Inday TrendingInday Trending
Walang Habas na Minamaliit ng Babae ang Kinakasamang Binata; Tiwala Kasi Siyang Kailanman ay Hindi Siya Kayang Iwan Nito

Walang Habas na Minamaliit ng Babae ang Kinakasamang Binata; Tiwala Kasi Siyang Kailanman ay Hindi Siya Kayang Iwan Nito

“Sabi ko naman sa’yo, ayoko ng tinola, hindi ba? Bakit iyan pa rin ang niluto mo?” sigaw ni Karen sa kinakasama niyang binata nang makita niya ang niluto nitong ulam para sa kanilang pananghalian.

“Pasensya ka na, mahal, ang pagkakaintindi ko kasi sa sinabi mo kanina, gusto mong subukang kumain ng tinola dahil hindi mo talaga gusto ang lasa no’n,” kamot-ulo nitong sagot habang pilit na kinukubli ang takot na nararamdaman.

“Diyos ko, Jonathan! Anong kat*ngahan ‘yang sinasabi mo? Ayaw ko nga ng tinola tapos iniisip mo na gusto kong tikman ‘yon? Gamitin mo naman ‘yang kokote mo! Sinasayang mo lang lahat ng pinapakain ko sa’yo, eh!” bulyaw niya pa rito.

“Pasensya na talaga, mahal, magluluto na lang ako ng ibang ulam para sa’yo. Maaga pa naman, eh, tiyak na hindi ka pa mahuhuli sa trabaho kapag pinagluto kita ng ulam,” tugon nito habang nagmamadaling magluto ulit ng panibagong ulam.

“Huwag na, Jonathan! Magbalot-balot ka na rin dahil ayoko nang makita ang pagmumukha mo rito sa pamamahay ko pagkauwi ko! Palagi mo na lang pinapairal ang kahinaan ng utak mo kaya maghiwalay na tayo!” muli niyang sigaw saka na siya agad na umalis patungong trabaho.

Tuwing nakakaramdam siya ng inis sa pag-uugali ng kinakasama niyang lalaki, palagi niya itong pinapalayas sa kaniyang bahay. Wala siyang pakialam kung nasasaktan niya ang loob nito, ang tanging mahalaga lang sa kaniya, mailabas niya ang inis na nararamdaman niya.

Sigurado kasi siyang kahit ano pang gawin niyang paninigaw o pagpapalayas dito, hinding-hindi siya nito iiwan pagkat siya na lamang ang tangi nitong maaasahan sa buhay.

Bukod kasi sa wala na itong ni isang kaanak, hindi pa ito nakapagtapos ng pag-aaral kaya hirap itong umintindi at humanap ng trabaho. Hindi rin ito marunong makipagsalamuha sa ibang tao dahil nahihiya itong mahusgahan.

Sa katunayan, sa lansangan niya pa nakilala ang binatang ito. Siya ang nagbihis, nagpakain, at kumalinga rito dahilan upang ganoon na lamang siya nito mahalin at paulit-ulit na patawarin sa tuwing hindi niya nakokontrol ang kaniyang bunganga at emosyon.

Nang araw na ‘yon, pagkauwi niya sa bahay matapos ang kaniyang trabaho, buong akala niya’y gagawa ito ng paraan upang siya’y suyuin at amuhin kagaya ng parati nitong ginagawa. Akala niya, gagawan siya nito muli ng isang kanta o kaya’y tula upang siya’y kumalma.

Ngunit, sumalubong sa kaniya ang bahay niyang walang nakasindi ni isang ilaw na lalo niyang ikinagalit.

“Pagbubukas lang ng ilaw, hindi mo pa magawa nang tama? Talaga bang sinusubukan mo ako, Jonathan?” pagbubunganga niya habang hinuhubad niya ang kaniyang sapatos.

Kaya lang, pagkabukas niya ng ilaw, ni anino ni Jonathan ay ‘di niya makita. Kahit anong tawag niya sa pangalan nito, walang sumasagot at kahit saan niya ito hanapin sa kaniyang pamamahay ay hindi niya ito makita dahilan para siya’y makaramdam na ng kaba.

Dali-dali niya itong hinanap sa kanilang buong barangay ngunit hindi niya pa rin ito makita. Hanggang sa napagdesisyunan niya nang magpatulong sa mga kakilala niyang tanod at doon na nga nila natagpuan si Jonathan.

Naroon ito sa lugar kung saan niya ito unang nakita. Katulad ng dati, nanlilimos ito at nakaupo sa semento habang yakap-yakap ang dalagang tuhod.

“Jonathan! Anong kat*ngahan na naman ‘to, ha? Anong ginagawa mo riyan? Umuwi na tayo! Pinahirapan mo pa akong maghanap sa’yo! Hindi mo ba alam…” hindi na niya natapos ang panenermon dahil agad na itong nagsalita.

“Tama na, Karen, alam ko namang mahina ang pag-iisip ko kaya hindi mo na kailangang sabihin ‘yan palagi at ipahiya ako sa iba. Katulad mo, may emosyon din ako at hindi ko na kayang tiisin pa ang mga pananalita mo sa akin. Nahihiya na rin ako sa’yo kaya minabuti ko nang umalis sa bahay mo. Ilang beses mo na akong pinapalayas pero palagi akong nagmamatigas na manirahan doon. Pasensya ka na, inabala kita sa mahabang panahon,” sabi nito na agad na ikinadurog ng puso niya.

“Huwag mo ngang sabihin ‘yan. Halika na, umuwi na tayo,” malumanay niyang sambit upang muli niyang makuha ang loob nito.

“Hindi na, Karen, ayos na ako rito,” pagmamatigas nito na ikinaiyak niya na lamang, “Sige na po, iuwi niyo na po siya. Maraming salamat po sa inyo,” magalang pa nitong sabi sa mga tanod na kasama niya.

Nagmakaawa man siya ritong huwag siyang iwang mag-isa sa kaniyang pamamahay, hindi na siya nito pinakinggan. Araw-araw niya rin itong dinadalaw simula nang gabing iyon, hindi na siya nito pinapansin hanggang sa tuluyan na itong hindi magpakita sa kaniya.

Doon niya lang nakita ang halaga nito nang maging tahimik na ang kaniyang bahay. Wala nang gumagalabog sa kaniyang kusina, wala nang nagtatampisaw sa banyo, at higit sa lahat, wala nang malikot matulog sa kaniyang kama na labis niyang ikinalungkot.

Gusto man niya sanang ituwid ang lahat ay hindi na niya magawa dahil hindi na niya muling nakita pa ang binatang nagbigay kulay sa buhay niya sa mahabang panahon. Patuloy man siyang magsisi sa ginawa niyang pangmamaliit dito, hindi na nito mababago ang katotohanang iniwan na siya ng lalaking ngayon niya lang napagtantong sobra niya palang minamahal.

Tunay ngang nakikita lang ng isang tao ang halaga ng iba kapag wala na ito sa kanila, ‘no?

Advertisement