Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Pang-aapi ng Babaeng Ito ay Naaksidente ang Kaniyang Kaeskuwela; Isang Leksyon ang Matututuhan Niya sa Parusang Ipapataw sa Kaniya

Dahil sa Pang-aapi ng Babaeng Ito ay Naaksidente ang Kaniyang Kaeskuwela; Isang Leksyon ang Matututuhan Niya sa Parusang Ipapataw sa Kaniya

“Ano, ready na ba kayo d’yan?” tanong ni Kimberly sa kaniyang mga kaibigan na siyang may hawak sa kabilang dulo ng taling ihaharang nila, oras na dumaan na sa kanilang harapan ang bisikletang pinaaandar ng isa pa nilang kaeskuwelang si Mikay. Napangisi pa siya nang magtanguan ang mga ito, kahit pa halata naman sa kanilang mga eskspresyon na hindi nila gusto ang ipinagagawa niya.

Takot kasi sa kaniya ang mga ito. Palibhasa’y kilalang b*lly si Kimberly sa eskuwelahang iyon, dahil lolo niya ang nagpatayo nito. Malakas ang kaniyang kapit kaya naman malakas din ang loob niyang gumawa ng mga kalokohan.

Matagal nang biktima ng pamb*-b*lly ni Kimberly ang babaeng inaabangan niya ngayon. Unang pasok pa lamang nito sa kanilang eskuwelahan ay talagang napag-initan niya na ito, lalo na nang malaman niyang tindera lamang ito sa palengke, at nakapasok lamang ito sa kanilang eskuwelahan dahil sa scholarship. Pakiramdam ni Kimberly ay dapat siyang sundin ng kaeskuwela, dahil pamilya niya ang nagpapaaral dito. Pakiramdam niya, dahil doon ay nabili niya na ang buo nitong pagkatao.

Sabik na sabik si Kimberly nang mamataang malapit nang dumaan si Mikay sa harapan nila. Bumilang pa siya ng tatlo, upang eksaktong-eksakto ang pagtataas nila ng lubid na magpapataob dito, mula sa sinasakyan nito!

“Isa, dalawa, tatlo!”

Napahagalpak nang tawa si Kimberly nang makitang bumagsak sa kanilang harapan si Mikay. Tuwang-tuwa siyang makita na nasasaktan ang kaeskuwela niyang alam niya namang walang kalaban-laban sa kaniya!

“K-Kimberly, lagot ka! Hindi bumabangon si Mikay! P-parang nawalan yata siya ng malay…napasama yata ang bagsak niya!” nawala ang ngiti sa mga labi ni Kimberly nang marinig ang sinabing ’yon ng kasama niya. Agad siyang napalingon sa direksyon ni Mikay na hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabangon. Dumagundong ang matinding kaba sa dibdib ni Kimberly nang hindi pa rin kumilos si Mikay matapos niyang sipain ang likod nito. Talagang wala nga itong malay!

Agad silang tumawag ng saklolo. Sa tulong ng kanilang mga guro ay naisugod nila si Mikay sa ospital at naagapan ang naging pinsala sa katawan nito. Masama kasi ang naging bagsak ng dalaga. Tumama ang ulo nito sa sahig at nagkaroon ng bali ang buto nito sa tuhod, kaya naman siguradong matatagalan bago ito tuluyang makalakad ulit nang tuwid.

Galit na galit naman ang mga magulang ni Kimberly sa kaniya nang malaman ng mga ito ang nangyari. Dahil walang gustong umamin sa kung sino ang may kasalanan ay ni-review ng management ng kanilang eskuwelahan ang CCTV footage, at doon ay napag-alaman ng mga ito na si Kimberly at ang kaniyang mga utusan ang may kagagawan ng nangyari.

“Hindi ko na talaga alam kung paano ka namin patitinuin, Kimberly! Akala mo ba, sa ’yo lang umiikot ang buong mundo kaya wala kang pakialam sa ibang tao? Halos lagutan mo ng hininga ang kaeskuwela mo!” galit na galit na turan ng kaniyang ama kaya naman napayuko na lamang si Kimberly.

Sa totoo lang ay hindi naman kailan man nagkulang ang mga ito sa pag-aaruga sa kaniya o kahit sa pagpapangaral, ngunit talagang dumadaloy na sa kaniyang dugo ang pagiging salbahe at mapaglaro. Masiyado niyang isinaisip ang katotohanang laking yaman siya, kaya naman ganoon ang kaniyang gawain.

Bilang parusa, may kakaibang ideyang naisip ang kaniyang ama upang siya ay magtino. Iyon ay ang iparanas sa kaniya kung gaano ba kahirap ang buhay ni Mikay, upang maintidihan niyang hindi niya na dapat dinadagdagan pa ang mga pasakit nito sa buhay.

Pinagtinda siya ng mga magulang sa palengke. Iyon ang kondisyong ibinigay nito sa kaniya upang hindi siya ipatapon ng mga ito sa ibang bansa upang doon na lamang siya mag-aral. Sa loob tuloy ng ilang buwan ay grabeng paghihirap ang dinanas ni Kimberly sa katayuan ni Mikay, na ngayon ay nagpapagaling naman.

Nariyang nagbubuhat siya ng mabibigat na gulay, maghapong nagbabantay ng paninda kahit pa sa kalagitnaan ng mainit na tanghali. Bukod doon ay nakaranas din siya ng pang-aalipusta sa mga kustomer nilang akala mo kung sino kapag nagagawi sa kanilang tindahan. Halos araw-araw ay umiiyak si Kimberly dahil sa hirap, ngunit kalaunan ay natuto rin siyang masanay. Doon pa lamang niya tunay na natutuhan ang kaniyang leksyon. Talaga palang mahirap ang buhay ni Mikay at kinakailangan pa nitong kumayod para lang makapag-aral, pagkatapos ay wala naman siyang ginawa kundi ang guluhin ito.

Ngayon ay labis niya nang pinagsisisihan ang lahat, kaya naman tinapos niya ang lahat ng gawain nito nang walang reklamo araw-araw hanggang sa gumaling na ang dalaga. Matapos iyon ay ipinakita ni Kimberly sa lahat ang pagbabago niya at ipinangakong hinding-hindi na siya uulit pa sa mga dati niyang masamang gawi.

Advertisement