Mabubuntis daw nang Maaga ang Anak ng Kanilang Kapitbahay dahil sa Paraan ng Pananamit Nito; Anak Niya Pala ang Madidisgrasya nang Hindi Niya Alam

“Tingnan mo kung gaano kaiksi ang suot ng babaeng ’yan. Parang laging kinakapos sa tela! Kulang na lang ay maghub*d sa harap ng mga lalaki!” iiling-iling na komento ni Aling Juanita sa kaniyang mga kapwa tsismosa, habang nakaistambay sila sa tapat ng tindahan ni Aling Trudings at umiinom ng soft drinks. Napadaan kasi sa kanilang harapan ang dalagang anak ng kapitbahay nilang si Edna, at nakita niyang nakasuot ito ng crop top at shorts na hapit na hapit naman sa bilugan nitong mga hita.

“Naku, hayaan mo na. Aba’y bente anyos naman na ’yang anak ni Edna. Alam niya na ang ginagawa niya,” sita naman ni Aling Trudings kay Aling Juanita, ngunit tanging ismid lang ang isinagot niya.

“Hay naku, Trudings, kaya namimihasa ’yang mga batang ’yan sa pagsusuot ng mapanuksong damit ay dahil kinukunsinti ng mga magulang nila. Bata pa ang bente anyos, ha, baka akala n’yo. Katutuntong pa nga lang ng mga ’yan sa pagdadalaga, e. Dapat nga sa kanila ay nag-aaral pa at tumutulong muna sa magulang. Mabuti na lang at hindi ganiyan ang anak kong si Michelle. Aba’y mahinhin ’yon at dalagang Pilipina kung kumilos at manamit, ’di gaya n’yang anak ni Edna! Pustahan tayo, mga ilang buwan lamang ay mababalitaan na nating buntis ’yan at magiging disgrasyada,” tatawa-tawa pang litanya niya na hindi naman naiwasang sang-ayunan ng kaniyang mga katsismisan.

Palaging ganito si Aling Juanita. Mahilig siyang manita ng anak ng iba, lalo na kapag nakikita niyang ‘may chance’ na maging disgrasyada raw ang dalaga. Palagi nga siyang laman ng mga tsismisan at mahilig pa siyang makipagpustahan kung ilang buwan lang daw ang lilipas bago nila malamang buntis na ang ‘paksa’ ng kanilang mga usapan. Dahil doon ay ilang beses na ring napabarangay si Aling Juanita. Ilang beses na rin siyang naging laman at pinag-umpisahan ng away sa kanilang mga lugar, ngunit kailan man ay hindi siya nadala.

Nang gabing ’yon ay umuwi si Aling Juanita sa kanilang tahanan na busog na busog na naman siya sa tsismis. Nakangisi pa nga siya nang pumasok sa kanilang bahay, nang bigla siyang magulat sa malakas na hiyaw ng asawa niya.

“Saan ka ba nanggaling? Hindi mo ba alam na kanina pa kita hinihintay?!” nanggagalaiting tanong nito sa kaniya. Base sa labis na pamumula ng mukha ng kaniyang mister ay talagang matindi ang init ng ulo nito ngayon kaya naman agad na nagtaka si Aling Juanita.

“Nariyan lang naman ako sa labas at kausap ko sina kumare. Bakit ba? Ano’ng problema’t hayblad na hayblad ka r’yan?”

“Tsismis na naman!” ngunit muling bulalas ng kaniyang mister. “Tsismis ka kasi nang tsismis kaya hindi mo na alam kung ano ang nangyayari dito sa anak mo, e!” Sabay duro nito sa kanilang anak na si Michelle na ngayon ay nakaupo naman sa sofa at panay ang hikbi.

“Bakit, ano ba’ng nangari sa anak natin?” takang tanong naman ni Aling Juanita na wala pa ring kaide-ideya sa ikinagagalit ng kaniyang asawa.

Bigla itong may dinukot sa bulsa nito at inihagis iyon sa mukha niya. Agad namang nasambot ni Aling Juanita kung ano ang bagay na inihagis nitong ’yon at ganoon na lang ang panlalambot ng kaniyang tuhod nang mapagtantong isang pregancy test kit iyon na may positibong resulta!

“Nakita ko ’yan sa gamit ng anak mo. Itatapon niya sana kaya lang ay nalaglag sa harap ko kaya nabuking ko. Buntis ’yang batang ’yan, kinse anyos pa lang!” galit na galit pang turan ng kaniyang mister na halos ikaguho naman ng mundo ni Aling Juanita.

Hindi na rin naman nagawang tumanggi pa ng anak nilang si Michelle kaya’t umamin na lamang ito. Animo naman binuhusan ng malamig na tubig si Aling Juanita, dahil tila bumalik sa kaniyang alaala kung paano niya i-tsismis ang ibang kadalagahan sa kanilang lugar na magiging disgrasyada ang mga ito, dahil lamang sa kanilang pananamit, pagkatapos ay ang anak pa pala niya ang madidisgrasya sa sobrang kawalan niya ng oras na subaybayan ito. Lahat kasi ng atensyon niya ay halos nauubos na lamang sa pakikipag-tsismisan.

Dahil sa nangyari, si Aling Juanita tuloy ang naging laman naman ngayon ng mga usapan sa kanilang lugar. Hiyang-hiya siya dahil pinagtatawanan siya ng mga dati niyang nakaaway, dahil anak niya pala ang magiging katuparan ng mga ‘hula’ niya tungkol sa anak ng iba! Pahiya tuloy siya at ngayon ay halos hindi na makalabas ng bahay. Isang malaking karma, para sa pagiging pakialamera at tsismosa niya!