Ayaw Pa rin ng Dalaga na Magkaroon ng Kasintahan Kahit May Edad na Siya; Pinilit na Tuloy Siya ng Kaniyang Ama na Makipagkita sa Isang Lalaki
Halos lahat ng mga pinsan, kaibigan, at kababata ng dalagang si Kameron ay may kaniya-kaniya nang kasintahan. Ang iba pa nga ay kasal na at may sarili nang pamilya. Habang siya, mag-isa pa rin sa buhay at nakikisiksik pa rin sa bahay ng kaniyang mga magulang.
Kung tutuusin, kayang-kaya niya naman talagang bumili na ng sarili niyang bahay dahil bukod sa maganda ang kaniyang trabaho, wala naman siyang pinagkakagastusan dahilan para labis siyang makaipon. Kaya lang, hindi niya makita ang dahilan ng pagbili nito dahil mag-isa lang naman siyang titira roon.
“Bakit ba kasi ayaw mo pang magkaroon ng kasintahan, ha? Katanda-tanda mo na, Kameron, palagi ka pa ring nakasabit sa amin ng nanay mo!” inis na sabi ng kaniyang ama, isang gabi habang pinagsisiksikan niya ang sarili sa kama ng kaniyang mga magulang.
“Papa, naman! Parang sawang-sawa ka na sa akin, ha!” sigaw niya habang yakap-yakap ang kaniyang ina na tatawa-tawa lang.
“Sawang-sawa na talaga ako sa’yo! Tatlong dekada ka nang nakakuyabit sa amin ng nanay mo. Sana naman mabigyan mo na kami ng apo na bagong kukuyabit sa amin. O kahit magpakilala ka lang ng lalaking mag-aalaga sa’yo kapag wala na kami,” sabi nito na ikinainis niya.
“Ayoko nga kasi magkaroon ng kasintahan, papa! Sakit lang ‘yon sa ulo, eh. Nand’yan naman kayo para samahan at alagaan ako,” katwiran niya kaya napatayo na ang kaniyang ama.
“Hindi habambuhay maaalagaan ka namin, anak. Kaya sa ayaw at gusto mo, ihahanap kita ng magiging kasintahan mo. Ito na lang ang huli kong hiling sa’yo. Kung ayaw mo, mapipilitan kaming palayasin ka rito sa bahay at hayaan kang manirahan mag-isa sa isang bahay!” wika pa nito saka agad na may kinausap sa telepono, tumanggi man siya, agad na siyang pinatayo ng kaniyang ina upang kitain ang binatang iyon.
At dahil nga wala na siyang magawa sa kagustuhang iyon ng ama, kahit lingid sa kagustuhan niya ay sinunod niya nga ito. Siya’y nakipagkita sa lalaking nakilala nito.
Ngunit dahil ayaw niya ngang magkaroon ng kasintahan, ginawa niya ang lahat upang ayawan siya nito. Nagsuot siya nang maluwag na damit, hindi siya nag-ayos ng sarili, at nagpanggap siyang baliw sa harap nito. Hiyang-hiya man siya sa ginagawa niya, pinagpatuloy niya pa rin dahil sa kagustuhan niyang manatili sa tabi ng kaniyang mga magulang.
Kaya lang, kahit anong gawin niyang kawirduhan sa harapan ng binata, tumatawa lang ito habang kinukuhan siya ng bidyo.
“Ano ba ‘yang ginagawa mo, ha? Hindi ka ba naiinis o nahihiya para sa akin? Ang dami-dami nang taong nakatingin sa atin dahil sa ginagawa ko, ayos lang sa’yo?” inis niyang tanong dito nang mapansin niyang kahit anong gawin niya, masaya pa rin ito.
“Oo naman, matagal ko kayang pinangarap na makapunta sa isang magandang restawran kagaya nito kasama ka. Kahit nga makausap ka, akala ko isang kahibangan noon,” nakangiti nitong sabi saka nagsalin ng alak sa sariling baso.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong niya.
“Matagal na kitang kilala, Kameron. Matagal ko na ring hiningi sa mga magulang mo ang kamay mo. Sa katunayan, nasa hayskul pa lang tayo noong una kong makausap ang tatay mo, tinataboy niya pa ako noon kaya akala ko imposible itong mangyari. Pero sa tinagal-tagal ng panahong hinintay ko, sa wakas, pinagkatiwalaan niya na ako,” kwento nito na talagang nagpataas ng mga balahibo niya at nagpalambot ng kaniyang puso.
“I-ibig sabihin, matagal mo na akong binabantayan?” tanong niya pa.
“Matagal na kitang minamahal, Kameron,” tugon nito saka mariing na hinawakan ang kaniyang kamay, wala siyang ibang magawa noon kung hindi damhin ang mainit nitong kamay dahil siya’y labis na natuliro sa katotohanang nalaman.
Nang maramdaman niya ang sinseridad na mayroon ito, siya’y nagpasiyang mas kilalanin pa ito at sundan pa ang pagkikita nilang iyon.
Hindi kalaunan, dahil sa magandang pag-uugali ng binata at ang paggalang na mayroon ito sa kaniyang mga magulang, nagpasiya na rin siyang sagutin ito na talagang ikinasaya ng kaniyang mga magulang.
Naging mabilis man ang pagkakabuo ng kanilang relasyon, hindi ito naging hadlang upang maging maayos at tunay ang kanilang pagmamahal na pagkalipas lang ng dalawang taon ay nauwi na sa kasalan.
Doon na niya unti-unting tinupad ang kagustuhan ng kaniyang mga magulang. Siya ay bumili na ng sarili niyang bahay at hindi nagtagal, siya’y nagdalang tao na rin na talagang ikinatuwa ng mga ito.
Hindi niya man akalain na magiging ganito kaperpekto ang buhay niya, sobra ang tuwang kaniyang nararamdaman dahil sinubukan niyang makilala ang binatang makapagbibigay pala sa kaniya ng masayang buhay habang kapiling niya pa ang kaniyang mga magulang.