Inday TrendingInday Trending
Inabandona Sila ng Ina Nang Muli Itong Mag-Asawa; Nag-Ampon Pa Ito ng Ibang Bata Kaysa Unahin Sila

Inabandona Sila ng Ina Nang Muli Itong Mag-Asawa; Nag-Ampon Pa Ito ng Ibang Bata Kaysa Unahin Sila

Abala sa pagluluto si Kieran nang marinig niyang galit na sumisigaw ang kaniyang ina. Sinisigawan nito ang kaniyang kapatid na si Elise, kaya dali-dali siyang lumabas ng kusina upang tingnan kung ano ang nangyari.

“Ang tanga-tanga mo naman, Elise! Bakit mo naman binasag ang figurine na ito? Nakakahiya sa Tiyo Cardo mo, nakikitira na nga lang kayo rito, hindi niyo pa iniingatan ang mga gamit ng bahay na ito,” anang ina.

“Sorry, ‘ma, hindi ko naman po sinasadya,” ani Elise. Hindi makatingin nang deretso sa mata ng kanilang ina.

Inilang hakbang ni Kieran ang pwesto ni Elise upang yakapin ito at para na rin pigilan ang ina sa kakabatok sa kapatid.

“Tama na, ‘ma,” awat niya. “Mukhang hindi naman po sinasadya ni Elise. Maiintindihan naman yata ni Tiyo Cardo, kung ipapaliwanag na hindi sinasadya ang nangyari,” aniya.

Ngunit galit pa rin ang kaniyang ina at nagpatuloy ito sa pagkurot sa umiiyak na si Elise, habang panay naman ang ilag ni Kieran sa kamay ng ina. Nakikita niyang nasasaktan na ang kaniyang kapatid sa ginagawa ng ina, kaya ginagawa niya ang lahat awatin lamang ito.

“Kaya nagiging spoiled iyang kapatid mo, Kieran, dahil kinukunsinti mo palagi!” anang ina.

Pakiramdam ni Kieran ay biglang uminit ang kaniyang bumbunan sa sinabi nito. Kinukunsinti? Alam ba nito ang ibig sabihin ng salitang iyon? Gayong kung tutuusin ay sampung taon itong hindi nagpaka-ina sa kanila. Sampung taon siya noong umalis ito, habang si Elise naman ay limang taong gulang. Maagang sumakabilang buhay ang ama nila, kaya nahirapan ang inang buhayin silang dalawa ni Elise, kaya naisip nitong mag-abroad upang doon magtrabaho.

Sa unang taon ay maayos naman, ngunit bigla na lamang itong hindi nagparamdam at hindi nagpadala ng pera para sa panggastos nilang dalawa ni Elise, ang narinig niyang balita ay nag-asawa na raw ang ina sa ibang bansa, kasamahan nito sa trabaho, kaya nawalan ito ng komunikasyon sa kanila.

Dahil wala nang pinapadalang pera ang ina kaya pinalayas silang dalawa ni Elise ng tiyahin niyang kapatid lamang ng ina. Pabigat at palamunin lang daw silang dalawa, dahilan upang kung kani-kaninong kamang-anak sila ni Elise nakikituloy. Sa murang edad ay napilitan si Kieran na pumasok bilang dancer sa isang KTV bar upang kumita ng pera. Lahat ng paghihirap ay naranasan niya, makakain lamang sila ni Elise.

Nang mabalitaan nilang nakauwi na sa ‘Pinas ang ina ay labis ang sayang naramdaman ni Kieran, sa wakas ay wala na siyang dapat na alalahanin, dahil nariyan na ang ina. Ngunit labis ang pagkadismayang kaniyang naramdaman nang malamang hindi pa ito handang kunin sila ni Elise, dahil hindi pa raw nito nakakausap ang asawa kung ayos lang bang makitira sila ni Elise sa bahay nito at ang mas masakit ay ang nalamang nag-ampon ito upang may anak ito at ang asawa.

Nang sa wakas ay pumayag ang asawa nitong makitira sila sa ina ay mahigpit ang naging bilin ng inang huwag silang maging senyorita at nakakahiya sa asawa nito. Upang makasama lamang ang ina ay sumang-ayon sila sa kondisyon nito. Ngunit ngayong naririto na sila’y pinagsisihan niya ang naging desisyong sumama pa sa ina.

“Kunsinti’? Talaga ba, ma? Sa nakalipas na sampung taong hindi ka nagpaka-ina sa’min, ngayon kukwestyunin mo kung paano ko pinalaki si Elise na anak mo?” nanginginig sa inis na tanong ni Kieran. “Hindi ba dapat obligasyon mo iyon bilang ikaw ang nanay namin?”

Natameme ang ina sa sinabi ni Kieran.

“Sampung taon kang nawala. Sampung taon mo kaming pinabayaan! Sampung taon kaming walang naging ina upang gumabay sa’min, tapos ngayon kasalanan namin kung bakit sa palagay mo mga wala kaming disiplina!” inis na wika ni Kieran, umaapaw ang kaniyang emosyon at gusto na niyang umiyak sa sobrang inis na naramdaman.

“Kieran, anak, sorry. Wala naman akong ibang ginusto kung ‘di ang makasama kayo,” mangiyak-ngiyak na wika ng ina.

“Alam mo kung ano ang pinakamasakit… hindi mo lang kami pinabayaan ‘ma, inabandona mo kami! Hindi mo alam kung ano ang mga nangyari sa’min matapos mo kaming kalimutan upang sumama sa bago mong pamilya,” humahagulhol niyang wika.

Hindi na rin napigilan ni Elise ang humagulhol dahil sa mga sinabi ni Kieran. Ang akala nila sa oras na makakasama na nila ang ina ay wala nang magiging problema, ngunit hindi pa rin pala. Para sa inang matagal na nawalay sa kanila’y ibang tao na sila ng kaniyang Ate Kieran.

“Inabandona mo kaming mga totoo mong anak, pero nag-ampon ka ng ibang bata upang mahalin at alagaan. Kaming mga totoo mong anak, pinabayaan mo’t kinalimutan! Sana hindi na lang ikaw ang naging nanay namin! Kung nakakapili lang ng magiging ina, hinding-hindi ikaw ang pipiliin namin ni Elise!” ani Kieran saka hinawakan ang kapatid sa braso at hinila.

Aalis na sila sa bahay na ito. Hindi anak ang turing sa kanila ng sariling ina, kung ‘di katulong o kasambahay na kapag nagkamali ay pinaparusahan. Kaya naman na nila ni Elise ang mamuhay na wala ang ina, nakayanan nga nila noon, ngayon pa kayang malalaki na sila.

Kung may kakayahan lang ang mga anak na mamili kung sino ang pwede nilang maging magulang ay siguradong hindi pipiliin ni Kieran ang ina.

Advertisement