Inday TrendingInday Trending
Lucky You, Lucky Me

Lucky You, Lucky Me

Si Joan at Paulo ay matagal nang magkaibigan. Naniniwala ang dalawa na lucky charm nila ang isa’t isa.

Nagsimula ang pagiging lucky charm nila nang magpunta sila sa isang lamay. Kamag-anak ng kaibigan nila ang makaburol, at uso sa mga lamay ang mga larong baraha. Dahil magkakabarkada ay magkakasama ang mga ito. Laging nanalo si Paulo sa bawat laro niya ng tong-its o pusoy dos. Ngunit napansin niya rin na sa tuwing lumalayo si Joan sa tabi niya ay natatalo ito.

Noong panahon na yon ay hindi pa masyadong pinansin ni Paulo ang swerte na dulot ni Joan. At nakumpirma lamang nila ito, nang minsan ay nagpunta sila sa perya. Magkakasama silang magkaibigan noon, sinubukan niyang maglaro na katabi si Joan, at lagi siyang nanalo. Minsan naman ay uutusan niya ang dalaga na umalis o pumunta sa kabilang palaruan, at pag naglaro na siya ay natatalo ito.

Maya-maya naman ay si Joan na ang naglalaro, agad niya itong tinabihan at nanalo nga si Joan. Ilan beses lumapit at lumayo si Paulo habang naglalaro si Joan, at sa tuwing aalis ito ay matatalo siya at sa tuwing magkasama ay sila ay panalo naman ito.

“Hoy Paulo! Bumalik ka nga rito! Nanalo ako pag nandito ka eh!” tawag ni Joan kay Paulo na umalis para sumakay sana sa chubibo.

“Magaling ka lang talaga,” sagot ni Paulo.

“Hindi pare, pag umaalis ka talaga sakto na natatalo ako eh,” sagot naman ni Joan.

“Kaya wag kang aalis diyan! Para makarami tayo ng panalo!” utos ni Joan kay Paulo.

Matapos maglaro ni Joan ay bigla itong kinausap ni Paulo.

“Joan! May sasabihin ako sayong sikretong malupit,” pabiro nitong sinabi sa dalaga.

“Ano na naman ‘yang kalokohan na yan? Aber!” pagtataray na sagot ni Joan.

“Hindi ko alam kung napansin mo, pero ako ilang beses ko ng napansin to. Kahit nung nasa lamay pa tayo at naglalaro ako ng tong-its,” kwento ni Paulo

“Basta sa tuwing magkasama tayo, panalo lagi tayo. Tapos pag umalis ang isa atin ay matatalo naman tayo,” dagdag na paliwanag nito.

“Talaga ba? Baka nagkakataon lang?” nagtatakang sagot ni Joan.

“O sige, halika pumunta tayo sa binguhan doon. Maglaro ka, tapos doon ako tatayo sa may ferris wheel. Subukan natin kung totoo nga,” sabi ni Paulo

Agad namang pumuwesto si Joan sa bingguhan at naglaro ito. Nasa may ferris wheel naman si Paulo. Nagsimula na ang laro, at wala pa ring natatawag na numero na meron si Joan sa kangyang binggo card. Sumenyas si Paulo na lalapit siya, at pagkalapit nga ni Paulo sa tabi niya ay sunod-sunod na natawag ang mga numero sa mga card niya.

Sinubukan ulit lumayo ni Paulo at nagpunta sa may chubibo, hindi na naman ulit natawag ang mga numero. At nang bumalik na naman siya sa tabi nito ay tinawag ulit ang mga numero ni Joan.

“Binggo!” sigaw ni Joan ng makabuo na nga ng ekis sa isa niyang card.

Nanalo sila at doon nila napatunayan na totoo nga na swerte sila na magkasama. At mula noon, lagi na silang lumalabas nang magkasama. Noong una ay mga peryahan o mga palaruan lang nila nagagamit ang swerte ng isa’t isa. At sa tinagal ng panahon, ay nagamit na din nila ang swerte na ito sa kanilang buhay, maging sa pag-aapply ng trabaho.

Nung unang beses ay hindi nakasama si Joan nang nag-apply si Paulo sa una niyang trabaho. Hindi ito natanggap. Si Joan naman ay nakapasa dahil nasamahan siya ni Paulo.

“Joan, bukas ha? Sasamahan mo ko sa interview. Basta kahit doon ka lang sa lobby or sa labas ng building,” pakiusap ni Paulo kay Joan.

“Oo, sasamahan kita Pau. Kayang-kaya mo ‘yan no! Laban lang,” nakangiting sagot ni Joan.

At tulad ng inaasahan ay natanggap nga si Paulo sa inapplyan na trabaho. Nagpatuloy ang dalawa sa pagiging lucky charm ng isa’t isa.

Nang minsan naman ay sumali si Joan sa isang patimpalak sa kanilang opisina, ipinagpaalam niya pa kung maaring magsama ng kaibigan para manuod. Nang mapayagan ay agad niyang isinama si Paulo, at panalo na naman.

“Pau, salamat sa pagpunta ha. Alam mo naman na lucky charm kita eh,” pasalamat ni Joan kay Paulo.

“Wala ‘yon. Basta pwede, sasamahan lang natin lagi ang isa’t isa,” sagot naman ni Paulo.

Nagpatuloy ang paggiging lucky charm nila sa isa’t isa. Pati sa mga raffle ay sumasali ang dalawa at lagi pa din nanalo. Para sa kanila ay para bang nahanap nila ang swerte sa isa’t isa.

Kaso dumating ang isang pangyayari na magdudulot ng paghihiwalay nilang dalawa. Kailangan na muna kaso ni Paulo na umuwi sa probinsiya nila sa Davao, nanghihingalo na kasi ang lolo nito. Kaya kailangan nilang manirahan doon habang buhay pa ito.

“Paano na kaya ‘yan? Aalis ka. Mukhang hindi na muna tayo magiging swerte ng ilang buwan o taon ha?” wika ni Joan ng magkita sila Paulo para magpaalam sa isa’t isa.

“Babalik din naman ako,” sagot ni Paulo.

“Pahinga daw muna tayo, masyado na daw tayong maswerte sa isa’t isa,” dagdag pa ni Paulo.

Umalis na nga si Paulo at nagtungo na ng Davao. Mula noon, ay mag-isa na lang nilang hinaharap yung bawat pagkakataon na pwede sana silang manalo o swertehin. Nang minsan ay sumali ulit si Joan sa isang patimpalak ay hindi na ito nanalo. Dahil nasa malayong lugar na si Paulo ay madalang na lang ang dalawa na mag-usap. At kahit si Paulo ay ramdam ang kawalan niya ng swerte pag wala si Joan.

Mula ng makarating siya ng Davao ay hindi pa siya nakakahanap ng trabaho. Wala pa din siyang naipapanalo na laro ng basketball. Habang tumatagal ay nalulungkot na ang dalawa. Hinahanap-hanap ng nila ang bawat isa.

“Pau, kamusta ka diyan?” tanong ni Joan kay Paulo nang minsan mag-usap sila ni Paulo sa telepono.

“Eto, wala pa rin trabaho. Malas na malas na nga ako sa sarili ko eh. Gusto ko na bumalik diyan sa Maynila kaso ayaw ko naman iwan sila Lolo dito,” kwento ni Paulo sa kaibigan.

“Ako din Pau, ilang beses na akong pumalpak sa opisina at matatanggal na ata ako sa patimpalak na sinalihan ko,” mangiyak na sabi ni Joan.

Lucky Charm man kung ituring nila nag isa’t isa ay may higit pa din na kaibigan ang turing nila sa kanila. Kaya imbis na malumbay lalo ay sabay nilang naisip na suportahan ang isa’t isa.

“Tahan na hoy. Magaling ka tandaan mo yan, Joan! Parekoy kaya kita. Wala nga lang ako para maging lucky charm mo, pero alam kong kaya mo ‘yan!” naunang sabi ni Paulo.

“Ikaw din, makakahanap ka din ng tamang trabaho na pasok na pasok ka. Magtiwala ka lang na kaya mo,” sunod naman na nagsabi si Joan.

Makalipas ang ilang araw matapos silang mag-usap sa telepono ay muling sumubok ang dalawa na tahakin ang laban mag-isa, baon lang ang suporta ng binigay nila noong huli silang nag-usap.

At ‘di nila lubos akalain na, magagawa nila ito kahit hindi sila magkasama. Si Paulo ay natanggap sa isang opisina na naghahanap mismo ng nakatapos ng kurso niya, kaya agad itong tinanggap. Si Joan naman ay nakapasok sa final stage ng patimpalak. Ibinalita din ng boss ni Joan na isa siya sa mga empleyado na kasama sa mga mapro-promote.

Pagkatapos na pagkatapos na malaman ng dalawa ang magandang balita ay agad nilang tinawagan ang isa’t isa.

“Parekoy! Panalo ako! Nakapasok ako sa finals,” masayang bungad ni Joan nang sagutin na ni Paulo ang tawag.

“Ako din ay may magandang balita! Nakahanap na ako ng trabaho dito. Bukas na nga ako magsisimula eh,” masayang nagkwento din si Paulo.

“Nakakatuwa naman ito Pau. Alam mo ba, ibinalita din sa akin na kasama daw ako sa mapro-promote,” dagdag na kwento ni Joan kay Paulo.

Tuwang-tuwa ang dalawa dahil sa unang pagkakataon ay nagawa nilang magtagumpay sa mga ganitong bagay kahit hindi sila magkasama.

“Joan, sa tingin mo ba nagkataon lang ba yung swerte natin noon nung magkasama tayo?” seryosong tanong ni Paulo kay Joan.

“Hindi par, diba sabi mo nananalo lang tayo pag magkasama tayo diba?” sagot naman ni Joan.

“Oo, pero kanina ko pa kasi iniisip. Bago ka pa tumawag kung paano ko nagawa yun kahit wala ka. Eh nag-usap lang naman tayo nung isang araw,” dagdag na kwento ni Paulo na lubos na nagtataka pano iyon nangyari.

“Kinausap lang naman natin ang isa’t isa eh. Tapos kaunting pang palakas loob lang na salita para hindi na tayo malungkot,” ani Joan.

Saglit na tumahimik sa kabilang linya si Paulo.

“Alam ko na Joan, lucky charm man natin kung iisipin ang lahat. Pero pansinin mo, noong panahon na magkasama tayo na puro swerte, diba lagi tayong nakasuporta sa isa’t isa noon. At dahil nga laging panalo tayo pagmagkasama, nagdepende na tayo doon at nakalimutan na natin magtiwala sa sarili natin pag hindi tayo magkasama,” seryosong sabi ni Paulo.

Tahimik na nakikinig si Joan.

“Kaya noong nagkahiwalay tayo, nangamba na tayo na baka malasin na tayo kasi malayo na tayo sa isa’t isa, inisip natin ma parang nawalan tayo ng lucky charm,” dagdag pa ni Paulo.

“Saglit! Ina-absorb ko pa yang sinasabi mo. Na-ge-gets ko na ng kaunti.” sagot naman ni Joan.

“Oo nga Pau! Nakalimutan na natin yung sarili natin kakayahanan dahil nagdepende tayo sa swerte na dala ng bawat isa,” pahabol ni Joan na sinabi.

“Eto pa Joan! Tapos naalala mo yung huli nating pag-uusap? ‘Di ba nalulumbay na tayo noon? Kaso pinilit natin binuhat ang isa’t isa na kaya natin yo at sinabi na magtiwala tayo sa sarili natin,” sagot ni Paulo na nauunawaan na ang nangyayari.

“At kaya natin nakuha ang bagay na gusto natin ay dahil naniwala tayo na kaya natin,” sagot naman ni Joan.

Patuloy na nag-usap ang dalawa at kanila nilang napagtanto, na ang swerte na dulot ng isa’t isa ay dahil sa suporta na binibigay nila sa bawat isa na nagiging dahilan pata magtiwala sila sa kanilamg sarili. At minsan sa sobrang pag-iisip natin tungkol sa swerte, ay nakakalimutang na natin ang ating mga sariling kakahayanan.

Marahil totoo nga ang swerte, pero mas totoo na ang paniniwala sa sarili nating mga kakayahanan at ang suporta mula sa mga tao sa ating buhay ang tutulong sa atin upang makamit natin ang tunay na tagumpay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement