Pinagpalit Niya ang Kasintahan sa Isang Babaeng Bayaran; Nagselos Siya nang Makita Itong Kasama ang Kaniyang Kaibigan
Walang naramdaman ni katiting na konsensya si Jordan nang iwan niya ang matagal niya nang kasintahang si Princess para lang sa isang babaeng nakilala niya sa bar. Alam man niyang dekalibre ang sakit na kaniyang naibigay sa naturang dalaga, hindi siya nagdalawang-isip na ipagpalit ito.
Hindi pa siya nakuntento roon at isa-isa niya pang binawi ang mga mamahaling gamit kagaya ng bag, alahas, sapatos at kung ano-ano pang regalong binigay niya rito upang kaniyang ibigay sa pangkasalukuyang dalagang nagpapasaya sa kaniya.
“Kailangan mo ba talagang gawin ito sa akin, Jordan? Hindi ba’t binigay mo na sa akin ‘to? Bakit kailangan mo pang bawiin?” galit na tanong nito sa kaniya, isang araw nang sadyain niya ito para lang bawiin ang mga gamit na binigay niya.
“Ayaw mo bang isauli? O, sige, bayaran mo na lang. May pera ka naman yata, eh!” katwiran niya habang isa-isang nilalagay sa malaking plastik ang mga naturang gamit.
“Ibang klase ka rin, eh, ‘no? Walang-wala ka na ba, ha? Talaga bang gusto ng bagong babae mo ang mga pinagsawaan ko?” wika pa nito na ikinangisi niya lamang.
“Isauli mo na lang bago pa mag-init ang ulo ko, Princess! Dami mo pang dada, sa akin naman galing lahat ‘to. Pinaghirapan ko ang mga ito kaya dapat ko lang itong ibigay sa babaeng nagpapasaya sa akin. Maghanap ka ng lalaking makapagbibigay ulit sa’yo ng mga ganitong kamahal na gamit,” sigaw niya rito saka niya tuluyang nilisan ang apartment na noon ay inuuwian niya.
Pinagpatuloy niya ang relasyon sa bago niyang kasintahan dahil sa sayang nararamdaman niya. Halos mabura na sa isip niya si Princess dahil araw-araw siya nitong pinapakitaan ng pagmamahal.
Kaya lang, isang araw, habang siya’y nagbababad sa social media, nakita niyang may pinost na litrato ng isang mamahaling bag si Princess at ito’y nagpapasalamat pa sa kaniyang bespren!
Advertisement“Huwag mong sabihin…” wika niya sa sarili habang binabasa ang mga komento sa naturang post at nang makita niyang nagkomento rin doon ang bespren niya, roon na siya labis na nakaramdam ng selos na kinubli niya sa salitang, “pag-aalala.”
Agad niyang tinawagan si Princess upang ipasauli ang naturang bag sa kaibigan niya. Sabi niya pa rito, “Kilala ko ‘yang si Makoy, Princess! Bibilugin lang niyan ang ulo mo sa pamamagitan ng mga gan’yang bagay tapos iiwan ka rin niyan!”
“Ano bang pakialam mo, Jordan, ha? Hiwalay na tayo, hindi ba? Bakit ba pinakikialaman mo pa kung sino ang lalaking mapapadikit sa akin?” mataray nitong tanong.
“Nag-aalala lang ako sa’yo, Princess! Matagal kitang nakasama kaya importante ka sa akin. Ayokong mapunta ka sa isang manlolokong lalaki,” katwiran niya pa habang pinipigilan ang sariling sumabog sa inis.
“Kung importante ako sa’yo, sana hindi mo ako pinagpalit sa bayarang babae! Huwag na huwag mo na akong tatawagan. Ayokong may pakialamerong manlolokong nangingialam sa buhay ko!” sigaw nito saka agad na binaba ang tawag dahilan para siya’y magpasiyang puntahan ang dalaga sa dati nilang tinutuluyan.
Pagdating niya roon, agad niyang napansin ang sasakyan ng kaniyang kaibigan na naka-park sa tapat ng apartment. Sa sobrang inis, agad siyang tumakbo papunta roon upang mahuli ang dalawa.
Kaya lang bago pa siya tuluyang makapasok, nakita niyang nakatingin sa kaniya ang bago niyang kinakasama na agad niyang ikinapanlamig.
“Ah, eh, anong ginagawa mo rito?” uutal-utal niyang tanong dito.
Advertisement“Binabantayan ka. Kanina pa kita sinusundan. Kanina ko pa rin naririnig ang usapan niyo ni Princess. Ako na ang pinili mo, hindi ba? Bakit nag-aalala ka pa rin sa kaniya? Bakit parang selos na selos ka?” tanong nito sa kaniya.
Doon niya napagtantong sa ginagawa niyang ito, hindi niya maikakailang mahal niya pa rin si Princess at sadyang natukso lamang siya sa babaeng nasa harap niya ngayon na hindi niya naman pala talaga mahal.
“Pasensya na, si Princess pa rin pala talaga… Hindi ako magkakaganito kung…” hindi niya pa natatapos ang kaniyang sinasabi, nakatikim na siya ng malakas na sampal mula rito at isang malakas na tadyak mula kay Princess na kakalabas lamang ng bahay kasama ang bespren niya.
“Anong tingin mo sa mga babae? Isang laruan lang at walang emosyon?” sigaw ni Princess saka siya agad na pinalayas doon.
Todo habol man siya rito, hindi siya nito inintindi at kusa pang sumama sa bespren niyang iiling-iling lang sa kaniya.
Wala siyang ibang magawa noon kung hindi ang magsisi at paulit-ulit na humingi ng tawad sa dalawang dalagang nasaktan niya. Ngunit ni isa sa mga ito, walang nagpatawad sa kaniya. Lalo na si Princess na labis siyang kinamumuhian.
Hindi man niya alam kung paano muling mababawi ang dalagang minamahal niya mula sa kaniyang kaibigan, malaki ang pasasalamat niya dahil ngayon, siya’y natauhan na at alam na niya kung sino talaga ang mahal niya.
“Maghihintay akong mapasa’kin kang muli, Princess, at sa araw na iyon, hinding-hindi ka na iiyak sa akin,” hikbi niya sa isang tabi habang pinagmamasdan niya itong masaya sa piling ng kaniyang matalik na kaibigan.
AdvertisementAno sa tingin ninyo? Dapat pa kayang bigyan ni Princess ng ikalawang pagkakataon si Jordan?