Isang Mensahe ang Kaniyang Natanggap na Sinasabing may Asawa na ang Lalaking Kaniyang Kinakasama; Nakiapid nga ba Siya sa Lalaking Pag-aari na ng Iba?
Hindi napigilan ni Freya ang labis na pag-iyak habang naglalakad. Walang pakialam sa mga nang-uusisang mga matang nakatingin sa kaniya habang panay ang kaniyang hagulhol. Hawak ang ibabang bahagi ng puson na medyo sumasakit na dahil sa labis niyang pag-iyak. Ayon pa naman sa doktorang nag-aalaga sa kaniya’y bawal sa kaniya ang ma-stress at huwag isipin masyado ang mga problema upang hindi maapektuhan ang batang nasa kaniyang sinapupunan.
Ngunit sa nalaman niya’y pwede bang hindi siya ma-stress at isipin ang problemang kaniyang napasukan. Kagabi habang nagpapahinga siya’y may natanggap siyang mensahe nang babaeng nagpapakilalang asawa ng nobyong si Charlie.
Noong una ay hindi niya iyon pinaniwalaan. Imposibleng may asawa na ang nobyo! Tatlong taon na silang nagsasama sa iisang bahay, tapos malalaman niyang may asawa itong iniwan sa probinsya. Ngunit nang ipasa ng babae ang marriage certificate nito at ng nobyo’y agad siyang nakumbinsi.
Kaya pala kahit matagal na silang nagsasama ni Charlie ay hindi nila kailanman napag-usapan ang usapang kasal, dahil kasal na pala ito sa ibang babae. Sa babaeng nauna sa kaniya. Sa babaeng pinangakuan nito ng magandang buhay, ngunit napako lamang ang lahat dahil sa kaniya.
“Buntis ka pala,” anang asawa ni Charlie na nakilala niya sa ngalang Rachel.
Ayon sa kwento nito’y may dalawang anak ito kay Charlie. Nagpaalam lamang daw noon ang lalaki na pupuntang Maynila, upang maghanap ng mas magandang trabaho at para matustusan ang lahat ng pangangailangan nila. Ngunit ilang buwan lamang ang lumipas ay hindi na nito masyadong makausap ang asawa. At ang nakasanayan nilang malaking perang ipinapadala nito noon ay naging limang daang pesos na lang, pasalamat na nga lang daw kapag nakapagpadala ito ng isang libo.
“Noong napansin kong wala namang nangyayari sa ipinangako niya’y pinapauwi ko na siya sa’min. Mas maigi pa iyong magkakasama kami, dahil kahit gipit at mahirap ay nakakayanan naman namin. Ngunit noong lumayo siya’y imbes na manging maalwan ang buhay namin ay mas lalong naghirap. Malaki naman sana ang sahod niya rito, pero halos hindi niiya kami mapadalhan. Iyon pala’y mas kinakasama na siya rito,” mangiyak-ngiyak na kwento ni Rachel.
Napakabait ng asawa ni Charlie, paano nito nagawang lokohin ang babaeng ito? Kung ibang asawa pa siguro ito’y baka sinabunutan na siya ng babae, ngunit kabaliktaran ang ginawa ni Rachel. Maayos siyang kinausap nito at ipinaliwanag ang totoong nangyari. Nakokonsensya siya sa nangyari kay Rachel at sa dalawa pa nitong anak na pinabayaan ni Charlie nang dahil sa kaniya. Wala siyang alam… hindi niya alam na may asawa pala ang lalaking labis niyang minahal. Pag-aari na pala ito ng iba.
“Nandito ako hindi upang guluhin kayo ni Charlie,” ani Rachel. “Gusto ko ang klaruhin ang sa’min at gusto kong marinig sa mismong bibig niya na ayaw na niya sa’min. Kung ao lang ay ibibigay ko na sa’yo ang asawa ko Freya, ang kaso’y may mga anak kami,” umiiyak na wika ni Rachel. “May mga anak akong iniisip na may papa pa sila, kahit nakalimutan na sila ng kanilang ama.”
Kung si Freya ang nasa sitwasyon ni Rachel ay baka hindi niiya kayanin ang ginawa ni Charlie. “I’m sorry, Rachel. Hindi ko talaga alam na may asawa pala si Charlie, ang buong akala ko’y binata siya at walag sabit. Patawarin mo ako,” iyak niya.
Nang umuwi si Charlie ay isang malakas na sampal ang ipinadapo ni Freya sa mukha ng lalaki. Wala siyang kaalam-alam na sa loob ng tatlong taon nilang pagsasama’y may malaki pala itong kasinungalingang itinago sa kaniya. Panay naman ang hingi ng tawad ni Charlie ng tawad sa kaniya.
Nang magkaharap-harap silang tatlo at pinapili ni Rachel ang lalaki’y mas pinili nitong sumama sa totoong asawa sa takot na maparusahan at nangakong hindi pababayaan ang magiging anak nito kay Freya. Walang nagawa si Freya kung ‘di ppalayainn si Charlie, kahit na masakit sa dibdib dahil una pa lang naman ay hindi naman pala ito sa kaniya, dahil pag-aari pala ito ng iba.
Hindi niya mapigilan ang paghagulhol ng iayak nang tuluyang mawala sa kaniyang paningin ang dalawa. Siya ang biktima ng sitwasyong ito at siya ang naiwang luhaan, dahil naging t@nga siya sa pag-ibig. Hindi niya alam na ang lalaking kaniyang minahal ay sabit pala, kaya noong kinukuha na ito ng totoong asawa’y wala siyang nagawa kung ‘di bitawan ito at ibigay sa totoong may-ari.
Biktima lang rin siya ng mapaglarong tadhana, pero bakit parang siya ang may kasalanan upang mangyari ito sa kaniya? Naiwan siyang mag-isa, buntis, at wasak ang puso.
Tinupad naman ni Charlie ang suportang ipinangako nito para sa anak nila. Dahan-dahan ay tinuturuan niya ang sariling bumangon at tanggapin ang mapait na sinapit ng kaniyang puso. Nagmahal lamang siya… sa taong may sabit pa. Kung alam lamang niya ang katotohanan noon pa man ay hindi na sana niya pinapasok sa puso niya si Charlie. Ngunit nangyari na ang nangayri, ang mahalaga ngayon ay hindi nito pinapabayaan ang anak nila.