Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Batang Nangangalakal ang Batang May Sakit; Isang Magandang Regalo ang Dala ng Kaibigan sa Muli Nilang Pagkikita

Tinulungan ng Batang Nangangalakal ang Batang May Sakit; Isang Magandang Regalo ang Dala ng Kaibigan sa Muli Nilang Pagkikita

“Pilantod! Pilantod! Ang laki mo na hindi ka pa makatakbo nang tama!” panunukso ng mga bata sa bagong lipat sa subdivision na si Samuel.

“Pilay! Pilay! Hindi mo nga kami mahabol nang tama, e!” sambit muli ng isang bata sabay tulak kay Samuel.

Kahit na natumba na ito ay hindi pa rin siya tinitigilan ng grupo ng mga kabataan.

“Tama na, gusto ko lang namang makipaglaro sa inyo! Tama na!” umiiyak nang sambit ni Samuel sa mga ito.

Habang nagtatawanan ang mga bata ay biglang dumating ang ka-edad din nilang si Boji. Madalas itong tumambay sa naturang subdivision para mangolekta ng kalakal.

“Ano ang ginawa n’yo riyan? Tigilan niyo nga siya! Tingnan nyo na at natumba na nga ang bata tapos pinagtatawanan n’yo pa rin! Kapag hindi pa kayo tumigil ay pagsisisipain ko kayo!” paninita ni Boji sa mga kabataan.

Dahil mas malaki si Boji sa mga nanunuksong kabataan ay nagpulasan agad ang mga ito.

Tinulungan agad ni Boji na makatayo si Samuel.

“Ayos ka lang ba, bata? Huwag kang mag-alala at ako na ang bahala sa mga batang ‘yun! Takot lang nila sa akin!” wika naman ni Boji.

“Maraming salamat sa iyo, a. Hindi kasi ako makatakbo ng mabilis tulad nila kaya tinutukso nila ako,” naiiyak pa ring sambit ni Samuel.

“Ano ba kasing nangyari sa binti mo? Nadisgrasya ka ba?” pagtataka ni Boji.

“H-hindi. Ipinanganak na akong may polio. Hindi na kasi naagapan kaya ito ang nangyari sa binti ko. Kahit kailan ay hindi na ako makakatakbo nang normal,” malungkot pang sambit ng bata.

“Kumpleto pa rin naman ang mga parte ng katawan mo kaya ayos lang. Hayaan mo kapag tinukso ka na naman ng mga batang iyon ay ako ang bahala. Bago ka lang dito sa subdivision, ano? Ngayon lang kasi kita nakita,” patuloy na tanong ni Boji.

Tumango si Samuel. At doon na nagsimula ang pagkakaibigan ng dalawa.

Araw-araw ay pinupuntahan ni Boji itong si Samuel upang makipaglaro. Natutuwa naman ang mga magulang ni Samuel dahil kahit na basurero itong si Boji ay ramdam nila ang pagiging tapat nito bilang kaibigan ng anak.

Sa unang pagkakataon ay naramdaman ni Boji ang pagkakaroon ng kaibigan.

“Samuel, alam mo nagtataka ako sa’yo. Bakit nahihiya ka sa kalagayan mo? Mas maswerte ka pa nga sa akin dahil naibibigay ng magulang mo ang lahat ng pangangailangan mo. Samantalang ako, ginugulp* ako lagi ng tatay ko kapag kulang ang inuuwi kong pera,” sambit ni Boji sa kaibigan.

“Siyempre hindi ako tulad mo na normal. May kakaiba sa akin kaya madalas akong tinutukso. Hindi naman lahat ay nakukuha ko, Boji. Tingnan mo nga at walang nagawa ang pera para umayos ang kalagayan ko. Kaya masaya talaga ako na may kaibigan akong tulad mo. Hindi mo nakikita kung ano ang kulang sa akin,” sagot naman ni Samuel.

“Basta kapag may nang-api sa iyo ay lagi kitang ipagtatanggol. Pero huwag kang mahiya sa kalagayan mo! Tandaan mo na mas matalino at mas mabait ka sa kanila kaya wala kang dapat ikahiya!” dagdag pa ni Boji.

Dahil sa sinabing ito ng matalik na kaibigan ay napaisip si Samuel. May punto nga naman si Boji.

Sa paglipas ng araw ay nag-iiba na ang pananaw ni Samuel sa kaniyang kondisyon. Mas nagkaroon na rin siya ng tiwala sa kaniyang sarili. At sa tuwing may nang-aasar kay Samuel ay binabale wala na lang niya ito.

Para kina Samuel at Boji, wala nang makakapagpahiwalay pa sa kanila bilang magkaibigan.

Ngunit isang araw ay bigla na lamang nahuli ng ina ni Samuel ang kaniyang asawa na may kalaguyo, dahilan para iwan nila ang mister sa tinitirahan nito. Lumipad patungong ibang bansa ang ginang at kasama si Samuel. Nagdesisyon na ang ina na doon na sila maninirahan.

Hindi man lamang nakapagpaalam itong si Samuel kay Boji. Maging si Boji ay malungkot sa biglaang pag-alis ng matalik na kaibigan.

Lumipas ang mga taon at ipinagpatuloy ng dalawang binata ang kanilang mga buhay. Hindi na nakapagtapos ng pag-aaral itong si Boji dahil kailangan niyang magbanat ng buto. Lumuwas ito ng Maynila para maging isang construction worker.

Samantalang si Samuel naman ay nasa kolehiyo at nag-aaral upang maging isang arkitekto.

Isang araw, habang nasa paaralan ay may mga kabataang walang habas sa panunukso kay Samuel. Bigla niyang naisip ang kaibigang si Boji at mga aral na naituro nito sa kaniya. Hindi na niya pinatulan ang mga lalaking iyon pero pinatunayan ni Samuel na ilalampaso niya ang mga ito sa patalinuhan.

Nanumbalik ang pag-aasam ni Samuel na muling makasama ang dating kaibigan. Kaya nakiusap siya sa kaniyang ina na tulungan siya upang makausap niya muli ang kaibigan na nasa Pilipinas.

Umuwi ng Pilipinas itong si Samuel kasama ang kaniyang ina. Hinanap nila ang binata at sa isang construction site nga nila nakita itong si Boji. Ibang-iba na ang itsura nito. Halata sa kaniyang mukha at katawan ang hirap na kaniyang pinagdadaanan.

Gulat na gulat si Boji nang makita niya sa kaniyang harapan ang matagal nang nawalay na kaibigan.

“A-ano ang ginagawa mo rito? Akala ko ay hindi na kita makikita pa kahit kailan. Ang laki na ng pinagbago ng itsura mo! Masaya ako na makita kang muli!” hindi na alam ni Boji ang kaniyang sasabihin sa labis na pagkabigla.

“Boji, nandito kami ng mama ko dahil meron kaming gustong ialok sa iyo. Malaki ang naiambag mo sa buhay ko bilang isang kaibigan. Malaki ang utang na loob ko sa iyo at dahil doon ay nais kong makabawi. Gusto ka sana naming isama sa Amerika para doon ka na rin mag-aral. Sasagutin namin lahat ng mommy ko ang gagastusin. Sana ay pumayag ka para na rin magkaroon ka ng magandang buhay sa hinaharap,” hindi na nagpatumtik-tumpik pa si Samuel sa kanilang hangarin.

Hindi makapaniwala si Boji sa sinabi ng matalik na kaibigan.

“Mahihindian ko ba ang alok n’yo? Hindi ako makapaniwala sa lahat ng ito! Baka nananaginip lang ako!” sambit pa ni Boji.

Agad na inayos ng magkaibigan ang mga papeles para makasama si Boji sa ibang bansa. Makalipas ang isang buwan ay natuloy na rin ang kanilang plano.

Itinuring ni Samuel na parang tunay na kapatid itong si Boji. Habang si Boji naman ay pinagsikapan ang kaniyang pag-aaral. Pumasok din siya sa trabaho sa isang convenience store habang siya’y nag-aaral upang kahit papaano’y makatulong sa gastusin ng mag-ina.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala itong si Boji sa sinapit ng kaniyang buhay. Nagbago man ang pananaw ni Samuel nang dahil sa kaniya ay matinding pagbabago din naman ang ginawa ng kaibigan para sa kaniyang kinabukasan.

Advertisement