Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Lalaki sa Pangarap ng Anak na Maging Isang Sundalong Doktor; Sa Huli’y Matututuhan Niya Rin Pala Itong Ipagmalaki

Tutol ang Lalaki sa Pangarap ng Anak na Maging Isang Sundalong Doktor; Sa Huli’y Matututuhan Niya Rin Pala Itong Ipagmalaki

Agad na tumaas ang dugo ng padre de pamilyang si Jonel nang malaman niyang balak ng kaniyang nag-iisang anak na babae na maging isang sundalo kahit tapos na ito na mag-aral ng medisina.

“Nasisiraan ka na ba ng bait, Kyla? Ilang taon ang ginugol mo para mabihasa ka sa larangan ng medisina tapos ngayon, gusto mo lang maging isang sundalo at sumabak sa giyera?” inis niyang tanong rito habang sabay-sabay silang naghahapunan ng kaniyang asawa’t iba pang mga anak.

“Papa, bata pa lang po ako, pangarap ko na talagang maging isang sundalong doktor. Kaya ngayong isang hakbang na lang at malapit ko na iyong maabot, sana nama’y huwag mo na akong hadlangan. Suportahan mo na lang ako, papa,” magalang na tugon nito habang kumakain.

“Paano kita susuportahan kung kapahamakan ang tiyak na naghihintay sa’yo roon, ha? Lalo na ngayong nagsisimula na ang giyera sa ibang bansa. Baka mamaya, pagkaalis mo rito sa bahay, hindi ka na makauwi!” galit niyang sigaw dito.

“Ayos lang sa akin ‘yon, papa, kaysa namang manatili ako sa mundong ito nang hindi ko natutupad ang pangarap ko,” katwiran pa nito na talagang ikinagalit na niya kaya agad na siyang umalis sa hapag-kainan at nagdabog papunta sa kanilang silid ng kaniyang asawa.

Sa kabila ng pagtutol niyang iyon sa kagustuhan ng anak, ilang linggo pa ang nakalipas, tuluyan na rin itong umalis upang magsanay na maging isang sundalo. Puno man ng pag-aalala ang kaniyang puso bago niya ito tuluyang hayaang umalis, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang magdasal dahil kitang-kita niya ang determinasyong mayroon ang kaniyang anak.

Habang binibilang ang mga araw na wala sa puder niya ang dalaga, patuloy na lumalalim ang pag-aalala niya rito. Lalo pa nang malaman niyang kasama ito sa mga pinadalang sundalong doktor sa bansa kung saan may nagaganap na digmaan.

“Mahal, tawagan mo nga si Kyla. Gusto ko lang marinig ang boses niya,” sabi niya sa asawa habang pilit na kinakalma ang kaniyang sarili.

“Naku, mahal, hindi ba’t ang sabi sa’tin ng anak mo, siya ang tatawag sa atin kapag may libre siyang oras? Baka mamaya, mapagalitan pa iyon doon kapag nahuling gumagamit ng selpon habang abala ang lahat sa paggagamot ng mga sugatang sundalo,” pagpapakalma ng kaniyang asawa.

“Nag-aalala na ako sa kaniya, eh, baka kung ano nang nangyari sa unica hija ko,” tapat niyang sabi rito.

“O, ito na pala, eh, tumatawag na ang anak mo! Ikaw na ang sumagot!” wika nito saka inabot sa kaniya ang selpon na talagang ikinatuwa niya.

“Anak, kumusta ka na? Ayos ka lang ba riyan? Sa mismong lugar ba ng giyera ikaw nadestino? Ligtas ka naman ba riyan?” sunod-sunod niyang tanong dito.

“Sir, pasensya na po kayo, wala na po si Kyla. Pinasabog po ang lugar kung saan siya nadestino. Tanging ang mga gamit niya katulad nitong selpon ang naiwan niya rito sa kampo. Hindi ko po alam kung paano sasabihin sa inyo pero kabilin-bilin niya, kapag may nangyari sa kaniya, agad ko pong ibalita sa inyo,” iyak ng kasamahan ng kaniyang anak na talagang ikinalamig ng kaniyang kalamnan.

“Diyos ko, hija! Huwag kang magbiro nang gan’yan!” sigaw niya rito ngunit imbes na makarinig siya ng sagot dito, isang malakas na pagsabog ang kaniyang narinig saka na tuluyang naputol ang kanilang tawag.

Wala siyang ibang magawa noong mga panahong iyon kung hindi ang matulala habang tahimik na umiiyak kasama ang kaniyang mag-iina na yakap-yakap siya.

Halos isang linggo pa ang kanilang hinintay bago nila matanggap ang labi ng kaniyang anak. Personal itong hinatid ng isa sa pinakamataas na opisyal sa kanilang bahay.

“Alam ko pong mahirap tanggapin para sa inyo ang pangyayaring ito pero sa nakita kong pagmamahal ng anak niyo sa trabaho niya, sigurado po akong masaya siya ngayong nagmamasid sa atin mula sa itaas. Sa katunayan po, siya ang pinakamagaling na doktor doon. Tinalo niya pa ang mga bihasang doktor sa ibang bansa sa talino niya sa medisina. Sabi niya nga, mana raw po siya sa katalinuhan niyo. Hindi po mabilang ang mga sundalong ginamot at iniligtas niya. Lahat po iyon ay parte ng pangarap ng inyong anak,” kwento nito sa kaniya na talagang nagpabuhos ng luha niya.

Dahil sa kwentong iyon, unti-unti niyang nakita ang dahilan kung bakit kailangan niyang tanggapin ang nangyari sa kaniyang anak. Patuloy niya ring itinatak sa puso’t isip ang sinabi nitong gugustuhin pa nitong mawala dahil sa pangarap niya kaysa ang manatili sa mundo nang hindi ito naaabot.

Sa ganoong paraan, muli niyang nakita ang daan ng kaligayahan. May puwang man sa puso niya, alam niya namang napapangiti niya ang kaniyang anak sa langit dahil sa katatagang mayroon siya na magpatuloy sa buhay.

Advertisement