
Sinulit ng Babaeng May-ari ang Galing ng Isang Empleyado nang Walang Dagdag Sweldo; Anong Mangyayari sa Restawran Niya Kapag Nawala Ito?
Nang magsimulang pumasok sa mundo ng pagnenegosyo ang dalagang si Madel, isa sa pinaka pinapanalangin niya ay ang mabiyayaan siya ng mga empleyadong makakatulong sa kaniya na makilala ang kaniyang restawran.
Sigurado na kasi siyang bebenta ang mga putaheng ihahain niya sa mga tao dahil bukod sa pasok ito sa bulsa ng masa, masarap pang magluto ang kaniyang ina na kukuhanin niya bilang tagapamahala sa buong kusina. Maganda rin ang lugar at disenyo ng kaniyang restawran na gawa naman ng arkitekto niyang kapatid. Tanging ang mga taong magiging katuwang niya lang talaga ang pinakanagbibigay kaba sa kaniya, lalo na tuwing maalala niyang nagawa siyang pagnakawan ng isa sa mga empleyado ng kaniyang ina noong mayroon pa itong karinderya.
Bukod pa roon, kinakabahan din siya na baka ang mga empleyado niya ang maging dahilan ng pagbagsak ng kaniyang negosyo katulad ng nangyari sa negosyo ng kaniyang kaibigan kung saan nag-amok ang empleyado nito at may isang taong nasaktan dahil doon na nagbigay daan para ipasara ng gobyerno ang kainang pagmamay-ari nito.
Kaya naman, ganoon na lang ang saya niya nang magbunga ang pagtitiwala niya sa empleyadong si Mark na isa sa kaniyang mga waiter. Bukod sa galing nito sa pakikipag-usap sa mga kustomer dahilan para halos araw-araw ay marami siyang kitain, magaling din itong magluto at gumawa ng mga poster na pinapaskil niya sa harap ng kaniyang restawran upang mas makakuha ng mga kustomer.
Sa araw-araw na pagtatrabaho nito sa kaniya, lalo siyang humahanga sa kakayahan nito. Sabi niya pa nga sa ina, nang isang araw ay makakwentuhan niya ito habang nagluluto ito sa kusina, kayang-kaya na raw ni Mark mag-isa ang trabaho. Bulong niya pa sa isa, “Kung tutuusin pa, mama, kahit ikaw at si Mark na lang ang empleyado ko, tatakbo nang maayos ang restawran ko.”
“Huwag mong isipin ‘yan, anak! Tao lang din si Mark, tiyak, napapagod din ‘yon sa mga pinapagawa mo. Lalo na ang iba roon ay hindi naman sakop ng trabaho niya bilang waiter!” pangaral nito na hindi niya namang pinakinggan.
Kasabay ng paglalim ng tiwala niya sa binata, lalo niyang dinagdagan ang mga trabaho nito nang hindi man lang tinataasan ang sahod nito.
Isang araw, habang abala siya sa paglilista ng mga ipapabili niyang gulay sa palengke sa binatang si Mark, nagulat siya nang may iabot itong isang sobreng puti sa kaniya.
“O, ano ‘to, Mark? Saka ko na ‘to bubuksan, ha? Pakibili muna lahat ng ito sa palengke,” utos niya pa rito.
“Resignation letter ko po ‘yan, ma’am, pakibasa na po at pakipirmahan. Hindi ko na po kaya ang trabaho sa restawran niyo, ma’am. Hindi po sapat ang sahod ko sa pagod na nararamdaman ko,” diretsahang sabi nito na agad niyang ikinalamig.
“Naku, sahod lang ba ang problema? Dadagdagan ko ang sahod mo, Mark! Huwag ka namang umalis dito, ikaw lang ang naaasahan ko, eh,” pakiusap niya rito saka ito inabutan ng isang libong piso.
“Kahit doblehin niyo pa po ang sahod ko, buo na po ang loob kong umalis dito. Pasensya na po kayo,” desididong wika nito na talagang nagbigay ng malaking problema sa kaniya.
Sa pagkawala ng binatang iyon, patong-patong ang agad na kinaharap niya. Samu’t saring reklamo rin mula sa mga kustomer ang kaniyang natatanggap dahil wala na si Mark, ang tanging waiter na may pagmamahal sa bawat kustomer na kumakain doon.
Sa pangyayaring iyon, natutuhan niyang hindi niya dapat abusin ang kaniyang mga empleyado dahil katulad niya, may kahinaan din ang mga ito at napapagod.
Dahil dito, unti-unting humina ang bentahan sa kaniyang restawran dahilan para maghanap siya ng isang empleyadong makakatulong din sa kaniya katulad ni Mark.
Dito niya nakilala si Agnes, hindi man ito kasing galing ni Mark, maaasahan din ito at may puso rin sa pagtatrabaho na talagang ikinatuwa niya.
At dahil nga natuto na siyang magpahalaga ng empleyado, hindi na niya inabuso ang galing na mayroon ito. Bagkus, ito’y kaniyang tinulungan upang mas lumago ang angking galing at siya’y nagdagdag ng tao na talagang makakatulong sa paglago ng kaniyang negosyo.
Kung dati’y inaasa niya ang lahat kay Mark, ngayon’y humanap na siya ng taong nakatoka sa pamamalengke, paggawa ng poster, pagluluto at kung kung ano pa na talagang nagbigay saya at gaan sa kaniyang mga empleyado.
Sa aksyon niyang ito, bumalik ang sigla ng kaniyang restawran na talagang ikinahanga ng kaniyang ina. Pinagpatuloy niya ang gawaing ito simula noon hanggang sa tuluyan na siyang makapagpatayo ng iba pang restawran sa kanilang buong probinsya.