Inday TrendingInday Trending
Inaapi ng Dalagang ito ang Sinumang Lalapit sa Binatang Gusto Niya, Natauhan Siya nang Pagsalitaan Siya nito

Inaapi ng Dalagang ito ang Sinumang Lalapit sa Binatang Gusto Niya, Natauhan Siya nang Pagsalitaan Siya nito

“Hoy, Vila, talaga bang umaasa kang magkakagusto sa’yo si Ben? Ako nga hindi mapansin, eh, ikaw pa kaya?” galit na galit na sambit ni Anita sa kaniyang katrabaho, isang araw nang mapansin niya itong umaaligid-aligid na naman sa lalaking hinahangaan niya.

“Hindi naman ako umaasang magugustuhan niya rin ako, gusto ko lang siyang tulungan sa pagpupunas ng plato kanina,” malumanay na sagot nito habang inaayos ang mga basura sa likod ng restawrang kanilang pinagtatrabahuan.

“Ah, talaga ba? O, sadyang kating-kati ka lang? Balita ko kasi, wala ka pang nagiging nobyo kahit isa. Hindi naman ako nagtataka ro’n kasi bukod sa para kang tigyawat na tinubuan ng mga mata, malandi ka pa!” bulyaw niya pa rito saka patago niyang kinuha ang isang plastik na puno ng malalansang hasang ng isda.

“Sabihin mo lang ang gusto mong sabihin, wala akong pakialam sa mga opinyon mo. Hindi naman niyan magagawang mapaibig sa akin si Ben,” sagot nito na labis niyang ikinagalit.

“Naku, Vila, kahit anong gawin mo, hindi mapapasayo si Ben. Huwag kang mangarap na para kang si Cinderella, ang sagwa sagwa ng itsura mo!” bulyaw niya pa rito saka itinapon sa mukha ng dalaga ang plastik na may lamang malansang hasang saka siya malakas na tumawa.

Simula nang magtrabaho ang isang makisig na binata sa restawrang pinagtatrababuhan ng dalagang si Anita, biglang lumabas ang masama niyang pag-uugali.

Kung dati’y halos lahat ng katrabaho niya’y kadikit niya’t palagi niyang nakakabiruan, ngayon, lahat ng ito’y iwas na sa kaniya.

Nabihag kasi ng binatang ito ang kaniyang puso kahit pa hindi naman siya pinapansin nito at kada may katrabaho siyang babaeng lalapit o kakausap dito, ganoon na lang niya pinagsasalitaan ng kung anu-ano ang mga ito dahilan upang tuluyang mabawasan ang mga kaibigan niya sa pinagtatrababuhang restawran.

Lalo pa siyang nanggalaiti nang malaman niyang bukod sa kaniya, may nagkakagustong isang katrabaho niya sa naturang binata at sa tuwing nakikita niyang dumidikit ito at nakikipag-usap sa lalaking nais niya, buong lakas niya itong minamaliit.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos niyang itapon sa katrabaho ang isang plastik ng malansang isda, bigla na lang may humawi sa kaniya dahilan upang siya’y mapaupo sa semento.

Hahampasin na niya sana ito nang nahablot na walis upang makaganti ngunit bigla siyang napatigil nang makilalang ang lalaking hinahangaan niya pala ang gumawa no’n sa kaniya. Tinayo pa nito ang dalagang kanina’y inaapi niya dahilan upang ganoon na lang siya manggalaiti.

“Ano, Ben, sasaktan mo talaga ako para sa babaeng mukhang tigyawat na ‘yan?” inis na inis niyang sambit saka padabog na inihagis sa dalaga ang hawak na walis tingting na sinangga naman ng naturang binata.

“Oo, lalo na kung nang-aalispusta ka ng tao dahil lang gusto mo ako. Para lang sa kaalaman mo, Anita, hindi ko gusto ang mga babaeng handang ibaba at maliitin ang kapwa nila babae para lang makaangat. Tinuturing kong basura at malansa pa sa hasang ng isda ang mga babaeng ganoon,” sambit nito na labis niyang ikinagulat.

Matapos siyang pagsalitaan ng binata, agad nitong pinauwi ang dalagang inapi niya at iniwan siyang nakatayo ro’n.

Ganoon na lang siya nakaramdam ng sakit sa mga sinabi ng binata. Hindi niya lubos akalaing ang binatang hinahangaan niya, ganoon na pala ang tingin sa kaniya dahil sa mga pinaggagagawa niya.

Doon niya labis na napagtantong tila sumobra na talaga ang pagkagustong nararamdaman niya para sa binata na nagagawa na niyang manakit ng iba para lang mailabas ang galit na nararamdaman niya na malayong-malayo sa ugali niya noong siya’y magsimulang magtrabaho rito.

Kaya naman, simula noon, nangako siyang ititigil na ang masamang gawain. Hindi para sa naturang binata kung hindi para sa mga katrabaho niyang nasaktan niya dahil sa emosyong nararamdaman niya.

Tinupad niya nga ang kaniyang pangako sa sarili. Isa-isa siyang humingi ng tawad sa mga katrabaho kinawawa niya at laking tuwa niya nang lahat ng ito’y handa siyang patawarin.

“Grabe, na-miss ko ‘yong ganitong pakiramdam! Bukod sa malaya ako sa inis at galit, masaya ko pang nakakasama ang aking mga katrabaho!” sambit niya sa sarili, isang araw nang muli siyang isama ng mga katrabaho sa isang pagdiriwang pagkatapos ng kanilang trabaho.

Hindi man siya tuluyang nagustuhan ng binatang pinapangarap, buong puso niya namang nabalik ang relasyong nasira niya sa kaniyang mga katrabaho na labis na nakapagbigay ng kasiyahan sa kaniya.

Advertisement