Inday TrendingInday Trending
Nagsumbong ang Batang Ito sa Ina Tungkol sa Kaniyang Yaya; Ngunit Tila Iba ang Madidiskubre Niya sa Mababasa sa Diary Nito

Nagsumbong ang Batang Ito sa Ina Tungkol sa Kaniyang Yaya; Ngunit Tila Iba ang Madidiskubre Niya sa Mababasa sa Diary Nito

Ilang araw nang napapansin ni Sheryl na matamlay ang kaniyang walong taong gulang na anak na si Carl. Palagi itong tulala at madalas pa ay hindi niya ito makausap, dahil parang hindi nito naiintindihan ang kaniyang sinasabi. Para kasing may kinatatakutan ito, ngunit ayaw naman nitong magsalita. Dahil doon ay labis tuloy siyang nag-aalala sa kalagayan nito.

“Anak, p’wede bang kausapin mo si mommy? Bakit ba ilang araw ka nang malungkot? May problema ka ba?” malumanay na tanong ni Sheryl sa anak nang hindi na niya matiis pa ang nakikitang kalagayan nito.

Nagulat naman siya nang bigla itong yumapos nang mahigpit sa kaniya at humahagulhol na sinabing, “Mama, sinas*kt*n po ako ni yaya!”

Tila ba biglang nagpantig ang mga tainga ni Sheryl sa narinig. Lumakas ang pagdagundong ng tibok ng kaniyang puso dahil sa unti-unting pag-ahon ng galit mula sa kaniyang dibdib! Pakiramdam niya ay sasabog na siya sa sobrang inis. Wala pa man din ngayon ang yayang tinutukoy ng kaniyang anak dahil nagkataong day-off nito.

Dahil doon ay mabilis na tinawagan ni Sheryl ang kaniyang sekretarya. Inutusan niya itong mag-ayos ng appointment sa kaniyang abogado upang masimulan na niya ang demandang ipapataw niya sa taong nan*kit sa kaniyang anak.

Agad namang tumalima ang kaniyang sekretarya, kaya naman mabilis na naibaling ulit ni Sheryl ang atensyon niya sa anak. Katakut-takot na pagpapatahan pa ang ginawa niya para lang tumigil na ito sa pag-iyak ngunit nakatulog na lamang ang bata ay humihikbi pa rin ito.

Nang sa wakas ay nakatulog na si Carl ay naisip ni Sheryl na ayusin ang kwarto ng kaniyang anak. Marami kasing nagkalat na laruan sa lapag ng silid nito, pati na rin mga art materials at drawing pads na noon ay madalas pagkaabalahan ni Carl.

Sa kalagitnaan ng kaniyang pag-aayos ay isang maliit na notebook naman ang kaniyang namataan na kasama ng mga laruan ni Carl. Ngayon lamang nakita ni Sheryl ’yon kaya naman agad siyang nagtaka kung para saan iyon. Sinimulan niyang buklatin ang mga pahina ng nasabing notebook, at doon ay napag-alaman niyang diary pala iyon ng kaniyang unico hijo.

Hindi naman likas na mahilig magbutingting ng gamit ng anak si Sheryl, ngunit hindi niya alam kung bakit nang mga sandaling ’yon ay tila hinihila siya ng kyuryosidad na basahin ang nilalaman ng diary ni Carl…halos manlaki naman ang mga mata niya, nang sa wakas ay malaman niya kung bakit!

“Dear diary, sin*ktan na naman ako ni Jiji. Nakita ko kasi sila ni daddy kanina na magka-hug at nagki-kiss, kaya pinagsabihan niya kaagad ako na huwag daw akong magsusumbong kay mommy. Nagalit nga rin sa akin si daddy, e. Kasi love niya si Jiji kaysa sa amin ni mommy. Ang totoo, nakita nga rin sila ni yaya kaya sinabihan ako ni Jiji na gumawa ng kwento para palayasin ni mommy si yaya. Sabi ni Jiji, kung hindi ko raw gagawin ’yon ay sasaktan niya kami ni mommy. Natatakot ako, diary. Bad ang magsinungaling, ’di ba? Pero paano kung saktan kami ni Jiji?”

Iyon ang nilalaman ng huling pahina ng nasabing diary ng anak niyang si Carl. Hindi makapaniwala si Sheryl sa kaniyang nabasa. Ang tinutukoy kasing ‘Jiji’ ni Carl sa sulat nito ay ang sekretarya niyang si Gina! Agad na namuo ang luha sa kaniyang mga mata nang malamang hindi pala totoo ang sinabi ni Carl sa kaniya. Nasabi pala lamang iyon ng anak dahil tinatakot ito ng tunay na nananakit sa kaniya! Hindi niya kailan man inisip na magagawa siyang lokohin ng kaniyang mister lalo pa at siya ang bumubuhay dito simula pa noon dahil wala itong matinong trabaho at siya ang mayroong matagumpay na negosyo.

Kahit sobrang galit na ang nadarama ni Sheryl nang mga sandaling iyon ay mas pinili niyang huwag na lamang munang magpahalata sa dalawang traydor na alam niya na ang kanilang ginagawa. Kailangan niya pa kasing makakuha ng kongkretong ebidensiya, kaya naman naglagay siya ng maliliit na camera sa bawat sulok ng kanilang bahay. Hindi naman siya nabigo, dahil ilang araw lang ang nakalipas ay nakakalap na siya ng sapat na ebidensyang magkalaguyo nga ang asawa niya at ang kaniyang sekretarya.

Sa isang iglap ay nagawang ipakulong ni Sheryl ang mga traydor na hindi naman inaasahan ang kaniyang ginawa. Nabigla ang mga ito dahil sa tahimik at matalinong pagkilos ni Sheryl upang bigyang hustisya ang ginagawa ng mga ito sa kaniyang anak.

Advertisement