
Natagpuan ng Dalawang Pulubi ang Pera sa Basurahan; Babaguhin niyon ang Kanilang Buhay
Lahat naman ay nangangarap maging mayaman—iyong magkaroon ng kotse, mansyon, mga mamahaling gamit at mahiga sa higaang gawa sa pera. Pero si Stephany? Mayroon na siya ng lahat ng mga iyan.
Sa tuwing dumadaan nga siya sa harap ng mga tao, pakiramdam niya ay isa siyang artista dahil napapalingon sila sa kaniya. Ang lahat ng iyon ay dahil sa mga mamahaling kasuotan at alahas na pagmamay-ari niya.
Itinaas ni Stephany ang kaniyang mga kamay at sumenyas sa isang waiter sa restaurant na kaniyang kinaroroonan. Agad naman itong lumapit sa kaniya.
“Bigyan mo ako ng lahat ng pagkain. Lahat-lahat, ha? Lalo na ang the best at mamahalin ninyong pagkain. Ibigay nʼyo sa akin, madali!” utos niya sa nakangangang waiter at ibinalik ang menu na hindi niya man tinapunan ng tingin. Hindi makapaniwalang inabot ng waiter ang kanilang menu. Napatawa siya.
“Iba talaga ang mayaman,” sa isip-isip ng dalaga.
Isa-isa nang dinala ang mga in-order niyang pagkain. Takam na takam niyang nilibot ang kaniyang tingin sa iba’t ibang putahe sa kaniyang harapan. Napakarami at ang sasarap tingnan ng mga ʼyon. Naglalaway na siya at akmang isusubo ang isang piraso ng pritong manok—nang biglang may gumising sa kaniya mula sa pananaginip ng gising!
“Bakit mo ako sinampal?” yamot niyang bulyaw sa kaibigan at kapwa pulubing si Roy. Napakamot siya sa ulo at nanghahaba ang nguso dahil sa hindi makatwirang ginawa nito. Ginising siya nito mula sa pangangarap! Naudlot tuloy ang pagkain niya ng masasarap mula sa kaniyang imahinasyon.
“Ang layo na naman ng inaabot ng imahinasyon mo. Hala, sige! Magkalkal na uli tayo ng basura nang may makain tayo mamaya!” anito at muling nagkalkal ng basura mula sa labas ng isang mamahaling restaurant.
Wala siyang nagawa kung hindi tumalima sa sinabi ng kaibigan at muling magkalkal ng basura upang may ipang-laman sa tiyan nila mamaya pag-uwi niya.
Ilang oras pa ang itinagal ay may nakapa siyang kakaiba sa isa sa mga basurahang naroon. Malaking bag na iyon at napakabigat. Madumi rin iyon at mabaho ang amoy ngunit hindi na ininda pa iyon ni Stephany. Kaniya iyong binuksan.
“Pera!” Napatakip siya sa sariling bibig. Gilalas na gilalas at halos lumuwa ang mata sa daming pera na nakasilid sa naturang bag. Madali niyang tinawag si Roy at ganoon din ang naging reaksyon nito sa kaniyang nakita.
“Anoʼng gagawin natin diyan?” tanong ng kaibigan niyang si Roy.
“Hindi sa atin ʼyan, Roy, e. Hindi natin pʼwedeng kunin ʼyan kasi baka biglang may maghanap,” walang pagdadalawang-isip namang sagot ni Stephany sa kaibigan.
Sa kabilang banda ay nagtatalo rin ang kaniyang isip at puso. Mayroong parte sa kaniya na gustong angkinin ang perang kanilang nakita, ngunit mas malaki ang bulong ng kaniyang konsensiya. Alam niya ang pakiramdam ng mawalan.
“Ibalik na lang natin,” magkasabay na saad ng magkaibigan. Napangiti sila sa isa’t isa at sabay tinungo ang istasyon ng pulis. Ipinagbigay alam nila ang nangyari, isinauli ng dalawang pulubi ang perang nakita nila nang walang labis at walang kulang.
Isang araw lang ang lumipas ay muli silang ipinatawag sa istasyon ng pulis. Bagaman walang ginagawa ay naroon ang kaba nilang magkaibigan. Napakadungis nila at nagkukulay itim na ang puting damit nila ni Roy, sira-sira ang tsinelas at pawis na pawis buhat sa paghahanap ng makakain o maipagbebentang kalakal galing sa basurahan.
Isang lalaki at babae ang naroong nakaupo sa harap ng pulis. Nakangiti ang mga ito at pinaupo sila sa bakanteng upuan.
“Ako si Flovie at siya ang asawa kong si Janine. Nakita namin ang lahat. Nakasubaybay kami mula sa mga hidden camera nang makita ninyo ang mga pera. Naghahanap kasi kami ng mga good samaritan. Iyon kasi ang paksa ng aming vlog ngayon,” pagsisiwalat ng lalaki sa kanila ni Roy.
Hindi sila nakapagsalita ni Roy, ni hindi sila makapaniwala sa sinasabi ng lalaking nasa harap nila.
“What’s your name?” baling ng babae kay Roy.
“Roy po,” magalang na sagot naman nito.
“How about you?” Si Stephany naman ang binalingan nito.
“Stephany po,” nahihiya niyang sagot.
“Dahil sa kabutihan ninyo, napagdesisyunan ng aming team na tutulungan namin kayo. Bilang mabubuti kayong bata ay pag-aaralin namin kayo para mas dumami pa ang kabutihang magawa nʼyo. Bukod doon ay bibigyan namin ng pang-umpisang hanapbuhay ang inyong mga magulang o guardian kung mayroon man.” Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata nila.
Simula nga noon ay nagbago ang buhay ng dalawang pulubi. Ilang taon pa ang lumipas at ganap nang doktor si Stephany habang si Roy naman ay abogado. Pareho nilang pinagsisilbihan ang iba’t ibang tao sa abot ng kanilang makakaya.