Inday TrendingInday Trending
Nais ng Lolo na ang Kaniyang Paboritong Apo ang Magmana ng Kaniyang Gawain Bilang Mahusay na Tagagawa ng Parol; Tanggapin Kaya Niya Ito?

Nais ng Lolo na ang Kaniyang Paboritong Apo ang Magmana ng Kaniyang Gawain Bilang Mahusay na Tagagawa ng Parol; Tanggapin Kaya Niya Ito?

“Apo, Jemuel… halika nga… gagawa na ako ng parol. Halika at panoorin mo na ako.”

Hindi pinansin ni Jemuel, 14 taong gulang, ang pagtawag ng kaniyang Lolo Beron, na itinuturing na pinakamahusay na tagabuo ng parol sa kanilang lugar.

“Mamaya na po, Lo,” sabi ni Jemuel sa kaniyang lolo. Hindi umaalis ang kaniyang tingin sa kaniyang nilalarong video games.

“Mamaya na iyan. Panoorin mo akong gumawa ng parol para matuto ka…” patuloy na tawag ni Lolo Beron sa kaniyang kaisa-isang apong lalaki.

Pabalagbag na binitiwan ni Jemuel ang tangang joystick at headset. Nakasimangot ang kaniyang mukha. Halatang naiinis at napipilitan lamang siya.

“Ohhh… gusot na naman iyang mukha mo. Plantsahin mo muna. Makikita iyan sa parol na gagawin natin. Kapag gagawin mo ang isang bagay, titiyakin mong masaya ka. Kasi kapag hindi ka masaya, tatamlay rin ang anumang resulta,” saad ni Lolo Beron.

Nakalakhan na ni Jemuel ang kasikatan ng kaniyang Lolo Beron sa pagbuo ng mga parol. Mula sa pinakasimple hanggang sa pinakamagarbo na may pailaw, ay talaga namang hinahangaan at dinarayo pa. Ayon sa kuwento ng kaniyang inay, ito na raw ang kinasanayang trabaho ni Lolo Beron, na namana pa nito sa mga kanunu-nunuan.

Habang iniisa-isa ni Lolo Beron ang mga panuto sa pagbuo ng parol, nakatitig lamang sa kaniya si Jemuel. Tila naglalakbay ang isipan. Hindi niya talaga gusto ang ginagawa nito. Para sa kaniya, hindi niya talento ang pagbuo ng parol, o pagbuo ng mga likhang-sining sa kabuuan. Pinapakita niya sa kaniyang lolo ang kawalan ng interes dito. Bagay na napansin naman ng kaniyang inay na si Aling Dolores. Kaya naman pinagalitan siya nito pagkatapos ng kanilang sesyon.

“Jemuel, hindi ko gusto ang inasal mo kanina. Tinatawag ka ng Lolo Beron mo para turuan ng paggawa ng parol tapos nagdadabog ka pa. Tapos nakikita kong nakasimangot ka pa. Hindi magandang asal iyan,” pangaral ng kaniyang Inay.

“Kasi ‘Nay ayoko po talaga ng pinapagawa ni Lolo Beron. Hindi ko po makuha. Hindi po iyan ang interes ko,” saad ni Jemuel.

“Ikaw ang napipisil ng lolo mo para magmana ng paggawa ng parol, anak. Namana pa niya ang gawaing iyan sa mga lolo mo sa tuhod. Wala namang masama kung pag-aaralan mo,” huling payo ng kaniyang Inay.

Sa paglipas ng ilang lingo ay naging abala si Lolo Beron sa paggawa ng mga parol dahil malapit na ang Pasko. Dahil hindi na rin naman bumabata, isang tanghali ay bigla na lamang bumulagta sa lupa ang kaawa-awang matanda. Mabuti na lamang at sa mga palumpon ng materyales ng paggawa ng parol napahiga ang ulo nito.

Agad itinakbo sa ospital ang matanda. Mild stroke ang dahilan. Iyak nang iyak ang Inay ni Jemuel. Malungkot na malungkot naman si Jemuel. Hindi na magagawa ang mga parol na ipinagagawa sa kaniyang lolo dahil sa kalagayan nito.

Makalipas ang tatlong araw ay naiuwi na rin nila ang lolo subalit pinagbawalan itong magkikikilos. Ngiwi na rin itong magsalita.

“Tatang, sabi ng doctor magpahinga po kayo ah. Huwag matigas ang ulo. Hayaan na ninyo ang mga parol na iyan. Ibabalik na lang natin sa mga nagpagawa,” paalala ng Inay ni Jemuel sa kaniyang ama, na may katigasan na rin ang ulo.

Sa pagdaan ng mga araw ay mababakas ang kalungkutan sa mukha ni Lolo Beron. Nakabadha sa mga mata nito ang kagustuhang tumayo at ipagpatuloy ang ginagawa; subalit hindi na kakayanin ng kaniyang katawan.

Hanggang isang araw, maagang nagising si Aling Dolores upang silipin kung bakit may maingay na tila nagpupukpok sa kanilang bakuran. Napabalikwas siya ng bangon dahil baka si Lolo Beron ang gumagawa at pinairal ang katigasan ng ulo nito.

Subalit napatda siya sa nasilayan. Hindi pala si Lolo Beron ang gumagawa kundi si Jemuel!

“Wow… ikaw lahat ang gumawa nito?” gulat na gulat na tanong ni Aling Dolores sa anak. Nakangiti namang tumango ito.

“Akala ko ba ayaw mong matuto?” untag ni Aling Dolores.

“Para po kay Lolo Beron,” naiiyak na sabi ni Jemuel.

Kinagabihan, isa-isa nilang dinala ang iba’t ibang mga parol na ginawa ni Jemuel: hindi man ganoon kaganda at kapulidong gaya kay Lolo Beron, ay talaga namang nakapagdudulot pa rin ng ngiti sa mga labi.

Hindi man makatayo at makapagsalita, sapat na ang pagngiti at pagdaloy ng mga luha sa mga mata ni Lolo Beron upang ipakita ang kaniyang kasiyahan sa ginawa ni Jemuel. Alam niya, may pagpapasahan na siya sa pagiging isang mahusay na tagagawa ng parol.

Advertisement