Inday TrendingInday Trending
Walang Awang Pinalayas ng Babae ang Pumalpak na Yaya; Nakagugulat ang Iginanti Nito

Walang Awang Pinalayas ng Babae ang Pumalpak na Yaya; Nakagugulat ang Iginanti Nito

Nagising si Kyla sa dahil sa sinag ng araw na hindi na kinayang takpan ng kaniyang manipis na kurtina.

Awtomatiko na inabot niya ang kaniyang cellphone na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Nanlaki ang mata niya nang makita ang oras.

Alas nuwebe na, at wala man lang gumising sa kaniya!

Dapat ay nasa opisina na siya ng ganoong oras dahil may pupuntahan siya na isang mahalagang pagpupulong.

Taranta siyang naghanda sa pagpasok sa opisina.

Nang makababa siya sa sala ay lalong nagningas ang nararamdaman niyang galit. Sa sofa kasi ay mahimbing na natutulog ang yaya ng anak niya. Nasa bisig ng yaya ang bata na mahimbing din ang tulog.

“Marian!” tila kulog sa lakas na sigaw niya.

Napabalikwas ito ng upo, dahilan na rin upang magising ang batang natutulog.

“Ma’am!” nanlalaki ang mata na bulalas nito.

“Aanga-anga ka talaga! Hindi mo man lang ba naisip na gisingin ako?” asik niya sa yaya.

“M-ma’am, pasensya na po, madaling araw na po kasi kami nakatulog ni Katie, kasi po iyak siya nang iyak,” paliwanag nito.

Gusto niya pa sanang paliguan ng sermon ang dalaga, ngunit alam niya na mas lalo lang siyang male-late sa trabaho kung gagawin niya iyon.

“Humanda ka sa akin mamaya!” banta niya sa babae.

Hinalikan niya sa pisngi ang anak bago nagmamadaling lumabas ng bahay.

Dahil sa mabigat na trapiko ay lampas alas diyes na nang dumating siya sa opisina.

Sinalubong siya ng kaniyang sekretarya na balisa ang mukha. Sa ekspresyon pa lang nito ay alam niya na na may hatid itong masamang balita.

“Ma’am, umalis na po ‘yung mga ka-meeting niyo. Nagalit po sila na hindi kayo dumating sa tamang oras…” kwento nito.

Inirapan niya ang sekretarya.

“Bakit kasi hindi mo man lang pinigilan?” kapagkuwan ay asik niya sa babae.

Napayuko ito.

“Ma’am, ginawa ko po lahat ng kaya ko para manatili sila, pero hindi raw po nila kaya na maghintay ng ganoon katagal,” paliwanag nito.

Dismayadong napaupo si Kyla.

Isang malaking abala ang nangyari, dahil mga kliyente ang kasama niya sana sa nasabing meeting. Baka pumipirma na sana sila ng kontrata ngayon kung nagising lang siya nang maaga. Malaki ang perang nawala sa kaniya.

Halos buong araw ay balisa siya. Sa tuwing naiisip niya ang nawala sa kaniya ay hindi niya maiwasan na maisip din si Marian. Kung ginising lang sana siya nito ay baka hindi nangyari ang lahat ng iyon.

Kaya naman nang makauwi siya kinagabihan ay ang babae kaagad ang hinarap niya.

Isang mag-asawang sampal ang pinadapo niya sa pisngi ng yaya.

“Ma’am, bakit p-po?” umiiyak na tanong nito habang sapo ang pisngi na may bakat pa ng kamay niya.

“Nang dahil sa’yo, isang mahalagang meeting ang hindi ko napuntahan!” sigaw niya.

“S-sorry p-po,” nakayukong sabi nito.

Sa galit ay sumugod siya sa maliit na silid ng yaya.

Isa-isa niyang kinuha ang mga damit nito at isinilid ang mga iyon sa isang malaking bag.

“Ma’am, ano pong ginagawa niyo?” gulat na tanong ni Marian.

“Umalis ka na. Hindi na kita kailangan dito,” malamig na tugon niya.

Natigilan ito, bago napalingon sa alagang bata na natutulog.

“Pero paano po si Katie? Sino na ang mag-aalaga sa alaga ko?” tanong nito, tila naiiyak.

“‘Wag mo nang problemahin iyon. Makakaalis ka na,” aniya bago inihagis sa paanan nito ang bag.

Kahit anong pakiusap ng yaya ay hindi siya natinag. Sa huli ay wala rin itong nagawa.

Nang gabing iyon ay tinawagan niya ang kaniyang ina upang panandaliang makiusap dito na alagaaan muna nito ang anak niya. Pumayag naman ang ina, sa pangako niya na maghahanap siya ng papalit kay Marian sa lalong madaling panahon.

Makalipas ang isang linggo, isang hapon habang pauwi siya ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang ina.

Sinalubong siya ng matindi nitong hagulhol. Agad na kumabog ang dibdib niya.

Tulala siya nang matapos silang mag-usap. Nahulog daw sa hagdan ang anak niya, at kritikal ang lagay nito.

Halos mawalan siya ng ulirat nang marinig ang sinabi ng doktor.

“Kailangan salinan ng dugo ang anak niyo, misis, ngunit bibihira ang ganitong klase ng dugo. Tumawag na kami sa lahat ng ospital, sa Red Cross, ngunit wala kaming mahanap na ganitong dugo. Kayong mga magulang na lang ang pag-asa,” anito.

Nanlambot siya. Ang asawa niya kasi ang ka-match ng dugo nito. Ngunit pumanaw na ito.

Agad silang tumawag sa kanilang mga kamag-anak. Maging ang mga kaibigan, kapitbahay, at mga kakilala ay kinontak niya.

Handa naman tumulong ang mga ito, ngunit sa kasamaang palad ay wala ni isa sa mga ito ang nag-match.

Halos mag-histerya siya habang minamasdan ang kaniyang anak na nakaratay.

“Misis, kung bibigay na ang katawan ng anak niyo, wala na ho tayong magagawa…” anang doktor. Bakas din sa mukha nito ang pagkabigo.

Namumugto ang mata na tumango siya. Sa isip niya ay unti-unti na niyang tinatanggap ang pagkawala ng pinakamamahal niyang anak.

Ngunit may sinabi ang nurse na bumuhay ng pag-asa niya.

“Dok, may mga tao ho na nakapila sa labas! Handa na raw po sila na mag-donate ng dugo para kay Baby Katie!” nanlalaki ang mata na balita nito.

Walang inaksayang oras ang doktor. Inisa-isa nitong kunan ng dugo ang mga estranghero na handang tumulong upang madugtungan ang buhay ng anak niya.

Labis-labis ang pasasalamat niya nang sa ikasampung tao na kinunan ng dugo ay may nag-match!

Matapos masalinan ng dugo ang anak niya ay labis ang pag-iyak niya nang ideklara ng doktor na ligtas na si Katie sa panganib.

Halos maglumuhod siya sa nagbigay ng dugo, na nagpakilalang si Norma. Habang kausap ito ay may isang bagay siyang napagtanto.

Paano nito nalaman na kailangan ng dugo ng anak niya?

“Kaibigan ko ho si Marian. Nakita ko ho ang Facebook post niya, na nangangailangan ng dugo ang alaga niya. Hindi ko man ho alam ang blood type ko, sumugod na rin ako. Salamat naman sa Diyos at nakaligtas si Katie. Alam ko na mahal na mahal niya ang alaga niya,” paliwanag ni Norma.

Muling tumulo ang luha sa mga mata ni Kyla. Ang tao kasi na kung ituring niya na parang basura ang siya pa palang magliligtas ng buhay ng anak niya.

Dahil sa pagsubok na kaniyang pinagdaanan, naisip ni Kyla na marahil ay tinuturuan siya ng Diyos na maging mapagpakumbaba at maging mabuti sa kapwa.

Kaya naman nang makalabas ng ospital ang anak niya, ang una niyang pinuntahan ay ang pobreng yaya.

Taos puso siyang humingi ng tawad sa dalaga—hindi lang para sa pagpapalayas dito, kundi maging sa lahat ng masasakit na salitang madalas niyang maibato dito.

“Pwede bang bumalik ka na bilang yaya ni Katie? Mapapanatag ako kung ikaw ang mag-aalaga sa anak ko,” nahihiyang pakiusap niya sa dalaga.

Laking pasasalamat niya nang pumayag ito. Bilang ganti, tripleng sweldo at mas magaan na trabaho ang alok niya rito.

Ngunit alam niya naman na wala siyang kalugi-lugi dahil mayroon itong hinding-hindi mababayaran ng gaano man kalaking pera at hindi niya mahahanap sa iba—ang tunay nitong pagmamahal at pagmamalasakit sa anak niya.

Advertisement