Inday TrendingInday Trending
Masama ang Loob ng Binata Dahil Pumalpak ang Trabaho Niya sa Opisina; Dahil sa Nangyari ay Tuturuan Siya ng Aral ng Kaniyang Tiyuhin

Masama ang Loob ng Binata Dahil Pumalpak ang Trabaho Niya sa Opisina; Dahil sa Nangyari ay Tuturuan Siya ng Aral ng Kaniyang Tiyuhin

Ulila na sa mga magulang si Jeremy. Pinalaki siya at pinag-aral ng kaniyang tiyuhin at tiyahin sa probinsya kaya malaki ang utang na loob niya sa mga ito.

Tuwing wala siyang pasok sa opisina sa araw ng Sabado at Linggo ay lumuluwas siya sa Laguna para dalawin ang dalawang matanda. Mula kasi nang magtrabaho siya sa Maynila ay doon na siyanangupahan. May nirerentahan siyang maliit na apartment na malapit sa pinagtatrabahuhan niya.

Habang nakasakay siya sa bus ay may gumugulo sa isip niya. Pumalpak kasi ang ginawa niyang presentasyon sa trabaho kaya napagalitan siya ng kanilang boss. Ang kinakasama pa ng loob niya, hindi niya matanggap na nagkamali siya. Matalino siya, magaling siya sa lahat ng bagay pero bakit siya pumalpak sa harap pa mismo ng kanilang kliyente. Mabuti na lang at tinulungan siya ng mga kasama niya para maayos ang gusot kundi ay nawalan ng malaking kliyente ang kumpanya nila.

Ayaw niya munang isipin ang mga bagay na ito, gusto niya munang makapag-relax sa pag-uwi niya. Maya maya ay muli niyang sinilip ang mga dala-dala niya.

“Tamang-tama na siguro ang pasalubong ko para kina tiyo,” bulong niya sa isip.

Tamang-tama ang pagpunta niya sa probinsya, gusto niya munang magpalipas ng sama ng loob dahil sa nangyari sa opisina. Kahit isang araw lang ay makalimutan niya ang kapalpakan niya. Naniniwala kasi siya sa kasabihan na sa lugar daw na pinagmulan ay naroon ang kapayapaan.

“Excited na akong makita sila,” saad pa niya.

Ilang saglit lang ay nakarating na siya.

“Tiyo! Tiya! Narito na po ako!” sigaw niya.

Tuwang-tuwa namang siyang sinalubong ng dalawang matanda nang makita siya.

“O, Jeremy! Kanina ka pa namin hinihintay ng tiyang mo. Tena sa loob para makakain ka na,” wika ng Tiyo Justo niya.

“Paborito mo ang niluto ko, tinolang manok,” sabad ng kaniyang Tiya Meding.

Nang kumakain na sila sa loob ng bahay ay inusisa siya ng tiyuhin.

“Mukhang nangangayayat ka a! Huwag mong pababayaan ang sarili mo, Jeremy,” sabi ng matanda.

“Medyo abala lang po ako sa trabaho, tiyo. Huwag po kayo mag-aalala, inaalagaan ko naman po ang sarili ko,” sagot niya.

“Kumusta naman ang trabaho mo?” tanong naman ng tiya niya.

“M-Mabuti naman po,” aniya.

“Sigurado ‘yon. Aba’y Cum Laude ka yata. Kaya tiwala ako na mahusay ang ipinapakita mo sa trabaho,” wika ng tiyo niya.

Sa sinabi ng matanda ay hindi na siya nakakibo. Kung mahusay siya, eh bakit siya nakagawa ng kapalpakan sa opisina?

Matapos silang makakain at maibigay ang kaniyang mga pasalubong ay namahinga muna siya sa maliit na kubo sa parang kung saan siya palaging nagmumuni-muni pag umuuwi siya roon.

“Hayy…ang sarap talaga ng hangin dito, ‘di tulad sa Maynila na puro polusyon,” sambit niya sa isip.

Malapit na siyang dalawin ng antok nang marinig niya ang malakas na boses ng Tiyo Justo niya. Tinatawag siya nito.

“Jeremy! Jeremy!”

Napabalikwas siya ng bangon.

“Ano po ‘yon, tiyo? May kailangan po ba kayo?” tanong niya.

“Pasensya ka na, hijo. May aabalahin sana ako sa iyo,” anito.

“Panhik ho kayo rito. Eh, ano ho ba ‘yon?”

“Tungkol dine sa pasalubong mo. Naalis ko na ang takip pero may sara pa palang panibago paano ba ito, ha?” tanong ng matanda na dala ang isang de latang pagkain.

Sa sinabi ng kaniyang tiyuhin ay gusto niyang matawa.

“A, may selyo pa nga ho pala ‘yan, tiyo. Manipis na aluminum para manatiling sariwa ang laman diyan sa lata. Kaya pong tanggalin ‘yan ng kahit kutsara lang, teka…”

Tinulungan na niya ang matanda sa pagbubukas noon. Habang tinatanggal niya ang selyo…

“Nakakatawa ako, ano? Ganito kasi ako, palatanong lalo’t hindi ko alam. Mahirap kasing dayain ang sarili. Kung hindi ko itatanong sa iyo paano ko pakikinabangan ‘yan? Naging panuntunan ko na ‘yon. Hindi ako nahihiya at hindi naman nahihirapan ang aking sarili. Nadaragdagan pa ang aking nalalaman,” sabi ng Tiyo Justo niya.

Dagdag pa ng matanda, mahirap daw sa tao ang nag-aakalang alam ang lahat, gumagawa ng pader sa kapwa. Dapat daw na iwasan ito dahil wala naman daw masamang magtanong kung para sa ikabubuti o ikaaayos ng ginagawa.

Hindi nakakibo si Jeremy. Pagkatapos na matanggal ang selyo ay iniabot na niya sa tiyuhin ang lata.

“Ayos na po ‘yan.”

“Salamat, hijo. Matitikman na rin namin ng tiyang mo itong pasalubong mo.”

Nang umalis ang matanda ay napagtanto niya na hindi siya ganoon, hindi siya katulad ng tiyo niya kaya pumalpak siya sa opisina. Ang mataaas na pagkakakilala niya sa sarili ang problema niya.

Bumalik ulit sa alaala niya ang nangyari sa opisina.

“Ire-research ko na lang ito. Baka sabihin Cum Laude ako, tapos ito lang itatanong ko pa sa kanila. Titingnan ko na lang kung paano i-operate iyon. Kaya ko naman ‘yon kaysa magtanong pa ako,” sambit niya noon sa sarili.

Kaya ang naging resulta, pumalpak siya sa trabaho.

“Ako pala mismo ang may problema kung bakit iyon nangyari. Kasalanan ko,” saad pa niya sa sarili.

Dahil sa sinabi ng kaniyang tiyuhin ay natutuhan niya na ang kahalagahan ng pagtatanong. Hindi pala iyon kabawasan sa pagiging matalino kaya nang araw na nagpaalam na siya para bumalik sa Maynila…

“Alis na po ako tiyo, tiya,” paalam niya. “Magbubuwag pa po ako ng pader, eh,” bulong niya.

“Mag-iingat ka, hijo,” tugon ng dalawang matanda.

Pagbalik ni Jeremy sa opisina ay baon niya na ang aral na natutuhan niya sa kaniyang Tiyo Justo. Binuwag niya ang lahat ng pader na nakaharang doon at natuto na siyang magtanong sa mga kasama niya kapag mayroon siyang hindi nalalaman o naiintindihan. Dahil doon ay hindi na siya nagkakamali at pumapalpak.Palagi nang maayos ang trabaho niya. Salamat sa Tiyo Justo niya.

Advertisement