Inday TrendingInday Trending
Itinago ng Lalaki sa Opisina na Anak Siya ng May-ari ng Kompanya; Marami Pala Siyang Matututunan sa Ginawang Iyon

Itinago ng Lalaki sa Opisina na Anak Siya ng May-ari ng Kompanya; Marami Pala Siyang Matututunan sa Ginawang Iyon

“Bakit ba kailangan kong magtrabaho bilang hamak na empleyado, eh magiging akin din naman ‘tong kompanya?” nakakunot ang noong sabi ni Renzo saka ibinagsak ang dalang bag sa harap ng kaniyang espasyo kung saan siya magsisimula magtrabaho noong araw na iyon.

“Sir Renzo, magtiwala ho ka sa Chairman. Malamang para rin ito sa’yo. Mauna na ako, at baka may kailangan ang Chairman. Tawagan mo ako kung may tanong ka sa trabaho. Good luck,” payo ni Rico, ang tapat na sekretarya ng kaniyang ama.

Sa inis ay nasipa niya ang katabing basurahan, kaya natapon ang ilang papel na laman niyon. Tatayo na sana siya upang magkape sa labas nang may marinig siyang tumikhim.

“Mister, pakipulot naman yung mga papel na natapon mo,” sabi ng isang babae sabay pilit na ngumiti.

Tinapunan niya lang ito ng tingin ngunit hindi pinansin ang sinabi nito. Dahil sa kaniyang inasal ay akala niya papagalitan siya nito ngunit tahimik na pinulot lang nito ang papel. Sakto naman na may dumaan ang kanilang kanilang head manager na si Miss Liesel. Makapal ito magmake-up at halatang istrikta. Sa tingin niya rin ay matanda na ito para sa posisyon nito. Naglaro sa isip niya na palitan na ito ng mas bata at maaaring mas talentado kapag siya na ang nakaupo bilang may-ari ng kompanya.

“Chelsea, paki-photocopy mo nga itong mga papel na ito. Pakidala na lang sa mesa ko pagkatapos,” mukhang napakasungit nito ngunit ang babaeng tinawag na Chelsea ay ngiting-ngiti at marami pang sinabing papuri tungkol sa manager. Naisip ni Renzo na napakasipsip naman nung Chelsea, kulang na lang halikan ang sapatos ng masungit na manager.

“At ikaw naman mister, nakita kong late ka ng limang minuto. Para sa kaalaman mo hindi namin kinukunsinti ang ganiyang pag-uugali rito, understood?” nakataas ang kilay na sabi ni Miss Lesli saka umalis.

Huli na para makasagot pa si Renzo at napahiya siya kay Chelsea at sa isang janitor na dumaan. Sisiguraduhin niyang sisisantehin niya ang babaeng iyonn kapag siya na ang boss. Magugulat ang mga ito pag nalamang siya pala ang tagapagmana.

Sa mga sumunod na araw ay palaging napagsasabihan si Renzo hindi lang ni Miss Leslie, minsan pati na rin ni Chelsea. Lalo na dahil marami siyang hindi alam gawin katulad ng simpleng pagphophotocopy, pagsagot ng tawag sa maayos na paraan, at marami pang iba. Ngunit sa kayabangan ng lalaki ay tiningnan niyang masama ang mga pagtuturo at pagtatama ng mga ito sa kaniya.

Kadalasan, kapag walang nakatingin ay ipinapasa niya ang mga maliliit na gawain sa janitor na si Joel. Imbis na magtanong ay magiliw na sumusunod ang lalaki sa mg autos niya. Utusan niya ito sa pagbili ng kape, meryenda sa labas, at iba pang maliliit na gawain.

“Paano ka ba naman natanggap sa trabahong ‘to! Hays,” isang beses ay narinig niyang reklamo ni Chelsea habang inaayos ang nasira niyang printer. Kapag ganun na ang usapan ay palaging ngisi lang ang sagot ng binate. Nasasabik na siyang makita ang gulat na mga mukha ng mga ito kapag siya na ang bagong boss. Tiyak magmamakaawa ang mga ito sa kaniya upang ‘di niya sisantehin.

Ngunit hindi inaasahan ni Renzo na unti-unting mababago ang kaniyang puso. Maraming insidente ang nagpakita sa kaniya nang halaga ng bawat empleyado sa kanilang kompanya.

Una ay si Chelsea na noong una ay tingin niyang sipsip lang sa kanilang manager. Isang araw ay narinig niyang kausap nito ang mga pinapaaral na kapatid sa telepono. ‘Di niya naman sinasadyang marinig at malaman na ito pala ang nagtataguyod sa buong pamilya simula nang magkasakit ang ama nito. Kaya pala gano’n na lang nitong pangakuan ang mga kapatid na gagawin ang lahat para makakuha ng promotion sa trabaho.

Isa pa ay si Miss Leslie. Ang tingin niya dito noong una ay matandang-dalaga na napakaistrikta lamang. Ngunit nang magreklamo siya sa ama dahil kumuha ito ng matanda na na manager ay doon niya lang nalaman ang kwento nito. Kahit galing sa hindi maalwan na pamilya ay sinikap daw nitong makatapos. Ang ama niya mismo ang naging isponsor sa pag-aaral nito. Nalaman niya rin na ito ang utak sa mga ilang tagumpay ng kanilang kompanya. Nagkamali talaga siya noong inisip niya na wala na itong ibubuga dahil sa medyo may edad na ito. Simula noon ay lumaki ang respeto niya dito kaya’t kapag may itinuturo ito sa kaniya ay sinisikap na niyang makinig.

Pati nga sa janitor na si Joel, na kung dati ay hamak na utusan at tagalinis lang ang trato niya, ay natutunan niyang respetuhin dahil sa integridad nito. Nalaglag kasi ang wallet niya ngunit walang pag-aatubili na ibinalik nito iyon sa kaniya.

Simula noon ay nabuksan ang mga ni Renzo sa kahalagahan ng mga tauhan ng kaniyang kompanya. Dati ay wala siyang pakialam sa mga trabahador nila, ngunit ngayon, nais niyang gawin din ang kaniyang makakaya upang matuto at mapalago ang kompanyang inalagaan ng mga ito. Dahil likas na may talino at tiyaga, di rin naman nagtagal ay natutunan siyang respetuhin at hangaan ng mga katrabaho. Kasama na rin si Chelsea at Miss Liesel na matiyagang gumabay sa kaniya.

Dumating ang araw na idedeklara na ng kaniyang ama na siya na ang papalit na president. Hindi maitago ni Renzo ang kaba, ewan niya ba.

Nang malaman ng lahat na siya nga ang anak ng Chairman, lalo lang lumago ang respeto nito sa kaniya.

“Pahalagahan mo ang mga tao sa paligid mo, at tiyak na pahahalagahan ka rin nila,” proud na sabi ng Chairman sa kaniya. Nagpasalamat si Renzo sa ama at hinayaan siyang matuto sa ganoong paraan. Kung hindi ay baka mas napasama lang ang kompanya dahil sa pagkamakasarili niya.

Naging matagumpay ang pamamalakad ni Renzo sa kompanya. Bonus na lang iyon dahil isang mahalagang leksyon ng buhay ang natutunan niya – ang matutong rumespeto at pahalagahan ang iba.

Advertisement