Nangutang ang Ginang ng Pera kahit Wala Siyang Pangbayad, Ginasta Niya pa Ito sa Marangyang Bagay

Nangutang ang Ginang ng Pera kahit Wala Siyang Pangbayad, Ginasta Niya pa Ito sa Marangyang Bagay

InspiringKarmaStories

“Aba, ang ganda na ng bahay mo ngayon, bespren, ha! Noong huli kong punta rito, butas-butas pa ang bubong ng bahay mo!” bati ni Janine sa kaniyang matalik na kaibigan noong hayskul, isang araw nang puntahan niya ito sa bahay upang manghiram sana ng pera. 

“Naku, laking pasasalamat ko talaga kay Janice, siya ang nagpahiram ng pera sa akin para mapaayos ko lahat ‘to!” pagmamalaki nito dahilan para mapaisip siya kung sino ang tinutukoy nito. 

“Totoo ba ‘yan? Iyong kaklase nating palagi lang tahimik sa klase? Magkano inabot ang utang mo sa kaniya?” pagtataka niya habang patuloy pa rin sa pag-iisip. 

“Kulang-kulang dalawang daang libong piso! Parang hindi na nga utang iyon, eh, dahil ayaw na niyang ipabayad sa akin! Iba na talaga kapag milyonarya na, ‘no? Ang ganoong kalaking pera, parang wala na sa kaniya!” patawa-tawang wika pa nito habang iniaayos ang mga unan sa inuupuan niyang sofa. 

“Diyos ko! Parang gusto ko tuloy mangutang sa kaniya!” sabi niya saka humagalpak ng tawa. 

“Huwag mo namang samantalahin ang kabaitan no’n! Saka, hindi naman kayo ganoon kalapit katulad namin, hindi ba? Hindi ka ba nahihiya?” seryosong tugon nito na ikinatawa niya. 

“Syempre biro lang! Ito naman, parang hindi ako kilala! Pahingi nga akong maiinom bago tayo tuluyang magtsismisan!” wika niya pa kaya dali-dali itong kumuha ng kaniyang maiinom. 

Gipit na gipit na sa buhay ang ginang na si Janine. Bukod kasi sa siya na lang ang gumagapang sa kaniyang tatlong anak dahil nangibang bahay na ang kaniyang asawa, sandamakmak pa ang kaniyang pinag-uutangan dahil wala naman siyang permanenteng trabaho. 

Sa paglalabada at paglilinis ng kuko niya binubuhay ang kaniyang mga anak. Swerte na kung may magpalaba at magpalinis sa kaniya ng kuko araw-araw at kung wala siyang kustomer, doon na siya napipilitang mangutang para may maipakain sa kaniyang mga anak. 

Ito ang dahilan para kahit matagal na silang hindi nakakapagkita ng kaniyang matalik na kaibigan, kinapalan na niya ang mukha na sadyain ito sa bahay upang manghiram ng pera. 

Bigla naman siyang nabuhayan ng loob nang malamang nagpapahiram ng pera ang kanilang dating kaklase kahit walang bayad. Dinaan man niya sa biro ang nais gawin, isinakatuparan niya pa rin ito pagkaalis sa bahay ng kaibigan. Nang araw na ‘yon, agad siyang dumiretso sa bahay ng kaklase nilang iyon. Halos lumuwa ang mata niya sa ganda ng bahay na mayroon ito ngayon. 

At dahil nga sobrang bait nito, kahit hindi niya ito nakausap ni isang beses noong sila’y nag-aaral pa, walang pag-aalinlangan siyang pinahiram nito ng pera nang sabihin niyang gagamitin niya ito sa negosyo at ibabalik niya rin kaagad. 

Ngunit, nang mahawakan na niya ang dalawangpung libong pisong inutang niya, tila natakam siya sa maaaring gawin ng pera sa buhay niya kaya agad niyang sinubukan ang mga bagay na dati’y pinapangarap niya lang gamit ang perang ito. 

Nagpunta siya sa isang mamahaling hotel upang kumain, maglaro ng casino, at mamili ng mga pangarap niyang mamahaling gamit. Hanggang sa hindi na niya namalayan, unti-unti na palang naubos ang perang hiniram niya nang wala man lang nabibiling pang negosyo niya. 

“Ayos lang siguro ‘to, hindi naman ako sisingilin ni Janice, eh!” sambit niya saka agad na umuwi sa kanilang bahay. 

Lumipas ang mga araw na patuloy pa rin ang kagipitan ng buhay na mayroon sila ng kaniyang mga anak. Tila isang panaginip lang ang isang masayang araw na nangyari sa kaniya gamit ang perang hiniram sa dating kamag-aral.

Hanggang sa dumating ang pinangako niyang araw sa ginang. Buong akala niya, hindi na siya nito sisingilin katulad ng ginawa nito sa dati niyang kaibigan ngunit siya’y nagkamali dahil sinadya pa siya nito sa barung-barong niyang bahay para lamang singilin at tingnan ang negosyong sinabi niya. 

“Niloko mo lang ba ako? Nasaan ang negosyong sinasabi mo? Kapag bukas ay wala kang maibigay sa akin, sa korte na lang tayo magharap,” wika nito na agad niyang ikinatakot. 

At dahil nga wala naman siyang perang ipapangbayad dito, minabuti niyang taguan ito kaysa mapahiya siya sa harap ng maraming tao. 

Pero dahil may pera ito, pinahanap siya nito at sila nga’y nagkita sa korte kasama ang ilan pang ginang na pinagkakautangan niya. 

“Pasensya na kayo, lalo na sa’yo, Janice, wala talaga akong maipangbabayad. Huwag niyo akong ipakulong, kawawa ang mga anak ko,” pagmamakaawa niya sa mga ito. 

“Wala ka palang pangbayad, eh, bakit nangungutang ka? Sinasangkalan mo pa ang mga anak mo palagi, anong klaseng ina ka?” galit na sambit nito sa kaniya na labis niyang ikinaiyak. 

Labis na pagsisisi ang kaniyang nadama nang araw na iyon dahil agad siyang nakasuhan sa ginawa niyang pangungutang at panloloko. 

Ipinagkatiwala rin sa ahensya ng gobyerno ang kaniyang mga anak habang siya’y nakakulong dahilan para ganoon na lang siya makonsensya sa kamaliang ginawa. 

“Bakit ba hindi na lang ako nagsumikap sa buhay at nagawa ko pang manloko ng tao para lang sa pera?” iyak niya habang inaalala ang sitwasyon ng kaniyang mga anak. Pangako niyang sa kaniyang paglaya ay tuluyan na niyang babaguhin ang buhay niya upang makabawi sa mga anak niya.

More Stories