Mangiyakngiyak at Hindi Alam ng Dalaga kung Saan Hahanapin ang Alagang Aso na Nawawala; Magkita Pa Kaya Sila?
Lakad-takbo ang ginawa ni Raya habang panay ang tawag sa pangalan ng kaniyang asong si Zoe. Kanina pa nawawala ang alagang aso, anong oras na ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nakakauwi kaya nag-aalala na siya nang husto. Ang dami nang masasamang pangyayari ang pumapasok sa kaniyang isipan na huwag naman sanang mangyari.
“Zoe,” tawag niya sa alagang aso.
Ayon sa nakausap niyang gwardiya ng subdivision ay nakita raw nitong lumabas ng gate ang alaga, hindi naman daw nila pinansin dahil iniisip naman ng mga itong marunong umuwi ang aso. Nang tingnan naman niya ang CCTV ng naturang lugar ay nakita nga nilang lumabas ang alaga, ngunit ang nakakalungkot ay hindi na sakop ng CCTV ang labas ng subdivision kaya hindi na alam ni Raya kung saan nagpunta si Zoe.
Gustong-gusto na niyang umiyak sa halo-halong emosyong nararamdaman. Paano kung may masamang nangyari kay Zoe? Paano kung nab*ndol na ito ng sasakyan? Paano kung may mga lasenggong nang-trip sa alaga niya at ginawa itong pulutan? Desperadang inihilamos ni Raya ang palad at mahinang humikbi.
Hindi niya matatanggap kung may mangyaring masama kay Zoe. Ito na lang ang tanging yamang iniwan ng kaniyang amang si Leo, na halos isang buwan nang namayapa dahil sa sakit sa kidney. Si Zoe na lang ang isa sa magandang naiwan ng ama sa kanila. Kapag nawala pa ito’y hindi na niya alam kung ano ang mararamdaman. Nang maalala ang ama ay bigla niyang naisip si Zoe. Bigla siyang tumayo at inutusan ang kapatid na si Ronie na imaneho ang sasakyan at pupunta sila ng sementeryo.
“Paano mo naman naisip na naroon lamang si Zoe, ate?” takang tanong ng kapatid.
“Ewan ko. Basta, try nating pumunta doon at baka naroon si Zoe, dinadalaw niya si papa,” aniya.
Hindi na muling umimik ang kapatid basta nagmaneho na lang ito. Sabagay, wala namang masama kung susubukan.
Nang marating nila ang sementeryo ay agad na tumakbo si Raya patungo sa puntod ng ama. At gusto niyang humagulhol ng iyak nang makita ang asong si Zoe sa ibabaw ng puntod ng kanilang ama. Kampanteng nakahiga na animo’y binabantayan nito ang puntod ng pinakamamahal na amo.
“Zoe,” humihikbing tawag ni Raya sa alagang aso.
Agad namang nag-angat ng ulo ang aso at mahinang iwinagayway ang buntot, ngunit nanatili lamang na nakahiga. Gulat naman ang rumehistro sa mukha ni Ronie, nang makita si Zoe. Hindi nito akalain na tama ang hinala ng kaniyang ate na naroroon si Zoe.
“Paano mo narating ang lugar na ito, Zoe?” takang saad ni Ronie.
Malayo ang sementeryo, mahirap ngang pumunta roon kung wala kang sariling sasakyan, dahil ang mga pampasaherong sasakyan ay hanggang sa highway ka lang ihahatid. Umiiyak na lumuhod si Raya at niyakap ang asong agad na kumahol ng makita sila na tila ba umiiyak at nagsusumbong.
“Miss na miss mo na rin ba si papa, Zoe?” umiiyak na sambit ni Raya, kahit alam naman niyang imposibleng sagutin siya ng aso.
Hindi man nakakapagsalita ang asong si Zoe ay nakikita nilang nasasaktan ito at ngayong yakap ito ni Raya ay tumatahol ito na animo’y umiiyak at naglalabas ng hinanakit sa pagkawalla ng taong minahal nito nang sobra.
“I’m sorry, Zoe, kung hindi ka namin naisama noong inilibing namin si papa,” humahagulhol na wika ni Raya.
May bahagi ng puso niya ang masaya dahil nakita nitong ligtas ang pinakamamahl na aso, may parte naman ng puso niiya ang labis na nasasaktan para sa allagang aso. Hayop si Zoe, pero ang puso nito’y higit pa sa isang tao. Minahal nito ang papa nila na hanggang sa nam*tay ito’y hindi nawala ang pagmamahal ng aso sa taong nag-alaga at nag-aruga rito.
Lumuhod rin si Ronie at mahigpit na niyakap ang alagang aso at hinalik-halikan ito. Gusto niya ring umiyak dahil alam niyang nalulungkot si Zoe sa sinapit ng kanilang ama. Ngunit wala na silang magagawa pa kung ‘di tanggapin ang katotohanang wala na ito.
Ilang oras muna silang nanatili sa ibabaw ng puntod ng kanilang ama bago napagdesisyunang umuwi na sa bahay nila. Mahirap ipaintindi sa isang hayop ang nangyayari, ngunit bilang sila ang mas may malawak na pang-unawa ay inunawa nila si Zoe, lalo na kapag gigising silang wala na ito sa bahay nila, alam na agad nila kung saan ito hahanapin… sa sementeryo sa ibabaw ng puntod ng kanilang ama.
Ang pagmamahal ng asong si Zoe sa kaniyang amo ay hanggang sa huling hantungan nito.