Sa Pag-alis ng Kaniyang Kapatid ay Binalak Niyang Agawin ang Mister Nito; Bumigay Kaya Ito sa Pang-aakit Niya?
“Ate, tama na ang drama. Sumakay ka na ng eroplano at baka maiwan ka pa,” natatawang taboy ni Trixie sa kaniyang Ate Cheryl. Hindi maawat ang luha nito.
“Basta, ikaw na ang bahala muna sa pamilya ko, ha? ‘Wag mo silang pababayaan,” hindi matapos-tapos na bilin nito bago siya tinalikuran.
Tinanaw ni Trixie ang papalayong kapatid. Nang tuluyan na itong mawala sa paningin niya ang noon lang sumilay sa labi niya ang ngisi na kanina niya pa pinipigilan.
Sa wakas, magkakaroon na siya ng tiyansa na maagaw ang asawa nito.
“Kuya Ruben” ang tawag niya sa lalaki, ngunit unang kita niya pa lang dito ay gusto niya na ito. Kaya nga labis ang pagkadismaya niya nang magpakasal ito at ang kaniyang Ate Cheryl.
Kahit anong pagpapa-cute kasi ang gawin niya ay bata pa rin ang tingin nito sa kaniya, gayong bente anyos na siya.
Tuwang-tuwa siya nang malaman na aalis ang kaniyang ate upang magtrabaho sa ibang bansa. At upang maisakatuparan ang plano niya, ginawa niya ang lahat upang makatuloy sa bahay ng naiwang mag-aama ng kaniyang ate.
“Ito ang magiging kwarto mo. ‘Wag kang mahihiya na sabihin sa akin kung may kailangan ka,” sabi ni Ruben. May tipid na ngiti sa gwapong mukha nito.
Nginitian niya nang matamis ang lalaki.
“Thanks, Kuya Ruben. Ang bait mo talaga,” pa-cute na sabi niya.
Napasimangot siya nang pabirong ginulo nito ang buhok niya, gaya nang madalas nitong gawin noon.
Mas lalong nanulis ang nguso niya nang marinig ang sinabi nito.
“Wala ‘yun. Alam mo naman na parang kapatid na rin kita. Ang pamilya ni Cheryl ay pamilya ko na rin.”
Kaya naman ginawa niya ang lahat upang maakit ang lalaki.
“Kuya, nagluto ako ng paborito mo!” kinagabihan ay bulalas niya.
“Naku, salamat. Paborito namin ito ni Cheryl. Sana ay kasama natin siya, ano?” anito habang dumudulog sa mesa.
Pilit niyang itinago ang pagsimangot.
Bukod sa pagluluto ay nagpakitang gilas din siya sa mga gawaing bahay. Sinisiguro niya na malinis ang bahay, walang laman ang lababo, at hindi natatambak ang labahin.
At higit sa lahat, inaalagaan niya nang mabuti ang kaniyang mga pamangkin.
Nais niya kasing ipakita sa lalaking iniibig na magiging mabuti siyang asawa.
Ngunit nadismaya siya nang aksidenteng marinig ang pag-uusap ng mga ito sa telepono isang gabi.
“Si Cheryl? Napakabait ng kapatid mo, mahal. Halos siya ang gumagawa ng lahat ng gawaing bagay rito,” kwento ni Ruben.
Narinig niya ang pagtawa ng kaniyang ate.
“Aba, himala! Napakatamad kaya ng batang ‘yun!” anito.
Ngumiti ang lalaki.
“Sigurado ako na nakuha niya mula sa’yo ang kasipagan, mahal…” anito sa asawa.
Inis na tumungo siya sa kaniyang silid.
Dalawang buwan na siya sa bahay ng kaniyang ate, ngunit wala pang nangyayari sa kanila ni Ruben.
“Kailangan ko ng mas magandang plano para maakit si Kuya Ruben,” iyon ang nasa isip niya bago siyang matulog.
Iyon ang naging hudyat upang maging agresibo siya sa pang-aakit sa asawa ng kaniyang kapatid.
Bumili siya ng mga seksing damit, at nagsimula siyang ibandera ang kaniyang seksing katawan sa lalaki.
Subalit wala iyong epekto sa lalaki. Halos hindi nga ito sumusulyap sa kaniya, madalas ay nakatingin ito sa malayo na parang may malalim na iniisip.
Ngunit nakasilip siya ng tiyansa nang isang araw ay muli niyang marinig ang pag-uusap ng mag-asawa.
“Alam mo kung anong mahirap para sa akin? Miss na miss ko na ang yakap mo. Ang mga halik mo. Alam mo naman na may mga pangangailangan din ako, hindi ba?” ani Ruben.
“Baka nambababae ka na riyan, ha!” sagot ng kaniyang ate, tila nagtatampo.
Natawa ang lalaki.
“Ano ka ba, hindi mo ba ako kilala? Walang makasisira ng pamilya na binuo natin. Ipinangako ko ‘yan sa harap ng Diyos,” nakangiting sagot nito.
Napairap na lang siya nang marinig ang lambingan ng mag-asawa. Ngunit sa loob niya ay nabuo ang isang plano.
“May mga pangangailangan ka? Ako ang magbibigay nun sa’yo,” sa isip-isip siya.
Nakakuha siya ng magandang tiyempo nang dumating ang Araw ng mga Puso. Mahigit isang taon na ring wala ang kaniyang ate.
“Trix, dadalhin ko sa bahay ng magulang niyo ang mga bata. Pwede bang samahan mo na rin sila? Para makadalaw ka na rin. May online date kasi kami mamaya ng ate mo,” pakiusap nito.
Agad siyang pumayag. Ngunit wala siyang kaplano-plano na umuwi ng probinsya. Hindi niya palalampasin ang pagkakataon na iyon upang tuluyan nang mapasakanya si Ruben.
Nagpanggap siya na may sakit at hindi makakasama sa mga bata. Umuwi siya sa bahay upang isakatuparan ang maitim niyang balak.
Nang umuwi siya ay wala ang lalaki sa bahay. Marahil ay namili ito ng mailuluto.
Hinanda niya ang sarili. Halos maligo siya ng pabango. Inalis niya ang kaniyang damit at hub@d na naghintay sa kama ng mag-asawa.
Alam niya na kapag nakita siya ni Ruben ay hindi siya nito matatanggihan.
Subalit ilang oras na siyang naghihintay sa kama ay wala pa rin ang lalaki. Nagtaka na siya.
Nasaan na ang asawa ng ate niya? May iba bang kinatagpo ang lalaki?
Noon niya narinig na bumukas ang pinto. Inayos niya ang posisyon at hinanda ang nakaaakit niyang ngiti.
Ngunit nang bumukas ang ilaw ay namutla siya.
Hindi lang kasi si Ruben ang tao sa bahay, naroon din ang Ate Cheryl niya!
“Anong kalokohan ‘to? Bakit hubo’t hub@d ka riyan? Hindi ba dapat kasama ka ng mga bata?” sigaw ni Ruben matapos itong tumalikod, marahil bilang respeto sa kaniya.
Ang kaniyang ate ay masama ang tingin. Lumapit ito ay tinakpan siya ng kumot.
“Ano ‘to, Trixie?” anang kaniyang ate.
Halos lumubog siya sa kahihiyan. Hindi siya makaapuhap ng sasabihin.
Tila natauhan lang siya nang makita niya ang pag-iyak ng kaniyang ate.
“A-ano ‘to, Ruben? May nangyayari b-ba sa inyo ng kapatid ko?” nanginginig na tanong nito sa asawa.
“Ano? Hindi! Sa tingin mo ba magagawa ko ‘yun?” agad na sagot ng lalaki.
Napaisip si Trixie. Handa nga ba siyang sirain ang pagsasama ng mag-asawa, gayong nakita niya kung gaano katatag ang dalawa?
Siya naman ang napaiyak. Noon lamang niya napagtanto ang bigat ng kaniyang kasalanan. Sa huli ay wala siyang ibang magawa kundi ang aminin ang lahat ng ginawa niya.
Kalmado man ang mukha ng kaniyang ate, alam niya na galit na galit ito sa ginawa niya. Hindi niya na hinintay pa na mag-umaga at siya na mismo ang kusang umalis.
Habang papalayo sa bahay ng mag-asawa ay may dalawang piping hiling si Trixie. Una, ay ang kapatawaran ng kaniyang ate. Ikalawa, hiling niya na makahanap siya ng tulad ni Ruben na ni minsan ay hindi tumingin sa iba at nanatiling tapat sa minamahal nito.