Inday TrendingInday Trending
Bakit Mo Kinalimutan?

Bakit Mo Kinalimutan?

“Naku, alam mo anak noong nabubuhay pa ang itay mo ay lahat na yata ng pagsuyo ay ginawa niya para makuha lang ang matamis kong ‘oo’. Hindi lang ako ang niligawan niya, pati ang lolo at lola mo ay kinuha niya ang loob para mahingi lang ang kamay ko,” maluha-luhang kuwento ni Aling Lerma tungkol sa yumaong asawa.

“Sa araw-araw na ibinigay ng Diyos ay palagi na lang iyan ang binabaggit niyo, inay. Malalaos po ang sirang plaka sa paulit-ulit niyong kuwento. Kung naririnig iyan ni itay sa kabilang buhay ay maririndi na sa inyo,” wika ng anak nitong si Aliona na naiinis na sa paulit-ulit na kuwento ng ina.

“Naku, iyang itay mo ay napakabait at napaka-mapagmahal. Ako lang ang nag-iisa sa buhay niya at wala ng iba,” pahabol pang sagot ni Aling Lerma.

“Inay pati iyan ay paulit-ulit niyo na ring sinasabi. Mabuti pa ay ipakonsulta ko na kayo sa doktor,” sabi ni Aliona sa ina.

Sa sobrang pikon niya sa ina ay tinatakot na niya ito na magpunta na sila sa doktor para ipasuri ito. Dahil ilang buwan na ring ganoon ang ikinukuwento ni Aling Lerma.

Nang sabihin ni Aliona ang tungkol sa pagpunta sa doktor ay agad na tumatanggi ang ina.

“Ayaw kong pumunta sa doktor! Bakit ako pupunta dun, e wala naman akong sakit?” pagmamatigas ni Aling Lerma.

Napabuntong hininga na lamang si Aliona sa inasta ng ina. Mayamaya ay nagpaalam na siya rito dahil papasok na siya sa trabaho nang muli siya nitong tawagin.

“Aliona anak! Birthday mo na pala sa makalawa, ano ang gusto mong regalo?!” pasigaw nitong tanong.

Hindi na lang niya pinansin ang sabi ni Aling Lerma. Tapos na ang kaarawan niya nung nakaraang buwan at sinabi rin nito na bibigyan siya ng regalo ngunit kahit isa ay wala itong ibinigay sa kanya kaya may tampo pa rin siya rito.

Hindi tumigil sa pagsigaw ang ina.

“Ano ba talaga ang gusto mong regalo, anak?!” anito sa malakas na boses.

“Inay, tapos na po ang birthday ko nung isang buwan, kaya huwag na po kayong mag-abala na ibili pa ako ng regalo!” pasigaw rin niyang sagot.

“Naku, anak huwag mo akong biruin, tandang-tanda ko ang petsa at taon ng kapanganakan mo kaya alam ko na sa makalawa ang birthday mo. Huwag kang mag-alala at bibilhan ka ng regalo ni nanay.”

“Paulit-ulit naman po tayo, e. Sabi ko po huwag na po kayong mag-abala. Okay lang po ako. Ang mabuti pa ay magpahinga na muna kayo at kanina pa kayo naglilinis diyan at ako naman po ay papasok na sa opisina, male-leyt na ako sa trabaho,” malumanay niyang sabi sa ina kahit sa loob-loob niya ay inis na inis na siya.

Hinimas nito ang pisngi niya bago siya umalis.

“Haynaku, basta ako ang bahala, anak. Sige na, ingat ka sa pagpasok,” nakangiting sabi ni Aling Lerma.

Kahit nasa opisina ay nasa bahay ang isip ni Aliona. Nag-aalala siya sa kanyang ina. Ano na kaya ang ginagawa nito, kung lalabas ito ng bahay ay saan ito pupunta? Samo’t saring tanong ang kanyang naiisip. Aminin man niya o hindi ay nag-aalala siya rito lalo na at lumalabas na ang mga sintomas na nag-uulyanin na ito.

Pag-uwi ni Aliona ay takang-taka siya sapaglat napakadilim ng buong kabahayan. Hinanap niya ang ina sa bawat sulok ng kanilang bahay maging sa katapat nilang panaderya ngunit hindi niya ito makita.

Sa kabilang dako, heto si Aling Lerma naglalakad na mag-isa sa kalsada. Litong-lito ang matandang babae at hindi niya mawari kung nasaang lugar na siya. Pilit nitong inaalala ang daan pabalik sa kanilang bahay ngunit nananakit ang ulo niya tuwing susubukan niyang mag-isip.

Nang biglang may tumawag sa kanya.

“Inay, inay!” sigaw ng isang pamilyar na boses.

Paglingon niya ay nakita ang humahangos na si Aliona.

“Inay naman, pap*t*yin mo naman ako sa nerbiyos, e. Saan ba kayo galing?” nag-aalalang wika ng anak.

“A, e may binili lang ako sa kanto,” palusot ng ina na ayaw mag-alala pa ang anak.

Agad silang umuwi ng bahay. Matapos na sabay kumain ng hapunan ay pinatulog na niya ang ina. Habang mahimbing itong natutulog ay napansin niyang nakabukas ang malaking kabinet na malapit sa kama nito. Nang buksan niya iyon ay tumambad sa kanya ang iba’t ibang regalo na magkakaiba ang balot. Nang tingnan niya ang kard sa mga regalo ay iisang mensahe lang ang nakasulat…

“Happy Birthday, Aliona. Love ka ni Nanay!”

Napansin rin niya ang paper bag na dala ng ina nang makita niya ito kanina. Nang tingnan niya ang loob ay laking gulat niya dahil panibagong regalo na naman iyon na galing sa kanyang ina. Gaya ng mensaheng nakasulat sa ibang mga regalo ay iyon din ang nakasulat sa regalong hawak niya. Napatakip ng bibig si Aliona at saka napahagulgol.

“Inay…”

Nilapitan niya ang natutulog na ina at hinagkan ito sa noo. Napagtanto niya na kaya pala umalis at lumabas ng bahay ang ina ay para mabilhan lamang siya ng regalo. Hindi rin pala siya dapat nagtampo rito dahil hindi naman talaga nito nakalimutan ang kanyang kaarawan, hindi lang nito nagawang maiabot ang regalo dahil sa pagiging malilimutin ng ina. Sa kabila ng kinakaharap nitong kundisyon, kailanman ay hindi siya nito nakalimutan.

Pinatingin niya si Aling Lerma sa espesyalista at tama nga ang kanyang hinala.

“May Alzheimer’s disease ang nanay mo, hija na papunta na sa Dementia. Reresetahan ko kayo ng gamot para sa kundisyon niya ngunit lubos na pag-unawa pa rin at pagmamahal ang pinaka-kailangan niya ngayon,” wika ng doktor sa kalagayan ni Aling Lerma.

Muli siyang napaiyak sa sinabi ng doktor. Labis niyang pinagsisisihan ang pagkainis niya sa ina. Mula noon ay inalagaan na niya itong mabuti at pinagpapasensiyahan kapag inaatake ng pagiging makulit at matigas ang ulo. Mas lalo niyang ipinakita rito ang kanyang pagmamahal bilang isang anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement