Awa ang Naramdaman ng Dalaga nang Makitang Tira ng mga Apo Nito ang Tanging Kakainin: Ano Kaya ang Dapat Niyang Gawin?

Gutom at pagod ang pinaghalong nararamdaman ni Emilda, kaya nagdesisyon siyang maghanap muna ng makakainan bago tuluyang tumuloy sa kaniyang sadya.

Nakahanap siya ng maliit na karinderya at doon na nga niya naisipang umupo upang kumain at magpahinga. Agad siyang um-order ng pagkain at naghintay ng ilang minuto. Habang naghihintay ay nakuha ng kaniyang atensyon ang isang lola, kasama ang dalawa nitong apo.

“Lola, kumain ka na rin po,” anang batang babae na sa kaniyang tantiya’y mas nakatatanda.

“Sige lang. Kung ano man ang tira niyo’y siyang kakainin ko,” nakangiting wika ng lola.

Tiningnan ni Emilda ang pinggan sa ibabaw ng mesa ng mag-lola. Dalawang plato na ang laman ay kanin. Isang platito ng giniling na baboy at isang mangkok na sabaw.

Kaunti na lang ang kaning natira, gawa siguro’y nakain na ng dalawa nitong apo. Ang ulam naman na giniling ay kaunti na lang din, pero marami pa ang sabaw.

Bago pa man naihatid ang kaniyang pagkain ay nagdesisyon si Emilda na tumabi ng upo sa mag-lola. Nais niyang makausap ito at sabayan na rin sa pagkain.

“Hi po, pwedeng dito na lang ako umupo?” nakangiting bati ni Emilda.

Advertisement

Agad namang tumango ang butihing matanda at pinausog ng kaunti ang mga apo.

“Tapos na kayong kumain, nanay?” Tanong niya.

Umiling ang matanda at ngumiti. “H-hindi pa nga e. Pinauna ko lang muna itong mga apo ko. Tapos itong tira nila’y ito na rin ang kakainin ko.”

“Magkakasya pa ba iyan sa inyo?” Taka niyang tanong.

Hapong ngumiti ang matandang babae. “Gano’n talaga ang buhay, ‘neng,” anito. “Mas kaya ko namang magtiis ng gutom kaysa sa dalawang bata. Saka matanda na ako. Kaunti na lang akong kumain. Ang mahalaga’y malamnan ang tiyan ko,” dugtong nito.

“Nasaan po ba ang mga magulang ng batang iyan, ‘nay?”

“Nagtatrabaho bilang saleslady sa maliliit na pwesto, kaya ang sahod niya’y tama lang din sa pambayad sa bahay, tubig at kuryente. Kaya minsan sobrang tipid sa pagkain, may iniinom pa kasi akong maintenance na ang anak ko rin ang bumibili, kaya madalas wala rin talagang natitira sa sahod niya.

Kaya ang ginagawa ko’y kapag nasa trabaho siya ay lumalabas kami ng mga apo ko upang mangalakal. Para kahit papaano, may makain kami mamayang gabi,” mahabang paliwanang nito.

Advertisement

Hindi maipaliwanag ang habag na naramdaman ng dalaga sa ikinuwento ng matandang babae.

“Ilang taon na po ba ang anak niyo, nanay?” Tanong niya at agad ring nag-angat ng mukha dahil sa lalaking naghatid ng kaniyang pagkain.

Pinagdagdagan ni Emilda ang dalawang kanin at isa pang ulam ang order niya upang ibahagi ang iba sa matanda.

“‘Nay oh, kumuha kayo rito at saluhan niyo ako. Pati na rin ang mga bata baka gutom pa sila,” alok ni Emilda.

Nag-alinlangan man ang matanda’y makalaunan ay napilit niya rin. Kahit malaki ang bayaran niya sa isang kainan na iyon ay wala siyang pakialam. Ang mahalaga’y naibahagi niya iyon sa pamilyang mas nangangailangan.

“Trenta’y anyos pa lang ang anak ko’t maagang nabiyuda,” simulang kwento ni Lola Clarita, ayon sa pagpapakilala nito sa kaniya. “May sakit sa puso ang kaniyang napangasawa at maagang namayapa kaya siya na lang ang kumakayod ngayon para sa’min ng mga anak niya.

Ako rin ay may sakit na diabetes at may edad na kaya nakaasa na lang talaga ako sa anak ko. Alam kong nahihirapan na ang anak kong babae, pero ni minsan hindi siya nagreklamo sa’kin.

Minsan nga’y nagpapasalamat ako’t may libreng binibigay ang barangay para sa mga kagaya kong senior citizen, kaso kulang pa rin kaya kahit mahirap, kasi minsan ang init ng panahon, tas biglang uulan. Nagtitiyaga akong mangalakal para kahit papaano’y hindi kami matutulog na kumakalam ang tiyan,” nakangiting wika ni Lola Clarita.

Advertisement

“Ang suwerte niyo po sa anak niyo ‘nay at gano’n rin ang anak niyo sa inyo.” Buong paghangang wika ni Emilda. “Tapos na po ba kayong mangalakal?”

“Oo. Sa katunayan ay pauwi na nga kami pagkatapos naming kumain. Pero bago kami uuwi ay dadaan na muna kami sa palengke, para bumili ng ulam,” ani Lola Clarita.

“Sasamahan ko na po kayo nay at ihahatid ko na rin kayo sa bahay niyo,” anyaya ni Emilda.

“Naku! Baka makaabala pa kami sa’yo, ‘neng.”

“Huwag niyo pong iisipin iyon, nanay. Maliit na bagay lamang ang gusto kong gawin sa inyo at gusto ko rin na makatulong kahit papaano. Kaya ihahatid ko na po kayo sa bahay niyo at bago iyon ay sasamahan ko na muna kayong mamalengke,” nakangiting wika ni Emilda saka nagpatuloy sila sa pagkain.

Gaya ng sinabi niya’y sinamahan nga niya ang mag-lola sa palengke. Binilhan niya ng bente singko kilong bigas si Lola Clarita at kaunting groceries, upang kahit papaano’y may stocks ng pagkain na ang mga ito, saka niya hinatid sa mismong bahay ang tatlo.

Hindi naman mayaman si Emilda, dahil kumakayod lamang siya upang kahit papaano’y gumaan ang buhay ng kaniyang pamilya. Ngunit sapat naman ang kinikita niya upang makapagbigay ng kahit kaunting tulong sa kaniyang kapwa.

Ayon nga sa karamihan; kung may kakayahan kang tumulong ay tumulong ka. Kahit maliit lang ang maibigay mo basta ang mahalaga ay nakatulong ka sa mas nangangailangan.