Hindi na Siya Ginaganahan sa Pagpasok Kaya Lagi Siyang Huli sa Trabaho; Isang Dalaga ang Nagpaalala sa Kaniya ng Kahalagahan ng Kaniyang Ginagawa
Katulad ng mga nagdaang araw ni Charmaine, wala na naman siyang ganang pumasok sa trabaho ngayong araw. Tatamad-tamad na naman siyang kumilos na nagbunga ng muli niyang pagkahuli sa trabaho.
“Napapadalas na ang pagkahuli mo sa pagpasok, ha? Mukhang hindi na trapiko o masamang pakiramdam ang dahilan niyan, Charmaine!” bungad ng kaibigan niyang si Sherly nang mapansin nitong kakarating niya lang at nakabusangot pa ang kaniyang mukha habang pinapakita pa nito kung anong oras na.
“Diyos ko, sino bang sisipaging magtrabaho sa ganitong klaseng kumpanya? Malaki nga ang sahod, nakakatuliro naman ang trabaho! Pagod na pagod na akong magsulat ng balita! Gusto ko na lang mahiga buong maghapon sa kama ko!” reklamo niya saka agad na sumalampak sa kaniyang upuan.
“Charmaine, wala namang trabaho na hindi nakakasawa at hindi nakakapagod. Natural lang na maramdaman mo ‘yan dahil isa kang empleyado. Kung ayaw mong parehas lang araw-araw ang ginagawa mo, katulad ng pagsusulat, magnegosyo ka!” pangaral nito sa kaniya habang naglalagay ng make-up sa mukha.
“Hoy, kung makapagsalita ka riyan, ha! Akala mo yata hindi ko alam na kaya ang gaan-gaan ng trabaho mo, nagpapaligaw ka kay boss!” sigaw niya na ikinataranta nito.
“Huwag ka nang maingay! Ano bang gusto mo? Kape? Halika na, ililibre kita nang manahimik ka lang d’yan!” bulong nito na talagang ikinagayak ng puso niya.
Oras man na ng trabaho niya noon, mahaba-habang oras pa rin ang ginugol niya sa kapehang pinuntahan nila. Wala siyang ibang ginawa roon kung hindi ang magbabad sa social media habang umiinom ng kape’t kumakain ng cake.
Kahit na halos isang oras na siyang mag-isa roon dahil ang kaibigan niyang bumalik na sa trabaho, siya’y nanatili pa rin doon upang magpalipas ng oras.
Habang tawang-tawa siya sa isang bidyong pinapanuod niya sa social media, siya nama’y biglang nakatanggap ng tawag mula kay Sherly.
“Bumalik ka na rito, Charmaine, kakarating lang ni boss! Marami-rami ka raw kailangang gawan ng balita kaya magpunta ka na rito! Mukhang mainit ang ulo niya!” agad nitong sabi.
“Halikan mo na lang siya para maligtas ako sa mahaba-habang sermon,” sagot niya saka hinigop ang kaniyang kape.
“Hindi ako nakikipagbiruan! Bumalik ka na rito!” sigaw nito kaya wala na siyang nagawa kung hindi ang bumalik sa trabaho.
Kaya lang, pagkalabas na pagkalabas niya sa kapehang iyon, may isang babae siyang napansin. Nakaupo ito sa tabing kalsada habang umiiyak. Ngunit nang pagmasdan niya ang mukha nito, nakita niyang habang lumuluha ito, nakangiti ang mga labi nito. Sa labis na pag-aalala niya, nilapitan niya ito upang tanungin.
“Ayos ka lang ba, miss?” tanong niya rito saka niya ito agad na binigyan ng tissue.
“Ah, eh, opo! Pasensya na po, hindi ko na napigilan ang sarili ko! Sa wakas po kasi, pagkatapos ng ilang taon kong paghihintay, natupad ko na rin ang pangarap kong maging isang tagapagbalita!” masigla nitong kwento habang tatalon-talon pa!
“Ibig mo bang sabihin, masaya kang makapasok sa kumpanyang iyan?” tanong niya pa saka tinuro ang pinagtatrababuhan niyang kumpanya na nasa kabilang kalsada lamang.
“Opo naman! Isa kaya iyan sa mga tanyag na kumpanya sa larangan ng balita sa bansa natin! Bukod pa roon, kilalang-kilala ang kumpanyang iyan dahil sa galing ng mga manunulat nila!” masaya pa nitong sagot dahilan para siya’y mapatigil at mapatingin sa gusaling pinagtatrababuhan niya.
Doon tila nanumbalik sa kaniyang isipan ang sayang naramdaman niya nang siya’y matanggap sa trabahong iyon, halos isang dekada na ang nakakaraan. Naalala niyang katulad ng dalagang ito, ang saya-saya rin ng puso niya nang mga araw na iyon dahil ito ang unang trabaho niya pagkatapos niyang mag-aral sa kolehiyo. Ito rin ang trabahong nagbigay sa kaniya ng daan upang makatulong sa kaniyang mga magulang, mapagawa ang bulok nilang bahay, mapag-aral ang kaniyang mga nakababatang kapatid at higit sa lahat, ang trabaho nagpalawak sa kaalaman niya sa pagsusulat ng balita.
Dahil doon, muli siyang nagkaroon ng gana sa kaniyang trabaho. Hindi niya alam kung bakit, pero agad niyang napagtantong hindi niya dapat pakawalan ang trabaho niyang ito dahil lang sa katamarang nararamdaman niya.
Oramismo, siya’y bumalik sa kanilang opisina at matiyang ginawa ang lahat ng pinag-uutos ng kanilang boss na panay ang dakdak dahil sa ginawa njyang pagkakape sa oras ng trabaho.
Halos mabingi man ang iba niyang katrabaho, lalo na ang kaibigan niyang si Sherly na panay ang pagpapakalma rito, nakangiti lang siya habang gumagawa ng mga balitang kaniyang isusumite.
Simula nang araw na iyon, madalang na siyang makaramdam ng katamaran sa katawan. Nanumbalik na rin ang araw-araw niyang sigla na nagbunga ng palagian niyang pagpasok nang maaga.