Kinainisan Niya ang Laging Pagbubusangot ng Binata Kaya Inisip na Lamang Niyang Ipinaglihi Ito sa Sama ng Loob: Ngunit Ano nga Kaya ang Totoong Dahilan?

“Ale pabili nga po ng gulaman,” wika ng lalaking sa kaniyang tantiya’y ka-edad lang niya.

Agad na napalis ang ngiti sa labi ni Gracia sa tinawag sa kaniya ng lalaki. Gwapo pa naman sana ito, kaso mukhang may katarata yata sa mata. Nangungulubot na na ba siya upang tawagin nitong ale?

Jusko! Bente dos pa lamang siya’t sariwang-sariwa pa. Kaya hindi katanggap-tangap na ale ang tawag ng mokong na ‘to sa kaniya. “Ito na po manong oh,” pabagsak niyang bigkas sa “manong” upang gumanti rito.

Ngunit tila bato ang lalaki kasi hindi man lang ito nagbigay ng reaksyon sa itinawag niya rito. Naiinis na inirapan na lamang niya ang lalaki na mukhang pinagtakhan naman nito.

Matapos inumin ang binili ay sumibat na rin ito sa harap niya. Ilang beses nang bumili ang binata sa paninda niya, ngunit ni minsan ay hindi man lang niya ito nakitang ngumiti. Ipinaglihi yata ito sa sama ng loob. Kaya laging nakabusangot.

Kinabukasan ay muling tumambay at bumili si Mr. Busangot sa kaniya. Kinakausap naman niya ito ngunit tanging tango at titig lamang ang natatanggap niyang tugon rito. Nangangati na nga ang bibig niyang tanungin ang lalaki kung naka-zipper ba ang bibig nito.

Matapos ibigay ang binili nito at ang bayad ay muli niyang sinubukang kausapin ang binata. “Alam mo hindi masamang ngumiti ah,” aniya. “Tinatawag mo akong ale, pero kung tutuusin mas mukha ka pang matanda sa’kin,” nakaismid niyang wika.

Ngunit tanging tango lamang ang muling itinugon ng lalaki sabay sibat sa harapan niya. Lihim siyang napangiti sa ginawa ni Mr. Busangot. Kahit kailan talaga’y ang lamig nitong kausap.

Advertisement

Isang araw ay siya naman ang nasorpresa ng abutan siya nito ng bulaklak.

“Para saan ‘to? Hindi pa naman Valentines Day ngayon saka malayo pa ang Undas,” takang tanong ni Gracia.

Sa pinakaunang beses ay nakita niyang ngumiti ang binatang ipinaglihi nga yata sa sama ng loob. Kung gwapo na ito kapag nakabusangot ay napagtanto niyang lalong lumalabas ang ka-gwapuhan nito kapag nakangiti o tawa.

“Anong connect ng Undas d’yan sa binigay kong bulaklak?”

“Malay mo akala mo lapida ako kaya binibigyan mo ako ng bulaklak?” Kunwa’y kaswal na wika ni Gracia, kahit ang totoo ay kinikilig na siya.

“Hindi ah,” mariing tangi ng binata. “Gusto ko lang bigyan ka niyan. Naalala kasi kita ng makita ko iyan. Kasing ganda mo rin ang mga bulaklak na iyan,” seryoso nitong wika.

Dahilan upang mas lalong magrambulan ang mga laman loob ni Gracia.

“Nga pala, gusto kong pormal na magpakilala sa’yo. Ako nga pala si Victor, Gracia,” pakilala nito. “Sana nagustuhan mo ang mga bulaklak na iyan.”

Advertisement

Niyuko ni Gracia ang mga bulaklak saka ngumiti. “Ayos naman sila,” aniya. Pinipigilan ang huwag bumigay sa harapan ng lalaki.

“Ahh, pwede ba kitang yayain mamayang kumain sa labas, Gracia?”

“H-ha? Niyaya mo ba akong makipag-date sa’yo?” Walang paligoy-ligoy na tanong ni Gracia.

Nahihiyang ngumiti si Victor saka tumango. “Maaari ba?”

“O-oo naman. Kaso sigurado ka ba? ‘Di ba nga’t ale ang tawag mo sa’kin? Saka hindi mo pa ako iniimikan kahit nanuyo na ang laway ko sa kakausap sa’yo. Saka bukod pa roon ay nakabusangot ka pa palagi kapag nakaharap sa’kin. Kaya nakakapagtaka naman na bigla kang nagbago nang ganyan,” ani Gracia.

Nakangiting tumikhim si Victor saka deretsong tumingin sa mga mata ni Gracia.

“Pasensiya ka na kung mukha akong ipinaglihi sa sama ng loob sa tuwing kaharap kita. Ang totoo’y hindi ko rin kasi alam kung paano ka kakausapin, kaya panay tango na lang ako.

Ang totoo’y gusto kong ngitian ka’t kausapin. Gusto kong mag-stay ng matagal at kausapin ka upang mas magkakilanlan tayo. Doon naman sa pagtawag ko ng ale ay hindi ko rin kasi alam kung anong itatawag sa’yo, kaya iyon na lamang ang binigkas ko. Pero hindi ko talaga intensyon na ma-offend ka,” paliwanag ni Victor.

Advertisement

“Anong plano mo kapag pumayag akong lumabas kasama ka?”

“Siyempre, ang ligawan ka’t maging nobya ko,” agad namang sagot ni Victor.

“N-nobya lang?”

“Makalunan sana’y maging asawa’t ina ng mga anak ko,” nakangiting sagot naman ng binata.

Hindi napigilan ni Gracia ang matawa ng malakas. “Agad-agad?”

“Hindi ba’t iyon naman dapat?”

Kunwa’y nag-isip muna si Gracia. Magpapakipot pa ba siya? “Hmm, sabagay. Sige na nga payag na ako. Galingan mong panliligaw ah. Marupok pa naman ako,” biro niya saka tumawa nang malakas.

“Handa akong gawin ang lahat para sa’yo, Gracia,” seryoso at maemosyong wika ni Victor, saka hinawakan ang kanang kamay ng dalaga.

Advertisement

Hindi pa man niya sinasagot si Victor ay alam ni Gracia na magkakasundo sila nito. Siya na kalog at maingay, saka si Victor na tahimik at seryoso. Sana nga si Mr. Busangot na ang kaniyang Mr. Right.