Tatlong Beses Itinakwil ng Pamilya ang Babae, May Puwang Pa Ba ang Pagpapatawad sa Puso Nito?

“Lumayas ka na rito ngayon din! Wala kang silbi!” sabi ng inang si Belinda sabay sampal sa mukha ni Irene.

“Huwag ka na magpakita dito ha? Wala kang pakisama sa kapatid mong gusto lang mabuhay! Kala mo kung sino ‘to!” sigaw naman ng stepfather niyang si Amando. Kahit sobrang sama ng loob ay pinigilang umiyak ni Irene at pinulot na lang ang mga gamit na tumilapon sa kalye.

Humantong sa ganoon ang sitwasyon dahil matagal nang nanghihiram sa kaniya ang stepbrother na si Jose ng puhunan daw para sa negosyo. Noong una ay pinahiram na niya ito, ngunit nabalitaan niyang nalugi ito dahil sa lulong sa masamang bisyo. Ngayon nga ay pinipilit siya ng mga magulang na suportahan na lang ang pagtutulak ng kapatid dahil mas malaki raw ang kita doon. Maigting ang pagtanggi ni Irene kaya’t galit na galit si Armando. At ang kaniyang ina naman, imbes na kumampi sa tama ay siya pa rin ang piniling palayasin. Sobrang sakit sa kaniyang makita na ang inang kumalinga sa kaniya noong buhay pa ang kaniyang totoong tatay ay tila lulong na rin sa bisyo. Marahil ay dahil sa impluwensya ng kinakasama nito.

Hindi na siya nagsalita pa dahil hangga’t maaari ay ayaw niyang makapagsalita ng masama sa kahit sino sa mga ito. Kahit pa nga gano’n siya itrato ng mga ito ay pamilya pa rin sila. Ngunit talagang malalim ang tampo niya sa ina na sunod-sunuran sa gusto ng mag-ama.

Kakapasok lang sa kolehiyo ni Irene noong pumanaw ang kaniyang ama. Nagtulungan silang mag-ina para makabangon. Akala niya ay magiging ayos ang lahat ngunit nang magkaroon na nga ng relasyon ang ina kay Armando ay tila nagbago ito. Ayaw niya naman itong pigilan sa kasiyahan nito ngunit ‘di niya inaasahang masama pala talaga ang impluwensya ng mga ito dito.

Dahil sa sariling sikap ay nakapagtapos si Irene ng kolehiyo at nagkaroon ng magandang trabaho. Ngunit hindi sila makaahon dahil sa bisyo ng mag-ama. At ngayon nga, tuluyan na siyang itinakwil ng ina para lang sa mga ito.

Ilang buwan ang lumipas ay tuluyan na ngang bumukod si Irene. Lingid sa kaalaman ng mga ito na kahit ganoon ay binabantayan pa rin sila ng dalaga. Palaging ipinagdarasal ng dalaga na sana ay magkaayos na sila. At isang araw nga, tila nagbigay daan na ang Panginoon para doon ngunit sa pamamagitan ng isang malungkot na pangyayari.

“Irene!” hagulgol ni Belinda sa telepono isang araw. “Ang kapatid mo.. nasabit sa isang raid at nahagip ng bala! Tulungan mo kami, anak.”

Advertisement

Alalang-alala si Irene nang marinig na sa ulo raw natamaan si Jose at nangangailangan na operahan. Dahil nakaalwan naman ay si Irene lahat ang sumagot ng mga bayarin.

“Ako na po ang bahala sa bayarin, ‘nay… sana lang ay ‘wag niyo na kasing kunsintihin sa pinaggagawa niya para ‘di na ho maulit,” naiiyak din na sabi niya. Ngunit si Amando, bilang lulong sa dro*ga, nang marinig ang sinabi ni Irene ay minasama pa iyon.

“Ano?! Isusumbat mo pa rin sa amin ang tulong mo? Napakayabang mo ‘no! Hayaan mo babayaran ka namin!” Dagundong ng boses nito kahit sila’y nasa ospital. Nagpapasaklolong tiningnan ni Irene si Belinda ngunit nakayuko lang ito. Tila ba may takot sa kinakasama kaya’t ‘di siya maipagtanggol.

Nang mailabas si Jose sa ospital ay kinausap siya ng ina at sinabihang mabuti na nga rin na hiwalay na lang siya sa kanila, kung hindi ay baka mag-away lang daw sila ni Armando.

“Eh ako ‘nay?! Hindi na ba ko mahalaga sa inyo? Titiisin na magkahiwalay tayo, at yung mga pinaggagawa nila? Nakita ko ho ang mga pasa ninyo, at malamang palagi kayong high at ‘di kumakain ng tama. ‘Nay naman…”

Kahit magmakaawa si Irene ay sa pangalawang pagkakataon, itinakwil siya ng pamilya. Nabalot ng poot at lungkot si Irene at sinubukan na lang mabuhay nang mag-isa. Ngunit hindi niya kayang isipin na nasasaktan at nahihirapan ang ina na mag-alaga sa ngayo’y baldadong si Jose. Kaya’t nagpasya siyang bumalik sa bahay nila upang kumbinsihin ang mga ito na sumama na lang sa kaniya. Umaasa siya na baka pag napalayo pati na si Armando sa mga kasama nito ay magbabago ito. Ngunit sinalubong siya nito ng masasakit na salita.

“Bakit mo ba pinipilit, Irene? Para ano? Maging pabigat mo kami tapos isusumbat mo? Umalis ka na.” Nang hindi man lang siya pigilan ng ina ay tuluyan ngang nawalan ng pag-asa si Irene.

Minsan ay ‘di talaga natin maintindihan ang tiyempo ng Diyos. Ngunit isang gabi ay nakatanggap ng tawag si Irene na nasa ospital daw ang kaniyang ina. Nagkahulihan na raw at isa nga si Armando sa mga nadakip, ngunit sa kasagsagan ng gulo ay naipit ang ina. Nang magising ito ay mahigpit itong niyakap ni Irene.

Advertisement

“Kahit gaano niyo pa ako itakwil, hinding-hindi ko na kayo iiwan ‘nay…” iyon lang at madramang tagpo ang sumunod. Umiiyak na humingi ng tawad si Belinda sa pagiging makasarili. Hiyang-hiya siya sa mga pagkakamali ngunit nangakong babawi at magbabago. Hiniling nito na bigyan din ng pagkakataon na magbago pa si Armando at gayundin ay kupkupin ang kawawang si Jose.

“’Nay, mahirap man, ngunit kung iyan ang ikapapayapa ng puso niyo, handa ko pong gawin,” may luha sa matang sabi ni Irene.

Ang pagmamahal daw ay hindi nasusukat sa salita kung hindi sa gawa. Ang pagpapatawad kahit ilang beses, ang pagiging mabuti kahit sa harap ng kasamaan, ang pananatili kahit sa mga pagsubok, iyan daw ang sukatan ng isang tunay na pag-ibig.