Inday TrendingInday Trending
Sa’yo Sa Bawat Sandali

Sa’yo Sa Bawat Sandali

Lahat nagsimula noong naaninag ni Jeremy ang isang magandang babae sa kanilang lugar. Nakasuot ito ng magandang bestidang pang-alis kasama ang pamilya na tila may dadaanang kasal. Papasok lang si Jeremy noon sa eskwelahan kaya wala siya gaanong panahon upang mapagmasdan ang magandang binibini. Pumapasok sa isang sikat na unibersidad si Jeremy at kumuha ng kursong accountancy. Nais niyang maging ganap na accountant sa business firm ng kanyang ama.

Araw-araw ay sumasakay ng tren at ng isang dyip si Jeremy papasok ng eskwelahan. Bitbit niya lagi ang paborito niyang bag na galing pa sa Estados Unidos. Mahilig makinig ng mga kanta at musika si Jeremy. Ngayon ay isa rin siyang nagmamani-ubra at nagkukumpuni ng mga kasangkapang tulad ng speaker, pailaw at iba pang karaniwang makikita sa isang malakihang event.

“Jeremy, papunta na ako ng eskwelahan. Dala mo ‘yung laptop mo? May ida-download tayo na video mamaya,” text ng kaibigan niyang si Rachelle.

“Oo Chelle, papunta na ako. kakasakay ko lang sa LRT,” sagot ng binata.

Nang nakapasok na si Jeremy ay may isang babae na naghabol sa pinto ng tren. Ito’y biglang tumalon sa loob at para hindi masubsob ang babae ay sinalo ni Jeremy ang babae. Hindi naipit ang kahit ano pa mang parte ng katawan ng babae. Nang kumalma na ang sitwasyon ay nakilala ni Jeremy ang babae.

“Uy! Miss, okay ka lang?” tanong ni Jeremy sa dalaga.

“Oo, oo, okay lang po ako hehe.” ngumiti ang babae dahil na rin sa kalokohang pagtalon nito sa tren.

“Sigurado ka ah?” nag-aalalang tanong ni Jeremy.

“Oo naman, wala namang sugat o ano. Ikaw po ba?” tanong ng dalaga kay Jeremy.

“Okay lang din. Oo nga pala, Jeremy,” sabi ng binata at inalok ni Jeremy ng kanyang kanang kamay upang makipagkamay sa dalaga.

“Mariel, nice to meet you po, Jeremy!” kinamayan ni Mariel si Jeremy.

“Matanong ko lang, ikaw ‘yung nakabestida noong isang araw na dumaan malapit sa mall no?” tanong ni Jeremy.

“Ay weh? Baka naaninagan mo lang ang kamukha ko o ibang tao ‘yun.” sagot ni Mariel.

“Kulay light blue ang bestida mo at kasama mo ata pamilya mo, ikaw lang ata ‘yung anak,” mariin na sabi ni Jeremy.

“Oh ako nga! Hala nasaan ka noon? Pasakay na kami sa kotse noon eh.”

“Nandoon ako kasi may mga equipment pa kaming nililigpit. May event kasi noon sa mall at kami ang nagha-handle ng lights ang sounds,” sagot ni Jeremy.

“Ay weh? Kayo ‘yung nag-handle ng sounds ng event sa mall noong dumating ‘yung artista? Ang cool!” namangha si Mariel sa sinabi ni Jeremy.

“Okay lang naman, para na rin may naiipon ako sa mga gastusin ko,” wika ni Jeremy kay Mariel.

“Ano pa mga gawain mo Jeremy?” tanong ng dalaga.

Nagtuluy-tuloy ang usapan ng dalawa. Kinuwento ni jeremy ang tungkol sa kumpanya ng kanyang ama, at kinuwento ni mariel ang tungkol sa mga event na sinasalihan niya. Mahilig si Mariel sa mga fundraising event para sa mga mahihirap at nangangailangan. Ninais ni Jeremy na imbitahin si Mariel sa kanyang susunod na event at pumayag ang dalaga.

Naghiwalay muna ang landas ng dalawa dahil magka-iba ang pinapasukan nilang eskwelahan. Nagpa-alam si Jeremy kay Mariel habang nagmamadaling bumaba mula sa tren. Labis ang tuwa ni Jeremy marahil kilala na niya ang babaeng nakita niya dati. Agad niyang hinanap ang profile ni Mariel sa Facebook at in-add ito bilang kaibigan.

Lumipas ang mga buwan at lagi na silang magkausap. Mapa-araw o mapa-gabi, sila ang magkakwentuhan. Nakasama rin si Mariel sa isa sa mga event ni Jeremy at napanood niya kung paano gumagana ang mga special effects sa likod ng entablado. Natuwa ang binata sa karanasang napamahagi niya sa dalaga. Unti-unti ay nagkakaroon na rin ng damdamin si Jeremy kay Mariel, ngunit hindi ito halata ng dalaga. Sa tuwing aalis sila ay nililibre ni Jeremy si Mariel ng pagkain. Binigyan na rin ni Jeremy ng isang stuffed toy si Mariel noong huling Pasko ngunit tila pusong-bato ang dalaga sa kung anong nararamdaman ni Jeremy.

“Yel, sama ka? May gig kami sa BGC next Saturday,” text ni Jeremy kay Mariel.

“Hindi muna Je, may gagawin pa ako this month kaya baka hindi muna ako makasama sa’yo.” sagot ng dalaga.

“Okay, good luck!” huling text ni Jeremy.

Hindi nahalata ni Jeremy na may iba na palang kinakasama si Mariel. Ilang buwan ay hindi gaano nagpaparamdam si Mariel sa kanya. Mas madalas pa ang mga mensahe ni Jeremy kumpara sa mga reply ni Mariel. Ngunit, hindi pa ito ininda ng binata. Sa isip niya’y may mahalagang pinagkaka-abalahan ang dalaga.

Umabot na ang huling buwan bago magsimula ng pasukan sa susunod na taon ay ngayon na lang nagparamdam si Mariel. May problemang inilalapit si Mariel at humihingi ng tulong kay Jeremy. Natuwa naman ang binata dahil muli niyang matutulungan ang kanyang pinapangarap na babae. Naglaan ng oras si Jeremy ngayong hapon upang tawagan o kausapin si Mariel.

“jeremy, free ka ba sa oras ngayon?” text ni Mariel kay Jeremy.

“Oo naman, gusto mo puntahan kita or tawagan kita?” nag-aalalang sagot ng binata.

“Kahit tawag na lang, okay lang.” sagot ni Mariel.

“O sige, tawagan kita, wait lng.”

“Hello? Mariel? Okay ka lang diyan.” tinawagan ni Jeremy si Mariel.

“Okay lang naman, may problema lang dito,” sagot ni Mariel.

“Anong problem niyo diyan?”

“Medyo nagkakalabuan na kasi si mom at dad. Nakaka-stress tapos sumasabay pa itong si Richard sa stress ko.”

“Sino naman si Richard?” tanong ni Jeremy.

“Oh, boyfriend ko. Oo nga pala hindi pa pala kayo nagkikita. ‘Di bale kapag maayos na dito ipakilala kita Je,” sagot ni Mariel.

“Ohh…may boyfriend ka pala…hindi ko namalayan. Pero, okay ka lang ba diyan?” malungkot na sagot ni Jeremy.

Sa pagkakataong ityon ay hindi na klaro ang isipan ni Jeremy. Dismaya at tila sinampal ang pagkatao ni Jeremy sa kanyang narinig. Hindi halata ni Mariel ang boses ni Jeremy na tila nanginginig at paputol-putol. Umasa si Jeremy kay Mariel at labis ang kanyang pagpapahalaga kay Mariel. Hindi lubos na maisip ng iba ang sakit na nadarama niya. Ngunit, wala ring magawa si Jeremy kung hindi ang suportahan si Mariel.

Hanggang ngayon, kay Jeremy pa rin lumalapit si Mariel kapag may problema siya. Hindi alam ni Richard na may Jeremy si Mariel sa tuwing namomroblema ang dalaga. Ninanais na ring lumayo ni Jeremy at ipagtapat ang kanyang damdamin sa dalaga, ngunit hindi siya makahanap ng wastong panahon. Ayaw ni Jeremy na makasira siya ng isang relasyon, kahit na may damdamin siya kay Mariel.

“Mariel, wala naman akong nagawang mali, pero bakit ganun? Hindi ba umabot sa puso mo ang mga pagsisipag ko? Ngayon, na gusto na kitang layuan, lumalapit ka dahil may mga problema ka. Kaya sana, gusto ko na lang ipagtapat nararamdaman ko sa’yo kaysa makagulo pa ako sa inyo. Masaya na akong natagpuan kita pero mas masaya ka siguro kung wala na lang ako,” bulong ni Jeremy sa sarili.

Nagdaan ang mga buwan at hindi pa rin tuluyang makalimutan ni Jeremy si Mariel. Sa bawat away ng dalaga at boyfriend nito ay kay Jeremy lumalapit ang dalaga. Pilit na hindi pinapansin ni Jeremy si Mariel ngunit hindi ito mapigilang lumapit sa dalaga. Sa maraming pagkakatao’y ninanais ni Jeremy na magtapat ng damdamin sa dalaga ngunit tikom ang kanyang bibig sa bawat pagkakataon.

Ngunit napagdesisyunan na ni Jeremy. Isang araw ay niyaya niya ang dalaga na kumain sa labas. Pumayag naman ang dalaga sa imbitasyon ni Jeremy. Nagkita sila sa istasyon ng tren. Dumiretso agad sila sa malapit na kainan at himalang kakaunti lang ang in-order ni Jeremy na pagkain.

“Je, okay ka lang? Bakit mo naisipan na sabay tayo kumain?” tanong ni Mariel kay Jeremy.

“Mariel. Gusto kita, matagal na,” sagot ni Jeremy na tila wala nang emosyon sa kanyang mukha.

“Ha? Lasing ka ba Je?” natatawang sabi ng dalaga.

“Hindi ako lasing. Matagal na akong may damdamin sa’yo. Ninais ko na ring umamin sa’yo dati pa, pero bigla ko na lang nalaman na may nobyo ka nang iba. Hindi mo agad nasabi sa akin ‘yan kahit na turing ko sa’yo ay matalik na kaibigan,” wika ni Jeremy kay Mariel.

“Walang maisagot ang dalaga.

“Kaya ito na ang huli nating pagkikita bilang matalik na magkaibigan. Ayaw ko maging gulo sa inyong dalawa. Pakiramdam ko hindi alam ni Richard ang tungkol sa akin. Ako na ang aalis bago pa lumala ang sitwasyon nating tatlo,” tugon ni Jeremy.

“Je! Sandali lang…kung ayaw mo sa kanya…edi makikipag-break na lang ako. Huwag ka lang mawala…ayaw kong mawala ka…” sagot ng dalaga habang naluluha sa harap ng binata.

“Tama na. Kung pinahalagahan mo man lang ako noong una pa lang, walang problema kung iba ang nobyo mo, pero kailan ko lang nalaman na tila ayaw mo yatang malaman ko. Tapos ngayon, papalitan mo lang si Richard na parang lumang gamit? Ayaw ko. Hindi ko intensyong makasira sa inyo. Ayaw ko na!” wika ni Jeremy bago umalis sa kanilang kinaroroonan.

Mukha mang walang puso ang ginawa ni Jeremy ngunit ito na lang ang tangi niyang magagawa sa isipan niya. Nasira ang imahe ni Mariel sa isipan ni Jeremy, lalo na doon sa kakasabi lang ng dalaga. Hindi lubos na maisipan ng binata na kayang itapon ni Mariel ang isang tao para lang sa iba lalo kung nobyo niya ito. Malungkot man ang pakiramdam ng binata ngayon, mas maganda na rin ang magiging sitwasyon niya kinabukasan. Hindi kailangan ni Jeremy ang isang taong tulad ni Mariel sa buhay niya.

I-like and i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement