Binulyawan ng Ginang ang Mahirap na Ale na Papunta sa Isang Community Pantry; Ito ang Ipararanas sa Kaniya ng Tadhana
Nasa kotse papuntang mall ang mag-anak ni Loribelle. Makalipas ang isang buwan ay ngayon na lang sila makakalabas bilang isang pamilya dahil palaging abala ang kaniyang asawang inhinyero.
“Dahil ang tagal n’yong hinintay ang araw na ito at palagi kayong nakasuporta sa akin ay p’wede n’yong bilhin ang anumang gusto n’yo sa mall. Basta siguraduhin n’yo na lang na mapapakinabangan talaga,” saad ng asawang si Vicente.
“Ibang klase talagang hiritan itong asawa ko. Kaya naman sulit na sulit din ang paghihintay. May nakita pa naman akong magandang bag kagabi sa internet!” kinikilig namang sabi ni Loribelle.
Habang ang dalawang mga anak ay kaniya-kaniya na rin ang pag-iisip sa kung ano ang kanilang bibilhin.
Habang binabagtas nila ang daan papuntang mall ay bigla na lang napahinto si Vicente. May bigla kasing tumawid na ginang na may dalang sanggol. Halata sa mga ito na mahirap ang kanilang buhay dahil sa kanilang itsura.
“Ano ba naman ‘yan? Hindi man lang nag-iingat! Sandali nga at ako ang kakausap diyan!” galit na saad ni Loribelle.
Kahit panay na ang paghingi ng pasensya ng ginang ay patuloy pa rin ang galit niya.
“Malamang ko ay modus ito, ano? Magpapas*gasa ka talaga para makahuthot sa amin ng pera! P’wes, hindi mo kami maloloko! Maghanap ka ng trabaho para may pangbuhay ka sa anak mo. Hindi ka na nahiya. Talagang dinadamay mo ang bata sa kawalanghiyaan mo!” bulyaw pa ni Loribelle.
Inaawat na ni Vicente ang asawa ngunit ayaw nitong magpapigil.
“Pabayaan mo na sila at nakikita ka ng mga anak natin, Loribelle. Wala namang napahamak at humihingi na ng tawad ang ginang,” saad ng asawa.
“E, paano kung natuluyan talaga siya? E, ‘di ang laki na ng nakuha sa ating pera niyan! Saka hayaan mo akong makita ng mga anak natin para alam nilang huwag na magpapaloko sa mga ganitong uri ng tao!” sambit pa niya.
“Ginang, pasensya na ho kayo kung pareho tayong muntik nang makapahamak. Hindi ko po talaga sinasadya dahil nagmamadali ako. Nais kong pumila sa community pantry doon sa kabila. Hindi pa kasi kumakain ang ibang anak ko,” paumanhin naman ng ginang.
“Sa susunod ay huwag kang mandadamay! Kasalanan n’yo naman ‘yan kung bakit kayo mahirap! Bakit hindi kayo magbanat ng buto? Pinabayaan n’yo na lang ang mga sarili ninyo,” masakit na wika pa ni Loribelle.
“Napakasakit n’yo namang magsalita, misis. Maswerte kayo at may kaya kayo sa buhay. Huwag sanang dumating ang araw na maranasan ninyo ang hirap na dinaranas namin,” saad muli ng ale.
“Talagang hindi dahil nagsisipag kaming mag-asawa. Naghihirap lang naman ang tao kapag batugan!” sambit muli ni Loribelle sabay sarado ng bintana ng kotse.
Pilit siyang pinakakalma ng kaniyang mister. Pinagsabihan rin siya nito hinggil sa mga sinabi niya patungkol sa babae.
“Hindi mo dapat hinamak ang ginang na iyon. Hindi mo naman alam ang kaniyang pinagdaraanan,” saad ng mister.
“Vicente, tingnan mo nga sila. Paanong magiging maginhawa ang kanilang mga buhay kung pababayaan na lang din nila ang mga sarili nila? Tapos ay wala pang alam kung hindi ang mag-anak. Ibang klase! Sa kanila napupunta ang buwis natin. Kaya humihirap ang bansa natin, e, dahil mga batugan sila!”
“O, siya tama na ‘yan! Huwag nang mainit ang ulo mo at baka masira pa ang araw natin. Isipin mo na lang ang bag na bibilhin mo,” saad pa ng asawa.
Sinikap ni Loribelle na iwaksi ang init ng kaniyang ulo. Tama naman ang kaniyang mister. Maraming dapat na ikasaya ngayong araw, isa na roon ang bag na kaniyang bibilhin.
Masayang-masaya ang mag-anak dahil bago sila mamili ay kumain muna sila sa isang mamahaling restawran. Pagkatapos ay nagpa-salon silang apat. At saka nagpunta sa mga tindahan ng mahal na bag at sapatos. Ito ang buhay na pinangarap niya para sa kanila.
Bigla na namang sumagi sa kaniyang isip ang aleng nakaalitan kaninang umaga. Parang natuwa pa siya dahil sigurado siyang hindi kailanman mararanasan ng babaeng iyon ang ginhawa na tinatamasa ng kaniyang pamilya.
Nang sumunod na buwan ay kinausap siya ng kaniyang mister na mag-migrate sa ibang bansa. Ang saya-saya naman ng mag-iina dahil isa rin ito sa kanilang pangarap. Maganda naman ang trabaho ng kaniyang mister at sigurado siyang mabubuhay sila ng mas maganda sa Amerika.
Dahil may nakita nang trabaho ang mister ay agad nilang inayos ang kanilang mga papeles at saka lumipad patungong Amerika sa pag-aasam ng mas magandang buhay.
Maayos naman ang kanilang naging pamumuhay sa Amerika, ngunit hindi katulad ng buhay nila sa Pilipinas. May mga pagkakataon na talagang sakto lang ang kanilang panggastos. Mabuti na lang din at mayroon silang ipon. Ngunit patuloy pa rin na nagsumikap si Vicente dahil napangakuan ito ng amo ng promosyon.
“Kaunting tiis na lang at babalik na ang pamumuhay natin tulad ng dati. Talagang hindi naman madali sa simula ang pagma-migrate,” saad nito.
Ngunit makalipas ang ilang buwan, imbes na mapromote ay biglang tinanggal na lang nang walang pasabi si Vicente ng amo nito.
“Nalulugi raw ang kompanya at kailangang magtanggal ng manggagawa at isa na ako roon. Wala na akong trabaho, Loriebelle,” malungkot na balita sa kaniya ng mister.
“Makakahanap ka pa naman ng ibang trabaho, ‘di ba? Marami namang iba ‘dyan!” sagot niya rito.
Pilit na nagsusumikap si Vicente para makahanap ng trabaho pero wala talaga itong makita. Dito na nagsimulang humirap ang kanilang buhay.
“Hindi tayo p’wedeng bumalik sa Pilipinas, Vicente, ano na lang ang sasabihin ng ibang kamag-anak natin? Na talunan tayo? Na hindi tayo nagtagumpay dito sa Amerika? Huwag kang sumuko kaagad!” pangungumbinsi niya sa mister.
Ngunit lumipas ang mga araw at talagang walang makuhang trabaho ang mister. Kahit siya ay wala ring makitang trabaho. Naubos na rin ang kanilang ipon sa pagbabayad ng nirerentahang bahay at kung anu-ano pang gastusin.
Hanggang sa wala nang natira talaga. Kailangan nilang magtipid nang maigi kung hindi ay magugutom sila. Maging ang pagbili nga ng sabon para sa kanilang paliligo ay kaniya pang pinag-iisipan nang mabuti.
Isang araw, upang malamnan ang kumakalam na mga sikmura ay kinailangan ng mag-anak na pumila sa isang community pantry. Awang-awa siya sa kanilang mga sarili. Habang nakapila ay biglang bumalik sa kaniyang isipan ang aleng kaniyang nakaalitan noon. Hindi niya naiwasan ang maluha.
“Vicente, ano ba ang nagawa ko sa babaeng iyon at pinagsalitaan ko siya ng masakit? Tama siya, ngayon ay alam ko na ang pinagdadaanan niya. Dapat ay hindi ko siya binulyawan at pinagbintangan ng kung anu-ano! Ang sama-sama ko!” naluluha niyang wika sa mister.
“Kaya hindi talaga maganda ang humusga ng ibang tao, Loribelle. Hindi natin alam ang kanilang nararamdaman hanggang sa pagdaanan din natin iyon. Sa pagkakataong ito’y pinaranas talaga sa atin ng tadhana ang hirap ng buhay,” sagot nito sa kaniya.
“Umuwi na lang tayo sa Pilipinas, Loribelle. Hayaan na natin kung ano ang sasabihin sa atin ng ibang tao. Hindi ko na kayang makita pang mahirapan ang mga anak natin pati na rin ikaw. Tutal, buhay naman natin ito at tayo ang magdedesisyon,” dagdag pa nito.
Pumayag na si Loribelle na bumalik ng Pilipinas. Sa pagkakataong ito’y lubusan na siyang nagbago.
“Vicente, gawin natin ang lahat upang yumaman tayong muli. Tapos ay tulungan natin ang mga nangangailangan. Unahin na natin ang babaeng muntik na nating madisgrasya. Kailangan nila ng tulong,” saad pa ng ginang.
“Oo, Loribelle, pangako ko ‘yan sa iyo,” nakangiting sambit naman ng mister.
Hindi nagtagal, sa pagsusumikap nila ay muling bumalik ang yaman ng mag-asawa. Hindi nila nakalimutang ibahagi ang kanilang pagpapala sa ibang tao. Ngayon ay mayroon na silang sariling community pantry na tumutulong sa mga tao nasa laylayan ng lipunan.