Kutob ng Dalaga ay May Gusto Rin sa Kaniya ang Matalik Niyang Kaibigan; Tama Kaya ang Kaniyang Nararamdaman?

Labing dalawang taon pa lang si Noemi noon nang magsimula siyang mahumaling sa kabaitan ng bespren niyang si Emer. Bukod kasi sa palagi na siya nitong hinahatid at sundo sa kanilang bahay, palagi pa siya nitong hinahatian ng pagkain kahit kakaunti lang din ang baon nito.

Sa araw-araw na gawaing iyon ng lalaki, hindi na niya napigilan ang sarili na mahulog dito kahit pa alam niyang sobrang bata pa sila noon.

Nagpatuloy ang kanilang pagkakaibigan hanggang ngayong sila ay may kaniya-kaniya nang trabaho at negosyo. Siya ay isa nang responsableng empleyado sa gobyerno habang ang kaibigan niya namang ito ay may sarili nang panaderya na sumasagot sa lahat ng gastusin nito sa buhay.

Sa kabila ng pagiging abala nila, nagagawa pa rin nilang makapagkita kahit isang beses sa isang linggo na talaga nga namang ikinatutuwa niya at dahil nga ni minsan ay hindi pa rin ito nagkaroon ng kasintahan katulad niya, pakiwari niya, mayroon din itong espesyal na nararamdaman para sa kaniya.

“Sigurado ka ba sa nararamdaman mo, Noemi? Baka naman dahil d’yan, masira ang pagkakaibigan niyo, ha?” tanong ng isa niyang katrabaho, isang araw habang pinagdiriwang nila sa isang restawran ang kaniyang kaarawan at sinabi niya ritong tila mayroon din itong gusto sa kaniya.

“Hindi ako sigurado, pero malakas ang pakiramdam ko na mayroon din siyang gusto sa akin. Isipin mo nga, nakikipagkita siya sa sa’kin kada linggo para kumain at makipagkwentuhan lang! Tapos, wala pa siyang nagiging kasintahan katulad ko. Hindi kaya, hinihintay niya lang akong magsabi sa kaniya nang nararamdaman ko?” tugon niya rito.

Sasagot pa lang sana ang katrabaho niya nang biglang tumunog ang selpon niya at makita nitong ang naturang binata ang tumatawag. Wala na itong ibang nagawa kung hindi mapangisi at kiligin para sa kaniya.

“O, Emer, napatawag ka? Ngayon na? Sige, magpupunta ako riyan!” sabi niya sa binata saka niya agad na binaba ang tawag, “Kita mo na? Kung hindi niya ako gusto, hindi niya ako kikitain ngayong kaarawan ko! May itatanong pa raw siya sa akin!” wika niya pa sa katrabaho dahilan para makumbinsi niya ito.

Advertisement

“Diyos ko! Baka aamin na siya sa’yo. Halika, aayusan muna kita saglit!” tuwang-tuwa sabi ng katrabaho niya saka siya hinila sa banyo upang doon ayusan.

Maya maya lang, nakarating na rin siya sa panaderya ni Emer. Kabado man sa kung anong mangyayari, agad siyang pumasok doon. Nakita niya itong abalang nagdidisenyo ng isang cake na talagang nagpatibok ng puso niya. 

“Ginawan niya pa ako ng cake? Napakaswerte ko naman talaga!” sa isip-isip niya saka siya tumakbo palapit dito upang yakapin mula sa likuran.

Kaya lang, bago pa siya makarating sa harap nito, humarap na ito sa kaniya. Pinakita nito ang cake na inaayos nito at siya’y labis na nadurog nang makita ang nakasulat dito.

“Maaari ko bang kulayan ang buhay mo, Sonya?” basa niya sa nakasulat sa naturang cake.

“Ah, eh, sino si Sonya?” tanong niya rito. 

“Iyong babaeng gusto kong ligawan. Suki ko ‘yon dito sa panaderya. Tingin mo ba, magugustuhan niya ito?” masayang kwento nito na ikinabuntong-hininga niya na lamang. 

“O-oo naman! Ikaw ang gumawa niyan, eh. Sa akin ba wala kang ibibigay? Kaarawan ko ngayon, baka nakakalimutan mo,” sabi niya.

Advertisement

“Makakalimutan ko ba ‘yon? Syempre may regalo ako sa’yo! Kuhanin mo na lang doon sa ref ‘yong cookies na gawa ko para sa’yo, ha? Idadaan ko lang ‘to sa bahay nila Sonya,” sambit pa nito saka siya tuluyang iniwan sa panaderya na talagang ikinaiyak niya na lamang. 

Sa pagkakataong iyon, wala siyang ibang nagawa kung hindi ang umiyak. Buong akala niya, iyon na ang araw na kukumpleto sa buhay niya ngunit iyon pala ang araw na dudurog sa puso niya nang pinong-pino.

Gustuhin man niya sanang mamalagi pa sa panaderyang iyon upang makasama pa nang matagal ang binata, hindi niya na iyon nakayanan pa at siya’y nagdesisyong umuwi nang hindi nagpapaalam.

Ilang linggo rin siyang hindi nakipagkita sa binata simula noon. Lalo pa nang mabalitaan niyang sinagot na ito ng nililigawan nitong dalaga. Paulit-ulit mang dinudurog ang puso niya tuwing maaalala niya ang araw na iyon, sa huli ay napagtanto niyang siguro nga, hanggang pagkakaibigan lang ang para sa kanilang dalawa dahilan para unti-unti niyang tanggapin ang katotohanang ito.

Nabawasan man nang nabawasan ang araw na nakakapagkita silang magkaibigan, kuntento na siya rito dahil bukod sa napoprotektahan na niya ang sarili mula sa patuloy na pagkahulog sa binata, naiiwasan niya pang makita ang dalagang si Sonya na talagang kinaiinggitan niya.

Hindi nagtagal, natutuhan niya na ring limutin ang nararamdaman niya para sa binata. Natutuhan niya rin kung paano kontrolin ang puso niya na noon ay gustong-gusto ito. Nagawa niya ito sa tulong ng katrabaho niyang araw-araw siyang sinasamahan kung saan-saan para lang siya’y malibang.

“Kung sasaya ka sa piling ng iba, sino ba ako para hadlangan ka?” tanong niya sa hangin habang pinagmamasdang masayang nakikipagkwentuhan ang kaibigan niya sa nobya nitong naging katuwang na nito sa pagpapalago ng panaderya.

Ang tunay na nagmamahal ay marunong magparaya. Sigurado siyang darating ang panahon na makikilala niya rin ang lalaking tunay na nararapat para sa kaniya.