
“Hating-Kapatid” ang Laging Turo ng Kanilang mga Magulang; Paano Kaya Nila Ito Mailalapat sa mga Prinsipyo sa Buhay?
Kapag naaalala ni Jacob ang mga gunita ng kanilang kabataang magkakapatid, hindi niya maiwasang hindi mapangiti.
Tatlo silang magkakapatid na lalaki, at siya ang nasa gitna. Ang kaniyang Kuya Poldo at bunso nilang si Yves ay laging hindi magkasundo: subalit dala lamang ng mga simpleng-away bata. Ang totoo, hindi naman tumatagal ng isang araw ang “bangayan” nilang magkakapatid. Nagkakabati rin naman sila at naglalaro pagkatapos.
Sinanay sila ng kanilang mga magulang na laging magbibigayan at magtutulungan. Hindi sila mayaman at hindi rin naman naghihirap. Hating-kapatid. Noon, karamihan sa mga pinaglumaang damit at sapatos ng kaniyang Kuya Poldo ay antimanong kaniya na. Sanay siya sa ganoon. Subalit nang dumating ang bunsong si Yves, ayaw nitong naipapasa na sa kaniya ang mga pinaglumaan niya: iniisip kasi nitong nagmula pa ang mga iyon sa kanilang Kuya Poldo.
Kapag araw ng Biyernes, inaabangan na nilang magkakapatid ang kanilang Tatay. Tiyak kasing may pasalubong ito para sa kanila. Lagi nitong pasalubong ang malaking bilao ng pansit-luglug na pinagsasalu-saluhan nilang mag-anak sa hapunan. Subalit ang pinakapaborito nila ay ang malaking chocolate cake, na minsan ay pinag-aawayan pa ng kaniyang Kuya Poldo at Yves.
Kaya naman, upang maiwasan ang away nila, ang kanilang Nanay ang naghahati ng chocolate cake.
“Matuto kayong maghati-hati. Hindi porke’t ikaw ang naghati, may karapatan ka nang manlamang sa iba,” laging pinapaalala ng kanilang Nanay.
Lahat naman sila ay nakakakain. Walang lamangan. Minsan, kahit kakarampot lamang na pagkain ay kayang-kayang hatiin ng kanilang Nanay para sa lahat. Hanggang nasanay na silang maghati-hati sa alinmang mga bagay na mayroon sila.
Nang mawala ang kanilang Tatay, isang araw lamang yatang nagluksa ang kanilang Nanay. Dalawang beses lamang din itong nakitang umiyak: noong ibalita ng doktor na hindi na kinaya ng kanilang Tatay ang karamdaman nito, at noong ilibing na ito at ihatid sa huling hantungan.
“Wala na ang Tatay ninyo. Hindi ko kakayanin ang lahat ng ito. Magtutulong-tulong tayo. Hahatiin natin ang pag-aasikaso rito sa bahay. Lahat kayo, mag-aaral pa rin. Magtatapos kayo. Ako, hahanap ng trabaho. Ikaw Poldo ang maglalaba ng mga damit. Ikaw naman ang Jacob ang maghuhugas ng mga pinagkainan. Ikaw naman Yves ang bahala sa pagwawalis dito sa bahay, at pagdidilig ng mga halaman. Hindi ko na magagawa ang mga bagay na iyan.”
Walang tumanggi sa kanilang mga magkakapatid. Nauunawaan naman nila kung bakit kailangang gawin ang distribusyon ng mga gawain sa bahay. Hindi kakayanin ng kanilang Nanay ang lahat, na siyang kakayod para sa kanila at magiging padre de pamilya.
Matuling lumipas ang panahon. Nakatapos sila ng pag-aaral ng kaniyang Kuya Poldo dahil sa pagtitiyaga ng kanilang Nanay. Ang nakatutuwa, si Kuya Poldo na ang umako ng pag-aaral ni Yves. Isang taon na lamang at magtatapos na ito sa kolehiyo.
Naputol ang pagmumuni-muni ni Jacob nang kumatok ang kaniyang sekretarya.
“Sir, excuse me po, for signing na po ninyo,” saad nito.
Habang isa-isang pinipirmahan ni Jacob ang financial statement ng kaniyang sariling kompanya, naaalala pa niya lagi ang sinasabi ng kanilang Nanay: na kailangang hati-hati at pantay-pantay ang lahat. Simpleng aral lamang iyon mula sa paghahati ng chocolate cake subalit tumatak sa kaniya.
Bilang isang negosyante, mahalagang hindi dapat nanloloko o nanggugulang. Kailangang isaalang-alang ang kapakanan ng mga customer, gayundin ang kaniyang mga empleyado. Ang mga benepisyo ay kailangang ibigay nang sapat. Ito ay pagpapakita ng paggalang sa kapwa.
Sa pagtatapos ni Yves sa kolehiyo, muling nagsama-sama ang mag-anak. Nagluto ang kanilang Nanay ng masasarap na pagkain. Sa tabi ng kanilang Nanay, naroon ang munting picture frame ng kanilang Tatay, sa kabisera ng hapag-kainan, na matagal nang inookupa ng kanilang Nanay. Tila nakangiti ito sa kanilang lahat.
“Masayang-masaya ang Tatay ninyo sa langit. May mga sarili na kayong buntot. Matatagumpay sa buhay. Kung tutuusin, kahit ilang chocolate cake pa ang bilhin niyo, kayang-kaya na. Kahit nga yata magpagawa pa kayo ng bakeshop sa dami ng mga pera ninyo,” biro ng kanilang Nanay.
“Naku ‘Nay, huwag kang mag-alala, iyan talaga ang plano ko. You gave me an idea. Tutal, graduate naman ako ng Business Administration, I’ll put up my own bakeshop,” saad ni Yves. Pero kung gusto ninyo na may konsepto pa rin tayo ng hating-kapatid, puwede namang sosyo kami nina Kuya Poldo at Kuya Jacob,” biro ni Yves.
Nagkatawanan silang mag-iina.
At hindi nga naglaon, naisakatuparan nga ang panibagong negosyo ng kanilang pamilya: isang bakeshop. Ang chocolate cake na nagsisilbing alaala nila sa kanilang masipag at mapagmahal na Tatay.