aalis sa tabi mo,” mga huling katagang narinig niya mula sa kaniyang ama saka agad na naputol ang kanilang tawag dahilan upang ganoon na lang umatungal.

Labis na pangongonsensya at awa ang nararamdaman niya para sa kaniyang ama. Napagtanto niyang ang sakit sakit na pala ng nararamdaman nito ngunit pinili pa rin nitong magtrabaho para sa kaniya at pagtakpan ang kaniyang ina para lang hindi siya magalit dito.

Maya maya, agad siyang lumuhod upang manalangin. Labis siyang humingi ng tawad sa lahat nang masasamang aksyong pinamukha niya sa kaniyang ama saka niya pinanalangin ang kaligtasan nito.

Iniiyak niya sa Panginoon lahat ng pangangambang kaniyang nararamdaman. Ginawa niya ito araw-araw kada maaalala niya ang kaniyang ama at sa kabutihang palad, pagkalipas ng ilang araw, narinig niya sa balitang nakaligtas ang kaniyang ama pati mga kapwa nito seaman sa kamay ng mga pirata.

Ganoon na lang siya naiyak sa labis na tuwa at nang makauwi ang kaniyang ama, agad niya itong nilundagan at umiyak sa mga bisig nito. “Patawarin mo ako, papa, hindi ko pa pala kayang wala ka,” hikbi niya saka siya mahigpit na niyakap ng ama.

Advertisement