Ayaw ng Matandang Mag-Asawa na Maging Alalahanin at Pabigat sa Kanilang mga Anak; Bandang Huli’y Matutupad ang Kanilang Inaasam
Tahimik at payak ang pamumuhay ng mag-asawang Poldo at Azon, mga retiradong guro. Sila na lang ang magkasama sa bahay dahil may kani-kaniya nang pamilya ang kanilang limang anak. Noon pa man kasi ay mariin na nilang bilin na kung mag-aasawa ang mga ito’y kailangan nilang bumukod. Hindi dahil sa ayaw nila itong makasama kung hindi dahil tinuturuan nila itong huwag dumepende sa iba. Preparasyon na rin ito para sa pagbuo nila ng sariling pamilya. Isa pa, ayaw rin nilang makaabala sa mga anak.
Inilaan ng dalawa ang kanilang mga buhay sa pagbibigay sa kanilang limang anak ng magandang buhay. Sa kabilang banda naman ay wala silang masasabi sa kanilang mga anak dahil tapos ang mga ito sa pag-aaral at lumaking mga responsable.
Dahil nga sila na lang ang naiwan sa kanilang bahay ay nasanay na silang tingnan ang isa’t isa. Sa sobrang pagmamahal ni Azon sa kaniyang mister ay labis niya itong inaalagaan. Gayon din naman si Poldo sa kaniyang misis.
Ngunit may pagkakataon na nahihirapan na ang dalawa dahil sa kanilang katandaan. Hindi tuloy maiwasan ng ilang kapitbahay ang mangialam.
“Bakit kasi hindi n’yo na lang patirahin sa bahay ninyo kahit ang bunso niyong anak? Hindi ba’t wala pang anak ‘yun hanggang ngayon?” sambit ng isang kapitbahay.
“Hindi na, kaya naman namin ni Poldo na alagaan ang aming mga sarili. Ayaw rin naming maka-istorbo sa kanila. May mga trabaho at pinagkakaabalahan din sila sa kani-kanilang buhay. Baka lalo pang hindi magkaanak ang bunso namin kung bibigyan pa namin siya ng alalahanin,” sagot naman ni Azon.
Ngunit sa kabila ng mga sinasabing ito ni Azon ay hindi niya maiwasan ang mag-alala para sa kanilang mag-asawa. Unti-unti na rin kasing nawawala ang dati nilang sigla. May mga pagkakataong hirap na rin silang kumilos.
Isang araw ay napansin ni Azon na parang nanlalabo ang kaniyang mga mata.
Advertisement“Pumunta na agad tayo sa doktor, Azon. Ipasuri na natin ‘yan. Para habang maaga ay malaman ang dahilan at maagapan ang anumang posibleng hindi magandang mangyari,” saad ni Poldo.
“Baka dahil lang ito sa pagsasampay ko kaninang tanghali. Matindi kasi ang sikat ng araw. Baka bukas ay ayos na rin ako,” wika naman ng ginang.
Ngunit kinabukasan ay lalong lumabo ang paningin ng matanda. Tila aninag na lang ang kaniyang nakikita. Sa labis na takot ay nagpadala na siya sa asawa niya sa ospital.
Ngunit ang hindi alam ni Azon ay may iniinda rin ang kaniyang mister. Isang linggo ang nakalipas nang biglang sumakit ang dibdib nito. Hindi na nito sinabi sa asawa ang nangyari at pumunta na lang sa ospital upang magpasuri. Ayaw rin kasi nitong nag-aalala ang misis.
Doon nga ay napag-alaman na humihina na ang kaniyang puso. Ngayon ay hindi niya ito p’wedeng sabihin lalo kay Azon dahil mag-aalala ito nang lubusan.
“Ang sabi ng mga doktor ay may napasma raw na ugat sa mga mata mo, Azon. Pero maaari ka pa ring makakita. Hindi naman ito permanente kaya huwag kang matakot,” saad ni Poldo habang hawak ang kamay ng misis.
“Sa tingin mo ba ay kailangan na nating sabihin ito sa ating mga anak, Poldo?” tanong naman ni Azon.
“Huwag na, Azon, kaya naman kitang alagaan. Huwag na natin silang bigyan ng intindihin. Narito naman ako at mas malakas pa ako sa kalabaw,” saad pa ng mister.
AdvertisementKinabukasan ay nakauwi rin naman ang mag-asawa. Dahil hindi pa rin bumabalik ang paningin ng matandang ginang ay si Poldo muna ang gumagawa ng mga gawaing bahay.
“Pasensya ka na at hindi kita matulungan. Sana ay bumalik na ang paningin ko para maalagaan na rin kita,” saad ni Azon.
“Magpahinga ka na lang at kailangan mo ‘yan. Ako na ang bahala,” saad naman ni Poldo kahit na mayroon na rin siyang iniinda.
Pagsapit ng gabi, magkatabi na sa kama ang mag-asawa. Hindi nila maiwasan na pag-usapan ang hinaharap.
“Poldo, nag-aalala ako. Kung sakaling mauuna ako, bumalik ka sa mga anak mo. Malapit ka naman sa panganay natin. Siya rin ang may pinakamagandang buhay. Sa kaniya ka pumunta,” bilin ni Azon.
“Huwag ka ngang nagsasalita ng ganiyan. Mas gusto ko pang ako ang mauna, Azon. Hindi ko kaya na kahit isang araw ay mabuhay nang wala ka. Hindi ko iniisip ang bagay na ‘yan,” naluluha agad si Poldo.
“Kailangan nating pag-usapan ang ganitong mga bagay, Poldo. Kailangan nating tanggapin na nasa dapit hapon na tayo ng ating mga buhay. Doon na rin naman ang ating tungo,” saad ng ginang.
“Paano naman kung ako ang mauna, Azon? Magbibilin na rin ako sa mga anak natin na kunin ka. Ayaw kong mag-iisa ka lang dito sa bahay at tiyak kong magmumukmok ka. Mahal na mahal mo ako, ‘di ba? Hindi mo kakayanin na wala ako sa buhay mo,” biro pa ng asawa.
Advertisement“Kapag ikaw ang nauna, Poldo, huwag mo na akong alalahanin. Uuwi ako sa mga anak natin para makasama ko sila pansamantala. Tapos ay susunod na rin ako sa’yo,” seryosong sagot naman ni Azon.
“Tama na nga ang pag-uusap na ito. Magpahinga na tayo. Ipahinga mo na rin ang mga mata mo. Palagi kong ipinagdadasal na nawa’y makakita ka nang muli. Alam kong mahirap kapag hindi mo nasisilayan ang gwapo kong mukha,” dagdag pa ng natatawang si Poldo.
“Ikaw talaga, puro ka kalokohan! Tara na nga at baka kung saan pa mapunta ang usapang ito!” tumatawa na si Azon.
Pero ang totoo, kinikilig pa rin sila sa isa’t isa.
Habang tumatagal ay lalong nawawala ang paningin ni Azon. Kaya pumunta sila sa ibang espesyalita. Nakakalungkot lang na balita dahil unti-unti na raw na nagkakaproblema sa ugat ng ginang at maaaring hindi na ito makakakita pang muli.
Labis ang hinagpis ni Azon. Hindi niya naiwasan ang lumuha.
“Ano ba ang ikinalulungkot mo riyan, Azon? Kung hindi ka makakakita ay ako ang magiging mata mo. Malinaw ang paningin ko, ‘di ba? Kaya nga sigurado ako na ikaw ang babaeng naiibigan ko,” saad ng mister.
“Inaalala ko lang kasi ‘yung araw na huling beses kong nakita ang mukha mo, Poldo. Iyon na pala ang huli. Sana pala ay tinitigan na kita,” pagtangis ng ginang.
Advertisement“Narito pa naman ako sa iyong tabi, Azon. Walang magbabago. Huwag kang matakot na hindi mo ako makita dahil palagi mo naman akong maririnig at mararamdaman,” wika muli ni Poldo.
Dahil sa pangyayaring ito ay lalong kailangan ni Poldo na palakasin ang kaniyang sarili. Panay na ang inom niya ng gamot upang mapanatili niyang malakas ang kaniyang puso para sa asawa.
Isang araw, habang nakaupo lang si Azon at naghihintay ng kakainin nila’y nakarinig siya ng malakas na galabog.
“Poldo, ano ‘yun? Poldo! Poldo, nariyan ka ba? Anong nangyari?’ pag-aalala ng ginang.
Pilit na naglakad si Azon upang hanapin ang asawa. Wala na siyang pakialam sa mga natatabig na gamit, ang mahalaga ay malaman niya kung ano ang nangyari sa kaniyang asawa.
Nang hindi pa rin sumasagot si Poldo ay kinabahan na siya kaya nagsisigaw na siya at humingi ng saklolo. Mabuti na lang at narinig siya ng mga kapitbahay.
Nakita na lang nilang nakahandusay na ang matandang si Poldo sa sahig. Agad nila itong dinala sa pinakamalapit na ospital.
Nagdesisyon na rin si Azon na sabihin sa kaniyang mga anak ang nangyari.
Advertisement“‘Ma, bakit naman hindi n’yo man lang binanggit sa amin na may dinaramdam na pala kayo ni papa? E ‘di sana’y natulungan namin kayo. May nagbabantay sana sa inyong dalawa,” wika ng panganay na anak.
“Ayaw naming makaabala sa inyo, anak. Ang akala kasi namin ng papa n’yo ay kaya naming dalawa. Kung hindi naman nawala ang paningin ko ay kaya namin. Hindi rin sinabi sa akin ng papa ninyo na may iniinda siyang sakit,” umiiyak na wika ni Azon sa labis na pag-aalala.
“Kahit kailan ay hindi kayo magiging pabigat sa amin! Mga anak ninyo kami at mahal namin kayo! Responsibilidad namin ang alagaan kayo kapag hindi n’yo na kaya,” saad ng isa pang anak.
Hinihintay ng mag-iina ang resulta ng nangyari kay Poldo. Umaasa sila na magiging maayos rin ang haligi ng tahanan.
Lumabas ang doktor at sinabi sa kanila ang balita.
“Mabuti na lang at nadala siya kaagad dito sa ospital. May malay naman na siya, pero kailangan pa rin niyang manatili dito sa ospital para obserbahan. Kailangan niya ng gamot at ng pahinga,” saad ng doktor.
Labis ang kaligayahan nila nang malamang nakaligtas si Poldo. Inalalayan ng mga anak si Azon upang mayakap ang asawa.
“Ikaw talaga, akala ko ay tuluyan mo na akong iniwan! Bakit hindi mo sinabi sa akin na may sakit ka? Tapos ako pa itong inaalala mo!” wika ni Azon.
Advertisement“Ayan ang dahilan kung bakit hindi ko sinabi sa iyo. Ayaw kong mag-alala ka, Azon. Alam mo naman kung gaano kita kamahal,” saad ng mister.
“Kung mahal mo talaga ako ay palalakasin mo ang sarili mo. Matagal pa tayong magkakasama. Alam mo, kahit na hindi ko nakikita ang mukha mo’y ayos lang sa akin. Mas mahirap ang hindi na kita makasama nang tuluyan. Narito na ang mga anak natin, Poldo, tutulungan na nila tayo,” wika pa ng matanda.
Simula ng araw na iyon ay kasama na ng matandang mag-asawa ang kanilang bunsong anak. Minabuti nitong tumira doon upang maalagaan ang kaniyang mga magulang. Madalas na ring dumalaw ang iba pa nilang mga anak upang siguraduhing maayos ang kanilang kalagayan.
Labis na nagpapasalamat ang mag-asawa dahil mabubuti ang kalooban ng kanilang mga anak. Tunay ngang napalaki nila ang mga ito nang maayos.
Makalipas ang isang taon ay natagpuan na lang ng bunsong anak ang mag-asawa na nakahiga sa kanilang kama, magkahawak ng kamay at wala nang mga buhay. Sabay silang kinuha ng Panginoon sa kanilang pagtulog.
“Hanggang sa huli ay hindi pa rin sila nag-iwanan. Talagang mahal nila ang isa’t isa. Ang swerte natin dahil natunghayan natin ang pag-iibigan nila,” sambit ng panganay na anak.
Ito ang pinapangarap nina Poldo at Azon, ang kunin nang sabay ng Maykapal. Ayaw nilang maging pabigat sa kanilang mga anak at lalong ayaw nilang mabuhay nang wala sa piling ng isa’t isa.