Inday TrendingInday Trending
Hindi man lang Makumusta ng mga Kapatid ang Lalaking Ito; Nag-unahan Sila nang Sinuwerte ito

Hindi man lang Makumusta ng mga Kapatid ang Lalaking Ito; Nag-unahan Sila nang Sinuwerte ito

“Mahal ko, nakita ko ang mga kapatid mo kahapon sa isang restawran. Napadaan kasi ako ro’n habang naglalako ako ng mga isda,” balita ni Yen sa kaniyang asawa, isang hapon habang naghahanda ito sa paglaot.

“O, nakita ka ba nila? Anong sabi nila sa’yo? Niyaya ka ba nilang kumain?” sunod na sunod na tanong ni Utoy, bakas sa mukha niya ang kasabikan.

“Nakita nila ako, mahal, sigurado ako, pero hindi nila ako pinansin. Tuloy-tuloy lang sila sa pagkain ng masasarap na pagkain doon. Hinihintay ko ngang kahit tanguan lang ako, eh, pero hindi nila ginawa,” sambit ng kaniyang asawa, kitang-kita niya sa mukha nito ang pagkadismaya.

“Naku, hayaan mo na, mahal. Ganoon talaga, eh, mayayaman na kasi sila, samantalagang ako, hanggang ngayon, mangingisda pa rin,” nakatungo niyang tugon.

“Wala namang masama sa trabaho mo, eh, ang masama ‘yong ginagawa nilang paglimot sa’yo ngayong naghihirap ka. Mga kapatid mo sila pero kahit kamustahin ka hindi nila magawa,” inis na sambit nito saka bumuntong hininga.

“Ayos lang ‘yon, mahal, huwag mo na sila isipin. Dadating din ang panahon na aangat din tayo sa paghihirap na ito,” nakangiting sambit niya saka hinalikan sa noo ang asawa, “O, paano lalaot na ulit ako, ha?” paalam niya rito saka na siya muling pumalaot.

Simula noong labing-anim na taong gulang pa lang ang ngayong padre de pamilya nang si Utoy, sa pangingisda niya binubuhay ang kaniyang sariling pamilya na maaga niyang nasimulan.

Kung tutuusin, wala naman talagang problema sa trabahong mayroon siya. Bukod sa natutugunan naman niya ang mga pangangailangan ng kaniyang buong pamilya, nakakaipon pa siya kahit paunti-unti.

Ngunit nang magsimulang umangat sa buhay ang tatlo niyang mga kapatid, doon na siya nakaramdam ng hiya sa sariling kakayanan.

Lahat kasi ito’y nakapagtapos ng pag-aaral habang siya, pagpapamilya ang inuna dahilan upang palagi siyang maliitin ng mga ito at hindi imbitahan sa mga pagdiriwang. Laging dahilan ng mga ito, “Wala ka namang pera, eh, kung mayroon man baka pang-ulam niyo ‘yan bukas,” dahilan upang ganoon na lang sumama ang loob niya sa mga ito.

Ngunit imbis na ibigay lahat ng atensyon niya sa sama ng loob na nararamdaman, ginagawa niyang positibo ang kaniyang isip. Kinukumbinsi niya rin ang asawang huwag nang madismaya sa mga kapatid niyang walang balak na tumulong sa kaniya.

Noong araw na ‘yon, nang makarating na siya sa laot, agad niyang itinapon sa dagat ang kaniyang lambat. Naghintay siya ng ilang oras upang makahuli ng mga isda at nang maramdaman niyang may mga nahuli na siyang isda, agad niyang sinamsam ang kaniyang lambat.

Ngunit laking pagtataka niya nang makita niya ang isang maliit na baul na napasama sa mga isdang nahuli niya, pero dahil maggagabi na, ipinasawalang-bahala niya muna ito’t agad na nagsagway pauwi sa kanilang bahay.

Pagkauwing-pagkauwi ka, agad niyang pinakita sa kaniyang asawa ang naturang baul. Ika nito, “Naku, ano kayang laman niyan? Sana naman kahit isang libong piso mayroon ‘yan!” dahilan upang agad na niya itong buksan. Halos lumuwa ang mata nilang mag-asawa nang tumambad sa kanila ang sandamakmak na gintong alahas at ilang mga mamahaling bato dahilan upang maiyak na lang silang dalawa.

Mayamaya, nagpasiya na silang ipatingin ito sa bentahan ng mga alahas at ganoon na lang ang tuwa nila nang malamang malaki ang halaga ng bawat alahas na naroon.

Dito na nagsimulang umangat ang kanilang buhay. Bumili na siya ng bahay at lupa, nag-invest siya sa mga tanyag na negosyo at muling pumasok sa eskwela na talaga nga namang ikinatuwa ng kaniyang asawa’t mga anak.

Umingay ang kwento niya sa buong bansa dahilan upang halos mayamaya siya kamustahin ng kaniyang mga kapatid. Ngunit imbis na gumanti siya sa mga ginawa nito sa kaniya, masigasig niya pa ring pinakisamahan at kinausap ang mga ito dahilan upang ganoon na lang humanga sa kaniya ang kaniyang mag-iina.

“Ang Diyos ang may kaloob ng biyayang ito sa buhay ko, tiyak hindi Siya magiging masaya kung iiimbak ko pa sa puso ko ang mga lamat ng kahapon na kailangan ko nang kalimutan,” sambit niya sa kaniyang asawa, isang araw habang siya’y nagmamaneho patungo sa restawrang pagkikitaan nilang magkakapatid kasama ang kani-kanilang pamilya.

Pinatawad niya man ang mga kapatid, pinangako niya sa sariling hindi siya magiging katulad ng mga ito. Kahit na siya’y may kaya na, mapagkumbaba niya pa ring tinutulungan ang mga kaanak nilang salat sa buhay.

Advertisement