Inday TrendingInday Trending
Akin Pa Rin ang Bukas

Akin Pa Rin ang Bukas

Nagulat si Cassandra nang ipakilala sa kanya ng inang si Aurora ang bago nitong kasintahan na si Juancho. Ilang taon na rin nang mamayapa ang kanyang ama kaya naman malayang magmahal muli ang ina. Hindi lang ipinakilala ang lalaki sa kanya, sa bahay na rin nila ito pinatira kasama ang mga anak nito sa unang asawa na sina Yolanda at Benigno.

“Mula ngayon ay dito na sila titira, anak. Ituring mong tunay na ama ang Tito Juancho mo at mga kapatid sina Yolanda at Benigno,” sabi ng ina.

“Wala naman pong problema sa akin, Mama,” tugon ng dalaga.

Sa una ay maayos naman ang pakikitungo ng mga ito sa kanya ngunit habang tumatagal ay nag-iiba ang ugali ng mag-aama lalong-lalo na ang mga anak nito.

“Cassandra, ipag-igib mo nga ako ng tubig sa balon at maliligo ako. Mahina ang patak ng tubig sa gripo kaya hindi ako makapagbuhos!” utos ni Yolanda.

“Si Benigno, nasaan siya? Siya dapat ang mag-igib di ba dahil siya ang lalaki?” maayos na tanong ng dalaga.

“A e wala si Kuya. Sumama kay Papa at may pinuntahan sila. Bilisan mo na at gusto ko nang magbanlaw!”pasigaw na sabi ng babae.

Walang nagawa si Cassandra kundi sundin ang utos ni Yolanda. Hindi naman niya magawang tumanggi dahil kapag narinig iyon ng kanyang ina ay baka mapagalitan siya.

Isang araw, nang lumabas siya sa banyo at bagong ligo ay naabutan niya si Benigno sa kusina at nakaupo. Umiinom ito ng alak at panay ang sulyap sa kanya. Nakatapis lang siya ng tuwalya kaya kitang-kita ng binata ang mapuputi niyang hita. Nang walang anu-ano ay bigla siya nitong niyakap nang mahigpit at pinaghahalikan sa pisngi. Natakot si Cassandra sa ginawa sa kanya ni Benigno kaya nagsisigaw siya.

“Tulong, tulungan niyo ako! B-bitawan mo nga ako!”

Narinig ng kanyang ina, ni Juancho at Yolanda ang sigaw niya.

“Anong nangyayari rito? Bakit ka nagsisigaw, Cassandra?”nagtatakang tanong ni Aurora.

Mama, pinagtangkaan po akong pagsamantalahan ni Benigno. Niyakap niya ako at pinaghahalikan!”mangiyak-ngiyak na sumbong ng dalaga.

“Ano? Totoo ba iyon, Benigno?”tanong ng ina ni Cassandra.

“H-hindi po totoo iyan! W-wala po akong ginagawa. Nakaupo lang ako dito tapos ay bigla na lang siyang nagsisigaw na parang nababaliw,” maang na sagot ng binata.

“Ang sabihin mo sinisiraan mo lang ang kapatid ko, dahil noon pa man ay ayaw mo na sa amin. Gumagawa ka ng paraan para siraan kami kay Tita Aurora,” sabad ni Yolanda.

“Pagsabihan mo iyang anak mo, Aurora. Maayos kaming tumira rito tapos ngayon ay sisiraan niya ang mga anak ko? Hindi ako makakapayag ng ganyan,” wika naman ni Juancho.

“Tigilan mo na ito, anak. Huwag mong siraan si Benigno, kapatid mo na siya mula ngayon kaya magkasundo na kayo!” sabi ni Aurora sa anak.

“P-pero, Mama…”

“Tumigil ka na! Pumasok ka na sa kwarto mo at magbihis!”singhal ng ina.

Pumasok si Cassandra sa kanyang kwarto na masama ang loob dahil sa ginawa ng sariling ina. Ang akala niya ay doon na matatapos ang kalbaryo niya dahil hindi niya inasahan ang mga sumunod pang nangyari.

Isang araw, pag-uwi niya galing sa eskwelahan ay may narinig siya mga ungol na nanggagaling si kusina. Iginala niya ang mga mata sa buong kabahayan, wala namang ibang tao. Wala roon ang kanyang ina, ang kinakasama nitong si Juancho at mga anak nito kaya kanino ang narinig niyang mga ungol?

Dahan-dahan niyang tinungo ang kusina at tumambad sa kanya ang eksena na kailanman ay hindi niya inasahan. Kitang-kita niya ang kanyang nobyo na si Edmond at si Yolanda na may ginagawang milagro sa kusina. Walang mga saplot at pawisan ang mga katawan.

“Mga walang hiya kayo! Ang bababoy niyo, dito pa talaga sa sarili naming pamamahay!” sigaw ng dalaga.

Parang binuhusan ng malamig na tubig ang dalawa nang makita si Cassandra.

“M-,mahal ko, m-magpapaliwanag ako! P-pakinggan mo ako, pakiusap!” nauutal na sabi ng nobyo.

“Mahal? Akala mo ba ay maniniwala pa ako sa sinasabi mo matapos kong makita ang ginagawa niyo!”galit na singhal ng dalaga.

“Puwede ba, Cassandra ang OA mo! Wala lang ang nangyari sa amin ng boyfriend mo. Tinikman ko lang siya at tinikman din niya ako, pero ikaw pa rin naman ang girlfriend niya,e” sabad na natatawa pang si Yolanda.

“Isa ka pa! Pinatira kayo ng Mama dito sa bahay, naghari-harian at nagreyna-reynahan na nga kayo dito. Pati ba naman ang nobyo ko, balak mo pang kunin?” aniya sa nagpupuyos na tinig.

“Muli niyang binalingan si Edmond. “Ikaw, ayoko nang makita pa ang pagmumukha mo dito, lumayas ka!”

Napapailing ang binata nang lumabas sa kanilang bahay. Sasaktan niya sana si Yolanda nang biglang dumating ang kanyang ina, si Juancho at si Benigno.

“Ano na naman ang nangyayari rito?!”pasigaw na sabi ni Aurora.

“”Bakit di niyo po tanungin si Yolanda?” sabi ni Cassandra sa ina.

“Yolanda?” anito.

“Hindi ko po alam diyan kay Cassandra. Nagtitimpla lang ako ng kape sa kusina, bigla na lang akong pinagsasampal at sinabunutan,” pagtatatangol ng dalaga sa sarili.

“Aurora! Akala ko ba ay pinagsabihan mo na iyang anak mo? Bakit ayaw pa rin niyang tigilan ang mga anak ko?” inis na sabi ni Juancho.

“Pasensya ka na, hayaan niyo at kakausapin ko ulit ang batang ito.”

Dali-daling hinila ni Aurora sa braso ang anak at dinala sa kwarto nito.

“Pinagsabihan na kita di ba? Sabi ko sa iyo ay pakitunguhan mo ng maganda sina Juancho, e bakit inaaway mo pa rin ang isa sa mga anak niya? Mga kapatid mo na sila mula ngayon!” singhal ng ina.

“Ma, hindi niyo po ako naiintindihan. Si Yolanda mo po at ang nobyo kong si Edmond nahuli ko sa kusina na nag….”

Hindi na naituloy ng dalaga ang sasabihin at tuluyan na itong napahagulgol ng iyak.

“Ang nobyo mo ang may kasalanan. Marupok ang lalaking iyon kaya mabuti pa ay kalimutan mo na siya. Hindi siya nararapat sa iyo, anak,” tanging nasabi ng kanyang ina.

Maghapong nag-iiyak at nagkulong sa kwarto si Cassandra. Sa isip niya ay nag-iisa na lang siya sa bahay na iyon. Pakiwari niya ay mas kinakampihan pa ng ina ang mga anak ng kinakasama nito. Sa sobrang sama ng loob ay nagdesisyon siya na umalis na sa kanilang bahay at tumira muna sa kaibigan niya.

Nang malaman ni Aurora na umilis ang anak ay di nito napigilan ang mag-alala sa dalaga kaya pinakiusapan nito si Juancho na hanapin si Cassandra at pabalikin sa bahay ngunit hindi ginawa ng lalaki dahil iyon nga ang gusto nito at ng mga anak, ang mawala ng tuluyan si Cassandra sa malaking bahay para wala ng makahahadlang sa kanilang mga plano.

Nang mawala si Cassandra ay si Juancho na ang pinaka-pinagkakatiwalaan ni Aurora kaya kahit pati ang lupang pagmama-ari sana ng dalaga ay palihim na inangkin at ibinenta ni Juancho para magkapera. Hindi naman iyon nakaligtas kay Aurora at agad na kinompronta ang lalaki.

“Juancho naman, bakit mo naman ibinenta ang lupa na para sa anak kong si Cassandra? Sa kanya ang lupang iyon, wala kang karapatan na galawin iyon!” galit na wika ni Aurora sa kinakasama.

“Teka, para sa kanya? E, nasaan ba ang anak mong suwail? Wala na, nilayasan ka na! Hindi na siya babalik dito!”

Sa sinabi ni Juancho ay biglang nanikip ang dibdib ng ni Aurora hanggang sa tuluyan na itong inatake sa puso at nawalan ng malay. Imbes na dalhin sa ospital ay pinabayaan ng lalaki ang babae na nakahandusay sa sahig.

Isang araw ay nabalitaan ni Cassandra ang nangyari sa ina. Labis niyang ikinagulat ang pagpanaw nito.

“Diyos ko, anong nangyari kay Mama?” aniya habang nangingilid na ang luha sa mga mata.

Agad siyang bumalik sa malaking bahay para puntahan ang burol ng ina. Nang makita siya ni Juancho at ng mga anak nito ay pinalayas siya ng tatlo sa sarili niyang pamamahay.

“Ano pang ginagawa mo rito? Simula nang umalis ka ay wala ka nang karapatan dito at wala ka na ring karapatang makita ang Mama mo,” sabi sa kanya ni Juancho.

“Panindigan mo ang paglalayas mo. Wala ka nang babalikan dito!” sabad ni Yolanda.

“Mabuti pa ay umalis ka na Cassandra. Ikaw ang dahilan kung bakit inatake si Tita Aurora. Inatake siya sa puso sa sama ng loob sa iyo,” hirit pa ni Benigno.

“H-hindi totoo iyan! At bakit niyo ako papaalisin sa sarili kong bahay? Ako ang tunay na anak ni Mama at may karapatan ako dito. Ano ba talaga ang nangyari kay Mama? Hindi ako naniniwala na wala kayong kinalaman sa pagpanaw niya,” aniya sa humihikbing tono.

“May ebidensiya ka? Paano mo mapapatunayan na sa iyo nga itong bahay? Nasaan ang priweba mo? Saka ka na bumalik dito kapag may napanghahawakan ka na ha, lumayas ka dito, waka kang karapatang makita ang labi ng iyong ina!” pagmamatigas ni Juancho.

Walang nagawa si Cassandra kundi ang umalis. Sa puntong iyon ay wala siyang hawak na pruweba na maaring magpatunay na may karapatan siya sa bahay nilang mag-ina. Nag-aalala siya na baka hawak na ng tatlong ganid ang mga dokumento ng bahay at ari-arian ng kanyang ina.

“O, Mama, hindi ko man lang nasilip ang inyong labi, ” bulong ng dalaga sa sarili at hindi napigilan na muling mapahagulgol.

Hindi man lang niya nakita sa huling pagkakataon ang ina kahit sa libing nito ay hindi siya hinayaang makalapit ng pamilya ni Juancho.

Nang sumunod na araw ay dinalaw ng di inaasahang bisita si Cassandra.

“Magandang araw, hija. Ako si Attorney Rafael Austria. Ako ang abogado ng iyong Mama. Napag-alaman ko na dito ka pansamantalang tumutuloy sa bahay ng iyong kaibigan kaya dito kita pinuntahan. Narito ako para ipaalam sa iyo na sa iyo ipinamana ng iyong Mama ang lahat ng kanyang ari-arian kasama ang malaking bahay kaya karapatan kang bawiin iyon sa pamilya ng kinakasama ng iyong ama,” bunyag ng abogado.

“T-totoo po ba, Attorney? Ang akala ko ay kinalimutan na ako at itinakwil ng tuluyan ni Mama mula nang umalis ako sa amin. Hindi ko akalain na…” hindi na niya naituloy ang sasabihin at muling napaiyak.

“At mayroon ka pang dapat na malaman, hija. Napag-alaman ko na hindi man lang daw dinala sa ospital ng mag-aamang Juancho ang iyong ina nang atakihin ito sa puso. Kung isinugod nila ng maaga sa ospital si Aurora ay nailigtas sana ang kanyang buhay,” hayag pa nito.

“Ang mga walang hiya! Sila ang totoong pumaslang kay Mama. Pagbabayaran nila ang ginawa nila!”

Hindi nag-aksaya ng panahon si Cassandra at dali-daling pinuntahan ang bahay nilang mag-ina para bawiin ito. Nang makita siya ng mag-aama ay pinigilan siya ng mga ito na pumasok sa malaking bahay.

“Ano pang ginagawa mo dito? Wala na ang Mama mo kaya wala ka nang karapatan sa pamamahay na ito, dahil amin na ito!” wika ni Yolanda.

“Ngayong wala na si Aurora ay ako na ang nagmamay-ari ng bahay na iyan, kaya makakaalis ka na!” matapang na sabi ni Juancho.

“Iyan ang akala niyo, dahil sa pagkakataong ito ay may pruweba na ako. Wala kayong karapatan sa bahay namin at sa kahit anong ari-arian ni Mama dahil ang lahat ng iyan ay ipinamana niya sa akin,” walang kagatul-gatol na tugon ni Cassandra.

Mayamaya ay dumating na rin si Attorney Austria na may mga kasamang pulis.

“Tama ang sinabi niya, siya ang kaisa-isang tagapag-mana ni Aurora Mendoza. Kaya may karapatan siya sa bahay na iyan,” sabad ng abogado habang ipinakita sa mag-aama ang mga dokumentong nagpapatunay na si Cassandra ang tagapag-mana.

“Hindi mo kami, matatakot. Hindi kami aalis sa bahay na ‘to!” pagmamatigas ni Juancho.

“Kung hindi kayo aalis ay wala akong magagawa kundi ipakaladkad kayo sa mga kasama kong pulis. Ang kapal ng mukha niyo, ang totoo naman ay kayo ang dahilan ng pagkawala ni Mama. Akala niyo di ko malalaman na hindi niyo siya dinala sa ospital nang atakihin siya sa puso? Tapos na ang paghahari-harian at pagreyna-reynahan niyo sa pamamahay namin kaya maaari na kayong bumalik sa kung saan kayo nagmula. Sa putik kayo, nanggaling, sa putik din kayo babalik!” litanya ni Cassandra.

Walang nagawa ang pamilya ni Juancho kundi ang lisanin ang malaking bahay. Dahil sa takot na baka madakip ng mga pulis at makulong ay nagmadaling umalis ang mga ito at kailanman ay hindi na nagpakita pa sa dalaga.

Matapos na mabawi ang bahay ay pinuntahan naman ni Cassandra ang puntod ng yumaong ina at doon ay humingi siya ng tawad sa lahat ng kanyang ginawa. Alam niya na hindi na maibabalik pa ang nakaraan ngunit para sa kanya ay sapat na ang lahat ng pinagdaanan niya para mas lalong maging mas matatag sa buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement