Buntis Siyang Iniwan ng Asawa para Sumama sa Bago Nitong Mahal; Tanggapin pa Kaya Niya Kapag Naisipan Nitong Bumalik Muli

Patawarin mo ako, Diane, kung iiwan ko na kayo ni Robert. Ang totoo ay matagal ko itong pinag-isipan at mas nanaig ang konsensya ko sa mga maling nagawa ko sa buhay, lalong-lalo na sa’yo. Patawarin mo sana ako, Diane. Alam kong hindi madali ang hinihingi ko pero sana balang araw ay mapatawad mo ako.

— Bobby.

Iyon ang iniwang liham ng kaniyang asawang si Bobby, bago pa man ito nag-empake at umalis sa bahay nila upang sumama sa kabit nitong siyang amo mismo ng lalaki.

Masakit man ang maiwan ay tinanggap iyon ni Diane. Pinili ni Bobby na iwanan sila ng kaniyang anak na si Robert, kaya ano pa’t hahabulin niya ang asawa. Ipagdadasal na lamang niya ang kapayapaan at kaligayahan nito sa piling ng bagong mahal.

Sampung taong gulang na rin naman ang anak nilang si Robert at alam niyang maiintindihan rin nito ang sitwasyon— balang araw. Ngunit paano niya iyon ipapaintindi sa pangalawa nilang anak na ngayon ay nasa kaniyang sinapupunan pa lamang?

“Sira ulo ang ama mo, anak,” mahina niyang bulong sa sarili habang himas-himas ang sinapupunan. “Mas pinili niya ang kaniyang amo kaysa sa’ting pamilya niya. Sabagay mas gagaan ang buhay niya roon at hindi na niya kinailangan pang maghirap sa pagtatrabaho para buhayin tayo. Huwag kayong mag-aalala ni Kuya Robert, dahil handa akong gawin ang lahat mabuhay lang kayo,” mariing pangako ni Diane sa sarili.

Makalipas ang limang taon. Masayang namumuhay si Diane kasama ang dalawang anak nitong si Robert at Regine. Kahit siya lang ang tumataguyod sa dalawa’y nakakayanan naman niya, sa tulong na rin ng sarili niyang pamilya.

“Mama, may bisita po tayo,” wika ng limang taon niyang anak na si Regine.

Advertisement

“Diane,” mahinang tawag ni Bobby.

“B-bobby?” Mahinang bigkas ni Diane sa pangalan ng dating asawa.

“Kumusta ka na? S-sino ang batang ito?” Takang tanong ni Bobby, matamang nakatitig sa batang si Regine.

“Anak natin,” maiksi at walang ganang wika ni Diane.

“T-talaga ba? B-bakit hindi mo man lang sinabi sa’kin?”

“Paano ko sasabihin kong hindi ko nga alam kung nasaan ka, matapos mo kaming iwan,” naiinis na wika ni Diane. Gusto niyang patawarin si Bobby, pero paano niya iyon gagawin kung hindi naman nito iyon hingi, bagkus ay tinaguan pa siya nito.

“P-patawarin mo sana ako, Diane. Alam kong malaki ang pagkakamaling nagawa ko sa pamilya natin. Patawarin mo ako kung makalipas ang limang taon ay saka pa ako nagkalakas loob na magpakita’t humingi ng tawad sa’yo,” nagsusumamong wika ni Bobby.

“Alam mo ba, Bobby, na ilang beses kong ipinalangin na sana mahanap ko ang pagpapatawad na sinabi mo noon sa sulat. Kaso naiisip ko rin kung paano kita papatawarin kung hindi mo naman iyon hiningi sa’kin nang personal.

Advertisement

Umalis ka na lang bigla at nawalang parang bigla, sa pamamagitan lamang ng isang liham. Dinaan mo lang ako sa gano’n, Bobby. Sana man lang kinausap mo ako para matanong naman kita noon kung anong kulang sa’kin? Anong maling nagawa ko? Sumobra ba ang pagmamahal ko kaya ka nagsawa?

Kaso dahil nga dinaan mo lang ang lahat sa liham ay wala akong nagawa kung ‘di tanggapin ang lahat. Tapos makalipas ang limang taon, muli kang lilitaw? Para saan?” Mabahang litanya ni Diane. Noon pa niya dapat sinabi ang lahat ng iyon, ngunit ngayon lamang niya nagawa.

“Pinagsisihan ko ang naging desisyon ko, Diane. Ang laki kong t*anga dahil mas pinili ko si Neri kaysa sa inyo. Nais kong humingi ng tawad at nais kong humingi ng pangalawang pagkakataon, upang magsimula tayong muli,” nakayuko at mangiyak-iyak na wika ni Bobby.

Tabinging ngumiti si Diane. “Gano’n lang kadali para sa’yo ang lahat, Bobby.” Naiiling na wika ni Diane. “Mula noong nakapagdesisyon kang iwanan kami ng mga anak mo’y nakapag-desisyon rin akong hindi na kailanman babalik pa sa’yo,” mariing wika ni Diane.

“Iniwan mo lang kami ng basta-basta na tila ba isa kaming mainit na kanin at gano’n lang kadaling iluwa. Nahirapan akong buhayin ang mga anak natin, tapos ngayon babalik ka na parang walang lumipas na taon. Ang swerte mo naman,” dugtong ni Diane.

“Patawarin mo ako, Diane,” nakaluhod na wika ni Bobby.

“Susubukan kong patawarin ka, Bobby. Pero ito lang ang masasabi ko sa’yo. Huwag ka nang umasang maibabalik pa ang pamilyang sinira at iniwan mo noon,” mariin at may galit na wika ni Diane kay Bobby. “Umalis ka na, Bobby.” Taboy niya rito.

“Diane, patawarin mo ako. Handa akong gawin ang lahat, mapatunayan ko lang na nagsisisi ako sa nagawa ko noon,” nagsusumamong wika ni Bobby.

Advertisement

“Wala ka nang dapat pang patunayan sa’kin, Bobby. Matagal ko nang isinara ang puso ko para sa’yo. Ang isipin mo na lang ay kung paano ka babawi sa panahong sinayang mo sa mga anak mo.

Wala akong balak na ipagdamot sila sa’yo. Kahit kinamumuhian kita, hindi ko pwedeng idamay sa galit ko ang mga anak mo. Iyon na lang ang isipin mo at kalimutan mo na ako,” ani Diane saka tinalikuran si Bobby, kasama si Regine na hanggang ngayon ay nagtataka pa rin sa nangyayari.

Kahit anong panunuyo ni Bobby kay Diane ay wala na talaga itong nagawa pa. Naging matatag ang desisyon ni Diane na tuluyan ng putulin ang ugnayan nila. Para sa mga anak na lang nila.