Pinalaki at Inaruga ng Lolo ang Pinakamamahal na Apo; May Kapalit Pala ang Kaniyang Ginawa

“O, apo, gising ka na pala. Handa na ang almusal mo,” wika ni Lolo Pinyong.

“Iyan po ba ‘yung paborito kong sinangag at itlog?” pupungas-pungas na tanong ni Jocel sa kaniyang lolo.

“Siyempre naman. Kaya bumangon ka na riyan at kumain ka na.”

Nagmamadaling bumangon at nagligpit ng hinigaan ang bata pagkatapos ay dali-daling pumunta sa hapag-kainan.

“Wow, ang sarap nito, lolo!”

“Sinarapan ko talaga ang pagluto niyan dahil alam kong paborito mo ‘yan.”

Sunod na sunod ang mga gusto ni Jocel sa kaniyang lolo. Nag-iisang apo lamang kasi siya ng matanda kaya mahal na mahal siya nito. Mula nang maagang pumanaw ang mga magulang niya ay ang Lolo Pinyong na ang nagpalaki at nag-aruga sa kaniya. Nabubuhay silang maglolo sa pamamagitan ng pagtatanim ni Lolo Pinyong ng mga prutas at gulay. Tinutulungan din ni Jocel ang kaniyang lolo sa pagtatanim kapag wala siyang pasok sa eskwelahan.

“Ano’ng ginagawa mo, apo? ‘Di mo na kailangang gawin ‘yan. Bumalik ka na sa bahay at mag-aral ng mga leksyon mo!” saway ni Lolo Pinyong nang makitang namimitas ng mga tanim na gulay at prutas ang apo at inilalagay sa kaing.

Advertisement

“Hayaan niyo na po ako, lolo. Gusto ko po kayong tulungan. Baka mamaya ay sumakit na naman ang likod niyo, eh,” sagot ng apo.

Napapailing na lamang ang matanda sa katigasan ng ulo ng apo, pero natutuwa siya dahil kahit bata pa ito ay naiintindihan na ang kahalagahan ng paghahanapbuhay. Pagbalik sa bahay ay agad na naghanda ng makakain si Jocel para sa kanilang maglolo.

Maya-maya ay nag-umpisa nang dumaing ang matanda.

“Apo, apo, tama ka nga, nag-uumpisa na namang sumakit ang likod ko, aray, aray ko!”

“Ayan na nga ba ang sinasabi ko lolo, eh, tapos ay ayaw niyo pang magpatulong kanina.”

Inalalayan ni Jocel ang matanda sa pag-upo at dahan-dahang hinilot ang likod ng lolo niya.

“Medyo nawawala na ang sakit, apo. Ang galing mo talagang maghilot,” sabi ng matanda.

“Natutunan ko lang po ito sa inyo, ‘di po ba? Kayo po ang palaging naghihilot sa akin kapag ako ay may sakit. O, tapos na po, lolo. Maupo lang kayo diyan at ako na po ang maghahain.”

Advertisement

Sabay na kumain nang hapunan ang maglolo at maaga rin silang nagpahinga.

Mabilis na lumipas ang mga taon. Beinte singko anyos na si Jocel. Nakapagtapos na siya ng pag-aaral sa kolehiyo dahil sa tulong ng kaniyang lolo. Iginapang ni Lolo Pinyong ang pag-aaral niya hanggang sa makapagtapos siya sa kursong Business Management. Sa kasalukuyan ay mayroon na siyang sariling negosyo. Iyon ay isang maliit na restaurant na siya ang namamahala ngunit ang restaurant ay ipinatayo niya sa bayan kung saan mas maraming kustomer ang pumupunta roon para kumain. Dahil walang kasama ang kaniyang lolo sa bahay at ayaw niya itong maiwang mag-isa ay isinasama niya ito sa restaurant sa bayan sa pamamagitan ng pagpasan sa matanda.

Ilang oras niyang papasanin ang kaniyang Lolo Pinyong bago makarating sa restaurant. Wala kasing ibang transportasyon na maaari nilang gamitin papunta sa bayan. Ang kanilang bahay ay nasa bundok at ang paglalakad ang paraan niya upang makarating sa bayan. Hindi na nakakalakad ang lolo niya dahil mahina na ang mga tuhod nito kaya pinapasan na lamang niya ito pababa sa bundok. Alam ni Jocel na hindi madaling gawin sa araw-araw ang pagpasan sa kaniyang lolo ngunit hindi niya iyon iniinda dahil kulang pa ang hirap niya sa pagpasan dito kumpara sa lahat ng hirap at sakripisyo nito sa kaniya.

“Hindi mo na kailangang gawin ito, apo. Puwede namang maiwan na lang ako sa bahay at doon na kita hihintayin,” wika ni Lolo Pinyong nang makitang pawisan na ang apo.

“Ayos lang po ako, lolo. Ayoko naman pong iwan kayo sa bahay. Gusto ko pong magkasama tayo palagi. Hindi niyo ako pinabayaan noon kaya hindi ko rin kayo papabayaan ngayon,” sagot ni Jocel.

Lihim na napaluha ang matanda. Napagtanto ni Lolo Pinyong na kahit matanda na siya at wala ng lakas para magtrabaho ay hindi siya kayang pabayaan ng kaniyang apo. Mahal na mahal siya nito kaya handa rin itong magsakripisyo para sa kaniya.

Nakarating naman sila nang maayos sa restaurant. Pinagtinginan pa sila ng mga kustomer nang pumasok sila sa loob. Napag-alaman ng mga ito na araw-araw na ginagawa ni Jocel ang pagpasan kay Lolo Pinyong kaya hinangaan siya ng mga ito sa ipinakita niyang pagpapahalaga at pagmamahal sa kaniyang lolo.

Isang araw, nakarating sa kanila na isang mayamang kustomer ang nagmagandang loob at binigyan sila ng bahay na malapit sa bayan para hindi na nila kailangang bumaba sa bundok para pumunta sa restaurant. Nagbigay rin ito ng kotse para hindi na kailangang pasanin ni Jocel ang kaniyang Lolo Pinyong. Hindi na nagpakilala ang mabait na kustomer at ang assistant lamang nito ang nakipag-ugnayan sa kanila tungkol sa mga alok nito. Sobra raw kasing humanga ang lalaking kustomer sa ginagawang sakripisyo ni Jocel sa kaniyang lolo nang makita sila nito habang kumakain sa restaurant kaya naisipan nitong bigyan sila ng regalo.

Advertisement

“Naku, pakisabi po kung sino man ang nagbigay ng mga ‘yan ay labis kaming nagpapasalamat ni lolo sa kaniyang kabutihang loob. Malaking tulong po ang mga ibinigay niya sa amin,” sinserong sabi ni Jocel sa ipinadalang assistant ng mabait na kustomer.

“Pagpalain nawa siya ng Panginoon,” wika naman ni Lolo Pinyong na hindi pa rin makapaniwala sa mga ibinigay na regalo ng kanilang kustomer.

Sinabi rin ni Jocel na kung maaari ay magbabayad na lang siya ng renta sa bahay at huhulug-hulugan ang kotseng ibinigay ng ‘di nagpakilalang kustomer ngunit tumanggi raw ito. Libre raw nitong ibinigay sa kanilang maglolo ang bahay at ang kotse.

‘Di inakala ni Jocel na biyaya pa pala ang matatanggap nila sa simpleng pagsasakripisyo niya sa kaniyang pinakamamahal na lolo.