Isa sa mga Pinagpilian ang Labanderang Nanay Upang Mapabilang sa Bagong Patalastas; Sa Huli’y Siya ay Napaluha
Nagulat si Aling Magda nang humahangos at sabik na sabik na lumapit ang anak na babaeng si Luna, 13 taong gulang. Kasalukuyang naglalaba si Aling Magda ng damit ng kaniyang mga kiliyenteng nagpapalaba sa kaniya, na bagama’t marami nang naglisaw na laundry shop sa kanilang lugar, ay mas pinipili pa ring magpalaba sa kaniya.
“Inay… inay! Tingnan mo po oh… may contest po ang detergent na ginagamit ninyo. Isasali ko po kayo at baka sumikat kayo!” pagmamalaki ni Luna.
“Hay naku Luna tigilan mo nga ako at wala akong panahon sa mga ganiyan-ganiyan, may ginagawa ako,” saway ni Aling Magda sa kaniyang anak.
“Wala naman kayong gagawin, ‘Nay. Ako nang bahala. Ako na bahalang magparehistro sa inyo. Wala naman kayong gagawin po kundi maghintay lang ng announcement kung mapipili kayo,” sabi ni Luna.
“Hay naku bata ka talaga, bahala ka na nga. Basta’t huwag mo akong abalahin at kailangan kong matapos ito. Magbabayad na naman ng matrikula sa paaralan ang kapatid mong si Andy,” sabi ni Aling Magda. Si Andy ang nakababatang kapatid ni Luna na pinag-aaral ni Aling Magda sa kolehiyo.
Iniwan si Aling Magda ng kaniyang mister na basagulero at sumama sa ibang babae. Simula noon, mag-isa niyang itinaguyod ang mga anak. Pinili ni Aling Magda ang magpakatatag para sa kaniyang pamilya na umaasa sa kaniya.
Hanggang isang araw…
“Inay! Inay! Kasama kayo sa mapipili para maging endorser ng detergent bar na sinasabi ko po sa inyo na naghahanap ng mga nanay na isasama nila sa commercial. Sikat ka na ‘Nay!” bida ni Luna.
Binasa ni Aling Magda ang ipinadalang confirmation message sa cellphone ni Luna. Hindi niya alam ang mararamdaman niya kung matutuwa ba siya o kakabahan.
“Naku kay pangit-pangit ko naman tapos lalabas sa TV? Nakakahiya!” angal ni Aling Magda.
“Inay, pagkakataon na ninyo ito upang sumikat! Saka sayang din ang 3,000 pesos na bayad. Panggastos din natin, o pangmatrikula ni Andy,” saad ni Luna.
Nang marinig ang halaga ng talent fee ay hindi na umimik pa si Aling Magda.
Kinabukasan, dumating na nga ang staff ng naturang detergent bar na sinasabi ni Luna. Akala nila, si Aling Magda na talaga ang pipiliin subalit kailangan pa palang dumaan sa audition.
Ang eksena: nakatalikod na magsasampay ang nanay ng mga kobrekamang bagong laba. Hindi kailangan ng linya dahil likod lamang ang kukunan.
“O Inay, madali lang iyan ah… magsasampay ka lang, wala kang babanggitin o mememoryahing linya,” sabi ni Luna.
Subalit kahit na magsasampay lamang ang gagawin at nakatalikod lamang, naka-sampung take si Aling Magda. Hindi raw makuha ang tamang anggulo kaya kailangang ulit-ulitin. Sa ika-labing-isang take, nagustuhan na rin ito ng direktor.
“Naku, pinasakit ninyo ang ulo namin at napakaraming nasayang na oras at baterya. Anyway, salamat po sa pagpapaunlak, pero hindi pa po sigurado ito ah? Actually lima kayong pagpipilian. Kung kaninong pag-awra ang nagustuhan ng kliyente, siya ang mapapabilang sa commercial,” paunawa ng direktor.
Bilang pampalubag-loob, binigyan sila ng 2,000 piso. Ang karagdagang 3,000 piso raw ay ibibigay sa mapipiling act.
“Sana ikaw ang makuha ‘Nay. Ang galing-galing mo kaya! Kasinggaling mo sina Vilma Santos, Nora Aunor, at Maricel Soriano!” pagmamalaki ni Luna.
“Sige, bolahin mo pa ako. Paano naman ako magiging magaling eh nagsampay lang naman ako, tapos nakatalikod pa!” natatawang sabi ni Aling Magda.
“Eh basta magaling ka at huwag ka nang kumontra!” sabi ni Luna.
Makalipas ang tatlong araw, nakatanggap ng text message si Luna na hindi si Aling Magda ang napili.
“Hayaan mo na. Nagbayad naman sila kahit papaano,” sabi ni Aling Magda.
At napanood na nga nila ang commercial. Mahusay umawra ang napiling nanay na kahit nakatalikod ay mahusay na naisampay ang kobrekama ayon sa hinihingi ng iskrip.
“Ayos lang iyan ‘Nay. Mas magaling ka pa rin diyan,” sabi ni Luna.
“Paano nga pala ako napili diyan? Anong ginawa mo?” tanong ni Aling Magda.
Kinuha ni Luna ang kaniyang cellphone at ibinigay sa ina.
“Basahin mo po ang makabagbag-damdaming pagbibida ko sa inyo,” sabi ni Luna.
At binasa ito ni Aling Magda.
“Magandang araw po! Ako po si Luna Delgado, anak ni Magdalena Delgado. Ang nanay ko po ay isang certified labandera. Sa husay niya, marami siyang mga customer na mas pinipiling magpalaba sa kaniya, kahit na may sarili na silang washing machine, o may mga laundry shop na sa bawat kanto. Pulido po kasing magtrabaho ang nanay namin. Bawat mantsa at dumi, natatanggal niya dahil sa kaniyang mapagpalang mga kamay. Kagaya ng ginagawa niyang pag-aalaga sa amin, simula nang iwan siya ng aming tatay na sumama sa iba. Tinitiyak niyang nasa ayos kami. Mahal na mahal at ipinagmamalaki namin siya.”
Hindi napigilan ni Aling Magda na maluha sa kaniyang nabasa.
“Sabi diyan, kung sino raw ang may mga pinakamagagandang testimonya sa mga nanay, sila ang pipiliin. Uy totoo naman lahat ng iyan at hindi pambobola,” paglilinaw ni Luna.
“Salamat anak at napahahalagahan ninyo pala ang mga ginagawa ko para sa inyo! Pasensiya na kung minsan mainit ang ulo ko,” pagpapasalamat ni Aling Magda.
Hindi man nakuha si Aling Magda sa naturang commercial, pakiramdam niya ay star na star siya sa paningin ng kaniyang mga anak!