Pinaghinalaan ng Mayamang Lalaki na Miyembro ng Akyat Bahay ang Binatilyong Nagdedeliber ng Tubig; Napaluha Siya Nang Malaman ang Kalagayan Nito
Sabik na ang dalawang anak ni Joselito nang pumasok na siya sa kwarto ng mga ito. Mahilig kasi siyang magkwento ng kung anu-ano sa mga bata bago matulog ang mga ito.
“O, ready na ba kayong makinig sa kwento ko ngayon mga anak?” tanong niya saka tinabihan sa higaan ang mga ito.
“Opo, daddy, gusto na po naming marinig ang inyong kwento,” sabi ng panganay niya.
“Ano po ba ang ikukuwento niyo ngayon, daddy?” tanong naman ng bunso.
Napangiti ang lalaki. “Ang kwentong ito ay tungkol sa isang mayamang lalaki, at ang mahirap na nagdedeliber ng tubig,” pagsisimula niya.
Ang binatilyong si Teptep ay linggo-linggong dumadaan sa bahay ng mayamang lalaki para magdeliber ng tubig. Kasundo niya ang mga kasambahay ng matanda, kapag dumadating siya’y binibigyan pa siya ng mga ito ng inumin at tinapay. Mabait kasi at masarap kausap ang binatilyo.
“Maraming salamat po, manang, sa pagkain at sa tip,” sabi ni Teptep sa matandang kasambahay nang iabot na nito sa kaniya ang bayad.
“Walang anuman, alam kong hindi madali ang pagdedeliber ng tubig sa bahay-bahay. Napansin kong hindi ka lang dito magdedeliber dahil apat na galon pa ng tubig ang nasa pedicab mo,” sagot ng matandang babae.
“Oo nga po eh, madami po kasing order ngayon,” wika ng binatilyo saka nagpaalam na.
Nang sumunod na linggo ay bumalik na naman siya doon upang muling magdeliber ng tubig ngunit ang naabutan niya ay ang mayamang lalaking may-ari ng bahay. Nakatayo ito sa salas at masama ang tingin sa kaniya. Ngumiti lamang ang binatilyo at nagpaalam na dadalhin sa kusina ang galon ng tubig na inorder nito.
“Magandang umaga po, ipapasok ko lang po itong tubig. Tuwing magdedeliber po kasi ako, sabi po ni Manang Lydia ay idiretso ko na lang po ito sa kusina ninyo,” magalang na pagbati ni Teptep.
Inirapan siya ng matanda. “Nakikita kita rito tuwing linggo na nagdedeliber ng tubig at pumapasok ka pa talaga sa loob ng bahay ko, baka naman kasabwat ka ng mga masasamang loob na nagmamanman lang sa mga bahay ng mga mayayaman para makapagnakaw?” galit na sabi ng matandang lalaki.
Umiling ang binatilyo. “Naku, hindi po, binigyan po ako ng permiso ni Manang Lydia na ipasok ko na lang po sa kusina ang galon ng tubig. Saka mas okey nga po iyon para hindi na po mahirapang magbuhat ng galon ang mga kasambahay ninyo lalo na po si manang, matanda na po kasi siya,” tugon naman ni Teptep.
“Siguraduhin mo lang dahil kapag nalaman kong kasabwat ka ng mga akyat bahay, ako mismo ang magpapahuli at magpapakulong sa iyo!” sigaw ng matanda at saka ito tumalikod.
Napapailing na lang si Teptep sa sinabi nito. Dinala niya ang galon ng tubig sa kusina at umalis na.
Makalipas ang ilang linggo ay ganoon pa rin ang ginawa niya kapag nagdedeliber ng tubig sa bahay ng matanda, ipinapasok niya iyon sa kusina para nga naman hindi mahirapan sa pagbubuhat ang mga kasambahay nito. Hanggang sa napagdesisyunan ng matandang lalaki na sundan kung saan siya magpupunta matapos na dalhin ang galon ng tubig sa bahay nito.
Malakas kasi ang kutob ng matanda na miyembro ng akyat bahay gang ang binatilyo, itsura palang kasi nito ay mukhang busabos na kaya wala siyang katiwa-tiwala rito kaya dahan-dahan niya itong sinundan. Nang gabing iyon ay hindi dala ni Teptep ang kaniyang pedicab na ginagamit sa pagdedeliber kaya maglalakad na lang ito pabalik sa water station. Maya maya ay lumabas na ito roon at halatang uuwi na.
Muli itong naglakad, sa tingin niya ay papunta na ito sa hangout nito. Makikita na niya ang mga kasama nitong akyat bahay, mapapahuli na niya sa pulis ang mga l*ntik na ito upang hindi na makapagnakaw pa. Nab*ktima na rin kasi siya noon ng akyat bahay kaya ganoon na lang ang galit niya sa mga ito.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung saan pumunta ang binatilyo.
“T-Teka, bakit narito siya? Dito kaya ang hangout nila?” nagtatakang tanong ng matanda sa isip.
Sinundan niya pa rin ang naglalakad na si Teptep. Ilang minuto lang ay huminto ito at mas ikinagulat niya ang sumunod na natuklasan.
“Dito siya nakatira?”
Nakita niya na may kinuhang malaking karton ang binatilyo at inilatag iyon sa ibabaw ng isang nitso. Sa sementeryo pala ito nakatira at natutulog lang sa mga nitso doon.
Hindi niya namalayan na nakita siya ni Teptep na minamasdan niya ito.
“S-Sir, a-ano pong ginagawa niyo rito?” gulat nitong tanong sa kaniya.
“Dito ka nakatira? Diyan ka natutulog?” tanog ng matanda.
“Opo. Wala na po kasi akong mga magulang. Pumanaw po sila sa isang aksidente, tatlong taon na po ang nakakalipas kaya mag-isa na lang po ako sa buhay. Itinakwil na rin po ako ng iba kong kamag-anak, ayaw po nila ng ibang papakainin kaya eto po ako ngayon, mag-isa ko na lang po binubuhay ang sarili ko sa pagdedeliber ng tubig. Kahit po maliit lang ang kinikita ko sa water station ng amo ko’y sapat naman po sa pangkain ko sa araw-araw. Basta malamnan lang po ang sikmura ko’y ayos na. Kaya po dito ako natutulog dahil wala na po akong bahay, dinemolish na po yung maliit naming barung-barong sa labas ng sementeryo kaya dito na lang po ako nagpapalipas ng magdamag. Kapag po umuulan ay sumisilong na lang po ako sa mga bukas na musoleyo. Malaki nga po ang pasasalamat ko sa inyo dahil palagi po kayong umoorder ng tubig sa amin, palagi po akong binibigyan ng tip at pagkain ni Manang Lydia,” paliwanag ni Teptep.
Sa ibinunyag ng binatilyo ay bigla na lang naistatwa sa kinatatayuan ang matanda.
“P-pasenya ka na, hijo, hindi ko alam,” tanging nasabi nito saka ‘di na napigilan na mapa-iyak sa harap ni Teptep. Sobra itong nahabag sa kalagayan ng binatilyo. Hindi nito inasahan na ganoon pala ang sitwasyon ni Teptep pero pinag-isipan pa nito ng masama.
Mula noon ay tinulungan na ng matandang lalaki ang binatilyo. Pinag-aral niya ito sa hayskul hanggang sa makatapos ito sa kolehiyo.
Pagkatapos magkwento ay tumingin si Joselito sa mga anak. Maluha-luha na rin ang dalawang bata. Sobrang naantig ang mga ito sa kwento niya.
“Alam ninyo ba kung nasaan na ang binatilyong si Teptep ngayon?” tanong niya sa mga anak.
“Nasaan na po, daddy?” tanong ng mga bata.
“Ako ang binatilyong si Teptep sa kwento, iyon ang palayaw ko noon. Ako ang binatilyong nagdedeliber ng tubig noon at dahil sa matandang lalaking tumulong sa akin, ako ay naging isang doktor na ngayon,” hayag niya.
Nanlaki ang mga mata ng mga anak ni Joselito, hindi makapaniwala ang mga ito sa sinabi niya.
“Ang gusto kong ipaunawa sa inyo, mga anak, ay huwag kayong basta-basta manghuhusga sa inyong kapwa at lagi ninyong bubuksan ang inyong mga puso at isipan para tumulong sa mga nangangailangan. Sa simple at malaking bagay na inyong gagawin ay may buhay kayong mababago kaya ugaliin ninyong maging mabuti sa inyong kapwa, ” wika niya.
Masaya si Joselito dahil sa pagtulog ng mga anak niya ay baon ng mga ito ang aral na natutuhan mula sa sariling kwento ng buhay niya. Habang buhay niyang tatanawin na malaking utang na loob ang pagtulong na ginawa sa kaniya noon ng mayamang lalaki. Kung ano man ang mayroon siya ngayon at kung sino siya ngayon ay produkto ng isang busilak na puso na handang tumulong, at handa siyang gawin ang parehong bagay para sa mga nangangailangan, kaya nga kapag walang pambayad ang mga pasyente niya sa ospital na pinagtatrabahuhan niya ay hindi na niya hinihingan ng bayad ang mga ito, libre na ang binibigay niyang serbisyo. Nagbibigay din siya ng mga libreng gamot para sa mga pasyenteng walang pambili. Ginagawa niya iyon upang maibalik sa kaniyang kapwa ang biyayang nakamtam niya.