Akala ng Babae ay Mahal na Mahal Siya ng Lalaki dahil Iniwan Nito ang Sariling Asawa para sa Kaniya; Mali pala Siya ng Inaakala

“Ayoko na, Elisa…tapusin na natin ang relasyong ito. May mahal na akong iba, kaya hayaan mo na ako. Pakawalan na natin ang isa’t isa.”

Napangisi na lamang si Merida matapos sabihin iyon ng kaniyang ‘nobyo’ sa mismong asawa nito. Kitang-kita niya pa nga kung papaanong napaluhod ang babae dahil sa ginawa ni Richard, kaya naman lalo pang nagbunyi ang loob niya sa saya. Gandang-ganda si Merida sa kaniyang sarili nang mga sandaling ’yon. Akalain mo ba namang nagawang iwanan ni Richard ang sariling asawa nito para lamang sa kaniya. Talagang mahal na mahal siya ng lalaki na handa nitong sirain ang sarili nitong pamilya para sa kaniya!

“Sobrang saya ko sa ginawa mo, Rich. Talagang pinatunayan mo sa ’kin na mahal mo nga ako. Grabe, halos hindi ko na mapigilan kanina ang humalakhak nang makita kong sobrang nasaktan ang babaeng ’yon sa ginawa mo!” natatawa pang sabi niya sa lalaki, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang bigla itong mapatayo sa kinauupuan na animo galit at hindi nagustuhan ang kaniyang sinabi.

“B-bakit, Rich?” kinakabahang tanong ni Merida sa kalaguyo.

“W-wala naman. A-ayoko lang talagang makarinig pa ng kahit na ano tungkol sa babaeng ’yon. P’wede bang huwag na natin siyang pag-usapan? Isipin ko pa lang kasi siya, nasusuka na ako, e!” sagot naman sa kaniya ng lalaki, kaya naman agad na nakahinga nang maluwag si Merida.

Tinanguan niya ang kalaguyo. Agad niyang binago ang kanilang usapan, hanggang sa mapunta na naman sila sa isang mainit na tagpo nang gabing ’yon. Labis-labis pa rin ang tuwang nararamdaman ni Merida hanggang kinabukasan, lalo pa at ngayon ay opisyal nang titira sa kaniyang puder si Richard.

Galing sa mayamang pamilya si Merida. Maganda naman siya at may pinag-aralan, ngunit ang hindi niya alam ay kung bakit sa isang may asawa pa nahulog ang kaniyang loob. Ganoon pa man, kailan man ay hindi naman niya sinubukang pigilin man lang ang damdamin, bagkus ay inakit niya pa si Richard upang mapasakaniya ito, at ngayon nga ay nagtagumpay na siya.

Naging masaya naman ang unang mga buwan ng pagsasama nina Merida at Richard na parang tunay nang mag-asawa. Noong una ay dama ni Merida ang labis na pagkasabik sa kaniya ng lalaki, pati na rin ang pagmamahal at pag-aalaga nito, ngunit hindi iyon nagtagal. Unti-unti kasi ay parang nagsawa ito sa kaniya. Unti-unti ay lumayo ang loob nito at tila nanlamig sa kanilang pagsasama. Madalas niya pa nga itong nahuhuling nakatingin sa litrato ng dati nitong asawa na ngayon ay itinatago pa rin nito sa pitaka, kaya naman dahil doon ay madalas din silang magkaroon ng pagtatalo.

Advertisement

Biglang nanliit si Merida sa kaniyang sarili. Lahat ng confidence na ibinigay sa kaniya ni Richard noon ay animo binawi rin nito nang basta na lamang! Ngayon ay nadarama niya na kung ano ang pakiramdam ng asawa nito noong mga panahong nakikipaghiwalay na si Richard dito upang sumama sa kaniya…masakit pala iyon.

Ngunit ang hindi akalain ni Merida ay may mas sasakit pa pala sa nararamdaman niya sa ngayon. Isang araw kasi, habang papasok na siya sa kanilang tahanan galing sa paggo-grocery sa labas ay tila naulinigan niyang may kausap si Richard sa telepono. Nasa kabilang bahagi lamang ito ng nakaawang na pinto kaya naman dinig na dinig ni Merida kung ano ang sinasabi nito.

“Kaunti na lang, mahal, magsasama na ulit tayo. Nakalap ko na ang lahat ng ebidensiyang kailangan ko para maipakulong natin ang taong naging dahilan ng pagpanaw ng papa mo…ang ama ni Merida!” turan ni Richard sa kausap nito sa telepono, at dahil doon ay natutop na lamang ni Merida ang sariling bibig. Huli na nang makita ni Richard na naroon pala siya sa likod nito. Wala na itong nagawa, dahil narinig niya na ang lahat. Nang araw ding iyon ay iniwan siya nito upang bumalik sa asawa nitong tunay pala nitong minamahal.

Ibig sabihin ay hindi pala talaga siya kailan man minahal ng lalaking ito! Ginamit lang siya nito upang mabigyan ng hustisya ang pagkawala ng ama ng asawa nito, na kagagawan pala naman ng kaniyang papa! Doon nalaman ni Merida na dati na palang magkalaban sa negosyo ang kaniyang ama at ang ama ng asawa ni Richard, at dahil doon ay nagawang ipatapos ng kaniyang ama ang buhay nito. Iyon pala ang tunay na dahilan kaya nakisama sa kaniya si Richard, upang mabilis na makakalap ng ebidensiya laban sa kaniyang ama.

Halos mapaluhod na lamang sa sobrang pagkalugmok si Merida dahil sa tinamong karma. Wala naman siyang ibang masisi kundi ang sarili niya. Kung alam niya lang na ganito ang mapapala niya sa pakikipagrelasyon niya sa isang lalaking may asawa na, sana ay hindi na lamang niya itinuloy. Sana ay pinili na lamang niya ang tama.