Pilit na Hinihingian ng ‘Lagay’ ng mga Sigang Ito ang Bagong Lipat Nilang Kabarangay; Ito pala ang Magtuturo sa Kanila ng Tamang Asal
“Hoy, hindi ba’t ikaw ’yong bagong salta rito?”
Nilapitan ni Bruno—isa sa kilalang mga ‘siga’ sa kanilang lugar—ang isang lalaking kalalabas lamang mula sa bagong bahay na nilipatan nito. Inakbayan niya pa ang nasabing lalaki, habang ang iba naman niyang ‘katropa’ ay pinalibutan sila na animo nag-aabang ang mga ito ng bakbakan.
“Oo, ako nga po. Bakit po?” magalang at mahinahong tanong naman pabalik ng nasabing lalaki.
“Ano’ng pangalan mo?” Umalingasaw naman ang mabahong amoy ng pinaghalong alak at sigarilyo sa bibig ni Bruno nang muli siyang magtanong.
“Jomar ho,” sagot naman ng lalaki.
Napatango si Bruno, pagkatapos ay isa na namang tanong ang binitiwan niya para sa binata. “Kilala mo ba kung sino ako, Jomar?” aniya. “Ako lang naman ang lider ng mga siga rito sa barangay na ito. Kinatatakutan ako rito at wala pang kahit na sino’ng nagtangka man lamang na bumangga sa akin dito. Kaya kung ayaw mong makatikim ng perwisyo, sundin mo ang sasabihin ko sa ’yo,” pagsisimula na ni Bruno sa tanyag na pananakot niyang iyon sa tuwing may bagong saltang napapadpad sa kanilang lugar.
Halatang pare-parehong lango sa alak ang magkakabarkadang ito, kaya naman napailing na lamang si Jomar. Lalo na nang biglang ilahad ng nagpakilalang ‘lider’ na si Bruno ang kamay nito at nagsalita.
“Bigyan mo kami ng pera para sa proteksyon mo at ipinapangako namin sa ’yo na walang mangyayaring kahit anong masama sa ’yo. Tamang presyo lang ang kailangan namin,” sabi pa nito at doon ay hindi na napigilan pa ni Jomar ang matawa.
“Ako ba, pinaglololoko n’yo? Kung magsiasta kayo akala n’yo kung sino kayong mga hudlum, e, tingnan n’yo nga ’yang mga katawan n’yo? Nangangayayat na kayo sa kaiinom!” naiiling na bulalas niya sa mga ito na agad namang ikinagulat ng mga patpating siga.
Ito kasi ang unang beses na mayroong pumalag sa kanilang pananakot. Marami kasi sila, at ang iba ay may dala-dala pang mga patalim kaya naman madalas ay hindi na lamang pumapalag pa ang kanilang mga binibiktimang bagong salta, ngunit parang mahihirapan yata sila sa isang ’to.
“Aba’t ang yabang mo, a!” galit na anas ni Bruno kay Jomar. Sa inis niya ay agad niyang hinugot ang balisong na nakatago sa kaniyang tagiliran at sinimulang laruin iyon sa harapan ni Jomar na parang nananakot. Ngunit imbes na matakot ay lalo pang napangisi sa kaniya ang bagong salta na lalo rin namang ikinausok ng ilong ng mga sigang mapang-abuso!
“Talagang sinusubukan mo ako, ha!” hiyaw pa ni Bruno sabay unday ng patalim kay Jomar. Mabilis namang naiwasan ng lalaki ang pagwasiwas niya ng naturang balisong, at sa isang iglap ay nahuli rin nito ang kaniyang kamay! Napahiyaw na lamang ang lider ng mga siga sa barangay na ’yon nang simulan siyang balian ni Jomar upang maagaw ang hawak niyang patalim, at sa isang iglap ay sabay-sabay siyang sinugod ng mga kasama ni Bruno!
Animo eskperto naman ang naging paggalaw ni Jomar. Para siyang sumasabay sa hangin sa tuwing gaganti siya ng suntok at sipa sa mga sigang maya-maya pa ay isa-isa nang bumulagta sa kanilang kalsada!
Para silang nakipaghalikan sa lupa matapos silang bigyan ni Jomar ng leksyon. Hindi nila alam kung papaanong natalo ng nag-iisang tao lang ang pitong siga ng barangay na ’yon na pawang may mga dala pang sandata!
Maya-maya pa ay dumating ang mga pulis na tinawagan ni Jomar. Ganoon na lang ang gulat ng mga nasabing siga nang tawaging ‘sir’ ng isa sa mga rumespondeng pulis si Jomar! Doon nila nalaman na isa pala itong dating pulis na may mataas na ranggo na ngayon ay nagbabakasyon lamang sa kanilang lugar, kaya pala ganoon ito kagaling lumaban! Nagkamali pala sila ng bagong saltang pinag-trip-an. Sila tuloy ang nakatikim ng leksyon. Timbog tuloy ang mga patpating kawatan!
Nang makalabas ang mga siga ng barangay na ’yon ay halos wala na silang mukhang maiharap sa mga tao. Kalat na kalat na kasi ang balita kung paano sila gin*lpi ng pulis na si Jomar! Dahil doon ay napilitan na lamang na magbanat ng buto ang mga sigang ito dahil wala na silang madilihensyang pera. Wala na kasing natatakot sa presensiya nila kaya naman wala na ring nagbibigay sa kanila ng lagay. Alam na kasi ng mga tao kung kanino sila lalapit oras na mamerwisyo na naman ang kanilang grupo, at hindi naman na gusto pa nina Bruno na muling banggain ito.