Pinautang ng Dalagang OFW ang Tiya na Nautangan din Niya Noon; Hindi Niya Akalaing Ito pala ang Gagawin ng Tiya sa Kaniya

Pinautang ng Dalagang OFW ang Tiya na Nautangan din Niya Noon; Hindi Niya Akalaing Ito pala ang Gagawin ng Tiya sa Kaniya

HeartbreakingKarmaStories

Halos maubos na ang luha ni Hilda dahil sa pag-aalala sa kaniyang asawang si Manny. Inatake kasi sa puso ang ginoo. Mabuti na lamang ay mabilis ang responde ng mga hiningan ng tulong ng ginang at nadala agad ang kaniyang mister sa ospital. 

Kailangan maoperahan kaagad si Manny upang maagapan ang anumang masamang posibleng mangyari sa kaniya. Dahil si Manny lang ang nagtatrabaho sa kanilang pamilya ay hindi alam tuloy ni Hilda kung saan kukuha ng pera na gagamitin sa operasyon ng asawa. 

“‘Nay, sa tingin ko ay titigil muna ako sa pag-aaral. Tatanggapin ko na po ‘yung alok ng kaibigan ko na sumama sa kaniya para magtrabaho sa ibang bansa. May isang linggo pa naman ako para ayusin ang lahat ng papeles ko,” saad ni Paula sa inang si Hilda. 

“Anak, ayokong pati ikaw ay maapektuhan sa nangyayaring ito. Ako na ang bahala sa tatay mo,” pagtangis naman ng ginang. 

“‘Nay, wala na po tayong panahon. Kailangan ko na pong magdesisyon agad kasi magagahol ako sa pag-aayos ng papeles. Buo na po ang loob ko. Gagawin ko po ito para madugtungan natin ang buhay ni tatay. May makukuha po akong paunang sahod doon bago ako umalis. Gamitin n’yo po ang pera para sa pagpapagamot ni tatay,” marring sambit ni Paula. 

Ayaw man ni Hilda na tumigil sa pag-aaral si Paula sa pag-aaral ay labis naman ang kaniyang pasasalamat sa gagawing sakripisyo ng anak. 

Walang sinayang na panahon si Hilda para makaalis kaagad siya ng bansa. Dahil hindi pa natatanggap ang paunang bayad na manggagaling sa ahensya na magpapaalis kay Paula patungong ibang bansa ay minarapat ng dalaga na humiram muna ng pera sa kaniyang Tiya Juliet. 

“Kahit sampung libong piso lang po, tiya. Ibabalik ko po kaagad bago ako umalis ng bansa. Kailangan ko lang po talaga ngayon para sa pag-aayos ng papeles ko,” pakiusap ni Paula sa tiyahin. 

“Naku, Paula, siguraduhin mong ibabalik mo kaagad ang perang iyan. Hindi ko pinupulot lang ‘yan basta! Ano ang katibayan ko na ibabalik mo kaagad ito?” sambit naman ng tiyahin. 

“Tiya, alam n’yo naman po ang kalagayan ng pamilya namin ngayon. Nasa opsital si tatay at kailangan namin ng pera. Pangako ko po sa inyo na ibabalik ko kaagad dahil may makukuha po akong paunang bayad galing sa ahensya,” paliwanag muli ng dalaga. 

“Alam ko na, gumawa na lang tayo ng kasulatan! Saka limang libo lang ang mapapahiram ko sa’yo! Hindi ko alam baka mamaya ay bigla mo na lang sabihin sa akin na hindi ka na tuloy tapos nagamit mo na sa pagpapagamot ng tatay mo! Huwag n’yo kaming madamay-damay sa problema ng pamilya n’yo!” muling sambit ni Juliet sa pamangkin. 

Kung may iba lang sanang mahihiraman ng pera itong si Paula ay hindi na siya lalapit pa sa kaniyang Tiya Juliet. 

Bandang huli ay pinapirma pa rin ni Juliet sa isang kasulatan itong si Paula. Nakasaad doon na kung hindi mababayaran ay ipakukulong niya ang pamangkin. 

Dahil gipit at kailangang kailangan na talaga ni Paula ay pumirma siya. 

Dali-dali niyang inayos ang kaniyang mga papeles para tuluyan na siyang makaalis ng bansa para magtrabaho. 

Sa loob lamang ng tatlong araw ay naibalik na rin ni Paula ang pera sa kaniyang tiyahin. Hindi naman akalain ni Juliet na totoo ang sinasabi ng pamangkin. 

Makalipas ang ilang araw ay tuluyan nang lumipad patungong ibang bansa itong si Paula. 

Madalas niyang tawagan ang ina upang kumustahin ang kalagayan ng kaniyang ama. 

“Hayaan n’yo, ‘nay, pagsahod ko ay magpapadala po ako kaagad sa inyo,” saad naman ni Paula. 

Lahat ng sahod ni Paula ay pinapadala niya sa kaniyang ina. Malaking bagay ito dahil sa loob lamang ng dalawang buwan ay tuluyan nang bumalik ang sigla ng kaniyang ama. 

“Anak, tapusin mo na lang ang kontrata mo riyan at bumalik ka na dito. Wala naman tayong naiwang utang kaya p’wede ka nang bumalik sa pag-aaral mo,” saad ni Hilda sa anak. 

“Saka na lang po, ‘nay. Tutal nandito na rin po ako ay sasagarin ko na ang pagtatrabaho. Nais ko po kasing makaipon nang sa gayon ay lagi tayong may madudukot sa oras ng pangangailangan. Saka nais ko rin po kasing ipagawa ang bahay natin,” tugon naman ni Paula. 

Buwan-buwan halos kung magpadala ng balik-bayan box itong si Paula sa kaniyang mga magulang. Simula nang makaalis si Paula papuntang ibang bansa ay nag-iba na talaga ang buhay ng kaniyang mga magulang. 

Nang mapansin ito ng tiyahing si Juliet ay agad niyang pinadalhan ng mensahe itong si Paula upang siya naman ang makautang sa dalaga. 

“Pinautang naman kita noon, Paula. Baka naman, p’wede mo rin akong pautangin. May kailangan lang kasi kaming bayaran dito sa bahay. Tatlumpung libo lang naman ang kailangan ko. Kayang kaya mo naman ‘yun!” saad ni Juliet sa pamangkin. 

Kahit na naaalala pa rin ni Paula ang hirap ng pagpapautang sa kaniya ng tiyahin ay mabilis niya itong pinahiram ng pera. 

“Sige po, tiya, ipapadala ko po kay nanay. Do’n mo na lang po kunin sa kaniya,” sambit naman ng dalaga. 

Makalipas ang ilang linggo ay umutang na naman itong si Juliet. Sa pagkakataong ito ay sampung libo naman ang halaga. Agad pa rin siyang pinahiram ni Paula dahil nahihiya siyang tanggihan ito. 

“Kailangan ko po ang pera sa katapusan, tiya. Kailangan na rin daw po kasing palitan ‘yung bubong namin. Saka may mga bibilhin din pong gamot si tatay,” wika ng dalaga. 

Ngunit lumipas na ang ilang linggo ay hindi pa rin nagbabayad itong si Juliet sa kaniyang pamangkin. Nakailang text na itong si Paula ngunit wala siyang natatanggap na mensahe mula sa kaniyang tiyahin. 

Hanggang sa nagpasya na siyang tawagan ito. 

“Tiya, ipapaalala ko lang sana ‘yung utang mo po sa akin. Kailangan na kasi ni tatay na makabili ng gamot. Saka babalik po sila ni nanay sa espesiyalista. Tapos may mga nakausap na rin kasi kami na gagawa nung bubong ng bahay. Baka po p’wedeng magbayad na po kayo,” mahinahon na sambit ni Paula. 

Ngunit nagulat siya nang bigla na lamang siyang pagsisigawan ng kaniyang Tiya Juliet. 

“Magbabayad ako ng utang ko, Paula, hindi mo ako kailangang kulitin! Saka dapat nga ay hindi mo na pabayaran sa akin ang mga inutang ko dahil utang na loob mo sa akin ang pagpunta mo riyan sa ibang bansa!” bulyaw ni Juliet sa pamangkin. 

“A-ano pong ibig niyong sabihin na utang na loob ko po sa inyo?” pagtataka ni Paula. 

“Kung hindi ka nangutang sa akin ay hindi ka makakapunta riyan sa ibang bansa. Palibhasa’y nakaranas ka lang makatuntong sa ibang bansa ay akala mo na kung sino ka! Napakayabang mo!” sigaw muli ng ginang. 

“Tiya, ipapaalala ko lang po sa inyo na ang inutang ko po sa inyo ay limang libo lang at nabalik ko kaagad sa loob ng tatlong araw. Hindi kayo nahirapan nang kayo ang nangutang sa akin. Kaya naman sana’y huwag n’yo akong pahirapan sa paniningil. Kailangan ko ng pera dahil para ‘yan sa mga magulang ko kaya ibalik n’yo na po!” hindi na rin nakapagpigil itong si Paula. 

Ngunit binabaan lamang siya ng telepono ng kaniyang tiya.

Paulit-ulit na tinawagan ni Paula ang kaniyang tiya ngunit tila wala na itong balak na bayaran pa siya. Dahil ayaw na ni Paula na bigyan pang sakit ng ulo ang kaniyang mga magulay ay nagpadala siya ng mensahe sa kaniyang Tiya Juliet. 

“Ang pinakamalaking pagkakamali ko po ay nagtiwala sa inyo at hindi ko kayo pinapirma ng kasulatan. Pero, sige po, sa inyo na po ang perang iyan ngunit kahit kailan ay wala na po kayong aasahang tulong sa akin. Ipinagpapasa Diyos ko na lang po ang ginawa n’yo sa akin at sa pamilya ko,” saad ni Paula. 

“Kahit kailan ay hindi ko gagawing lumapit sa iyo, Paula. Kinuha ko lang ang dapat sa akin. Wala kang utang na loob!” sagot naman ni Juliet. 

Lumipas ang ilang buwan at tuluyan nang pinakawalan ni Paula ang kaniyang sama ng loob sa manlolokong tiyahin. Tuluyan nang gumaling ang ama ni Paula mula sa sakit nito at nakabalik na rin ito sa trabaho. Naipagawa na rin ng dalaga ang kanilang bahay unti-unti. 

Isang araw ay tinawagan si Paula ng kaniyang ina at nagulat siya sa ibinalita nito. 

“Inatake sa puso ang Tiya Juliet mo, Paula, nasa ospital siya ngayon. Sumali pala kasi siya sa isang pyramiding scam at ang dami niyang na-recruit. Ngayon, siya ang hinahabol ng mga tao. Patung-patong ang sinampa sa kaniyang kaso. Hinihintay na lang siyang makalabas ng ospital at bumuti ang kalagayan tapos ay ikukulong na siya,” pahayag ni Hilda sa anak. 

Hindi alam ni Paula ang kaniyang mararamdaman. Sa ibang banda kasi ay naaawa pa rin siya sa nangyari sa kaniyang Tiya Juliet. 

Ilang araw ang makalipas at tinawagan ni Juliet ang pamangkin at nanghihingi siya ng tulong dito. 

“Huwag na huwag n’yo na po kaming idadamay ng pamilya ko sa problema niyo, Tiya Juliet. Pasensya na pero naibigay ko na po sa inyo ang tulong na hinihingi n’yo ngayon. Huwag na po kayong tatawag at huwag n’yo pong guguluhin ang mga magulang ko dahil ako naman ang makakalaban n’yo,” mariing sambit ni Paula. 

Sa pagkakataong iyon ay ramdam ni Juliet ang bigat ng kaniyang pinagdadaanan. Nagsisisi siya sa mga nagawa at nasabi niya kay Paula. Sa panahong ito ay wala nang malapitan pa ang ginang.

Samantala, hindi na nagpaabot pa ng kahit anong tulong si Paula sa kaniyang ganid na tiyahin. Sinabihan din niya ang kaniyang mga magulang na huwag nang makialam sa problema ng ginang upang hindi sila madamay. 

Nagpatuloy na lang sa pagtatrabaho nang mapayapa itong si Paula upang tuloy-tuloy ang pagbibigay niya ng magandang buhay sa kaniyang mga magulang.

More Stories