Inday TrendingInday Trending
May Taning na ang Buhay ng Lalaki Kaya Naging Malapit Siya sa mga Mahihirap; Laking Gulat Niya Nang Malamang Mali Pala ang Sinabi ng Doktor

May Taning na ang Buhay ng Lalaki Kaya Naging Malapit Siya sa mga Mahihirap; Laking Gulat Niya Nang Malamang Mali Pala ang Sinabi ng Doktor

Ang mag-asawang Rosanna at Carlito lamang ang nakaka-angat ang pamumuhay sa kanilang lugar. Ang lalaki ay matapobre at hindi marunong makipag-kapwa. Ubod din ito ng damot.

“Hindi ako palabigasan. Doon kayo lumapit sa iba!” sigaw niya sa isang kapitbahay nila na nangungutang ng pera. Nawalan daw ito ng trabaho kaya walang maipakain sa pamilya.

Kung masama ang ugali ni Carlito, iba naman ang misis niyang si Rosanna. Maawain at matulungin ang babae kaya nga sa pagkakataong iyon ay patago nitong binigyan ng pera at pagkain ang lalaki.

“O, eto, Tonyo ang bigas, mga de lata at isang libo. Ibili mo pa ng ibang pangangailangan ang iyong mag-ina. Kung kulang pa ay sabihin mo lang,” wika ng ginang.

“Naku, maraming salamat, Aling Rosanna. Pero hindi ko po alam kung kailan ko kayo mababayaran. Natanggal po kasi ako sa pinapasukan kong pabrika kaya ngayon po ay talagang hikahos kami,” sabi ng lalaki.

“Huwag mo nang isipin ang bayad. Saka na iyon, kapag nakaluwag ka na,” tugon pa ng ginang.

“Napakabait mo talaga, Aling Rosanna. Kaiba ka sa iyong asawa,” saad pa ng kapitbahay.

“Ako na ang humihingi ng dispensa sa sinabi kanina ni Carlito,” buong kababang loob na sabi ni Rosanna sa kausap.

Minsan naman, ang mismong hardinero ng mag-asawa ang nanghingi ng tulong sa matandang lalaki.

“May sakit po ang bunso kong anak, sir. Babale po sana ako para pambili ng gamot,” sabi nito.

Tiningnan ito ng matalim ng matandang amo.

“Wala akong pakialam kung may sakit ang anak mo. Wala akong maipambabale sa iyo,” matigas nitong sagot.

Lulugu-lugong tumalikod ang hardinero pero maya maya ay…

“Eto ang kailangan mo, Igme. Ibili mo agad ang anak mo ng gamot,” wika ni Rosanna saka inabutan ito ng pera.

“Maraming salamat po, ma’am,” masaya nitong sagot.

Isang araw ay si Carlito naman ang dinapuan ng karamdaman.

“Sobrang sakit ng ulo ko, Rosanna,” nanghihinang sabi nito.

“Magpahinga ka muna diyan at tatawagan ko si Dr. Silvestre,” tugon ng misis.

Agad na kinontak ng ginang ang kaibigang doktor ng kanilang pamilya. Mabilis naman itong nakapunta sa kanila, at matapos nitong masuri si Carlito ay…

“Magpunta ka sa klinika ko, Mr. Gutierrez,” seryosong sabi nito.

“Opo, doktor.”

Kinabukasan, maagang pumunta si Carlito sa klinika ni Dr. Silvestre. Nang makita ng doktor ang resulta ng pagsusuri ay hindi ito makakibo kaya tinanong na ito ni Carlito.

“Ano ba ang karamdaman ko, doc? Sabihin mo na sa akin,” sabi niya.

Bumuntung-hininga muna ang doktor bago magsalita.

“M-May k*ns*r ka sa utak, Mr. Gutierrez. Pitong buwan na lang ang ilalagi mo sa mundong ito,” pagtatapat nito.

“A-Ano?!”

Inilihim ni Carlito sa kaniyang asawa ang tungkol sa kalagayan niya. Ayaw niyang mag-alala pa ito. Isang araw, napagdesisyunan niya na lumabas sa mansyon.

“O, saan ka pupunta?” tanong ni Rosanna.

“Pupunta ako diyan sa iskwater sa kabila. May gagawin lang ako,” sagot niya.

Mula noon ay nagbagong bigla si Carlito. Nakikihalubilo na siya sa mga kapitbahay nilang mahihirap na nasa iskwater.

“Sige, inom, mga parekoy! Sagot ko ang lahat!” masaya niyang sabi sa mga kainuman niya.

“Ang bait pala ni Pareng Carlito! Sige, tagay pa tayo!” wika ng mga ito.

Hindi lang siya naging malapit sa mga mahihirap, naging mapagbigay din siya sa mga ito na dati ay hindi niya ginagawa.

“Eto po ang pambili niyo ng bigas at ulam, Aling Pinyang,” sabi niya sa matandang kapitbahay.

“Nakakahiya naman po, Mang Carlito. Palagi niyo na lang kaming tinutulungan dito sa iskwater,” sambit nito.

“Huwag po kayong mahiya. Basta lumapit lang kayo sa akin kung may kailangan kayo,” aniya.

Puring-puri tuloy siya ng mga kapitbahay at mga kabataan sa iskwater.

“Ang bait talaga ni Mang Carlito! Laging may pasalubong na binibigay sa atin kapag pumupunta rito, ano?” sabi ng isang bata.

“Oo nga eh, mayaman na, mabait pa,” sabad ng isa.

At kadalasan ay gabi na kung umuwi ng bahay si Carlito. Nawiwili na kasama ang mga mahihirap nilang kapitbahay.

“Mukhang gustung-gusto mong kasama ang mga kapitbahay natin, Carlito, a!” sabi ni Rosanna sa kaniya.

“Oo, Rosanna. Ngayon ko naisip ang mga pagkakamali ko sa kanila. Masaya pala silang kausap at kasama,” tugon ni Carlito.

Lumipas pa ang ilang buwan, wala nang nagawa si Carlito kundi sabihin sa asawa niya ang tungkol sa kaniyang sakit at napipinto niyang paglisan.

“Iyan ang totoo, Rosanna. May taning na ang aking buhay at isang linggo na lang ang itatagal ko,” hayag niya.

“Diyos ko!” tanging nasambit ng kaniyang misis.

“Kaya tulungan mo akong dumalangin sa Panginoon, Rosanna. Gusto ko pang lumawig ang aking buhay. Gusto ko pang makatulong sa mga taong hinamak ko noon,” saad pa niya.

Tumango naman ang ginang. “Oo, Carlito. Tutulungan kita,” maluluha-luhang sabi nito.

At sumapit na nga ang takdang taning ng buhay ni Carlito, hanggang sa lumipas ang dalawang linggo at higit pa…

“Rosanna, mahal ko, pinakinggan tayo ng Panginoon! Hanggang ngayon ay buhay pa rin ako!” tuwang-tuwang sabi niya. ‘Di siya makapaniwala na tuluy-tuloy pa rin ang buhay niya.

Maya maya ay tumunog ang telepono. Agad iyong sinagot ni Carlito.

“Dr. Silvestre? Bakit kayo napatawag?” tanong niya.

“Patawarin mo ako, Mr. Gutierrez, isang malaking pagkakamali ang nagawa ko sa iyo. Nagkapalit kayo ng resulta ng isa kong pasyente. Siya ang mayroong malalang sakit at hindi ikaw. Ang dahilan ng pananakit ng iyong ulo ay dahil lang sa stress,” bunyag ng doktor.

Nanlaki ang mga mata ni Carlito sa sinabi ni Dr. Silvestre. Kaya pala hanggang ngayon ay buhay pa siya dahil maling resulta naman pala ang ibinigay nito sa kaniya.

“Ganoon po ba? It’s okey, doc. Labis akong natutuwa sa sinabi mo,” tugon niya. Pagkatapos ng tawag ay taimtim siyang nanalangin at humingi ng tawad sa lahat ng mga nagawa niya noon. Dahil binigyan pa siya ng pangalawang pagkakataon na mabuhay, ipinapangako niya na magiging mabuting tao na siya. Ipagpapatuloy niya ang pagtulong at pakikisalamuha sa kaniyang kapwa lalo na sa mga kapos at nangangailangan.

Pero lingid sa kaalaman ni Carlito…

“Patawarin po Ninyo kami, Diyos ko, sa aming pagsasabwatan ni Dr. Silvestre. Ginawa lang po namin na lokohin ang aking asawa na may taning na ang buhay niya upang magbago siya ng pag-uugali at pakikitungo sa kapwa. Hindi naman kami nabigo sa layunin namin kaya marami pong salamat, Diyos ko!” bulong ni Rosanna sa sarili.

Kung alam lang ni Carlito ang lihim ng kaniyang asawa at ni Doktor Silvestre, ano kaya ang magiging reaksyon niya?

Samantala, tinupad naman ni Carlito ang pangako niya, palagi siyang tumutulong sa mga kapitbahay niyang mahihirap at patuloy rin ang maganda niyang pakikisama sa mga ito.

Nang dahil sa kasinungalingan ay nagbago si Carlito, ang dating matapobre at madamot ay isa nang mabuting tao.

Advertisement