Bagong lipat ang dentistang si Leony sa lugar kung saan din naatira ang pinsan niyang si Cris. Lumuwas siya ng Maynila para sa lungsod gamitin ang kaniyang propesyon. Maganda ang dalaga, marami siyang manliligaw sa probinsya ngunit nakatuon muna ang atensyon niya sa pagtatrabaho.
Isang araw, pumunta sa klinika niya ang pinsan at may kasama itong binata.
“Insan, tingnan mo nga itong kaibigan ko. May masakit daw sa kaniyang ngipin,” sabi ng lalaki.
Agad naman niya itong inasikaso.
“Umupo ho kayo sa silya at titingnan ko,” tugon niya.
“Siya si Jess, ‘yung engineer na gumawa ng tulay diyan sa kanto. Sa katapat nating apartment siya tumutuloy ngayon,” pakilala sa kaniya ng pinsan.
“A, siya pala ‘yung palagi mong ikunukuwento sa akin na kaibigan mo,” aniya.
“Jess, siya naman ang maganda kong pinsan. Isa sa mahuhusay na dentist sa probinsya namin,” sabi pa ni Cris.
Nahiya naman si Leony sa sinabi ng lalaki.
“Husss! Si insan naman, bolero!”
“Hi, Leony. ikinagagalak kitang makilala,” wika ni Jess na inilahad ang kamay sa kaniya.
“Nice meeting you,” sagot ng dalaga na kinamayan din ang lalaki.
Nang papauwi na ang magkaibigan…
“Cris, ang ganda ng pinsan mo! May boyfriend na ba siya?” tanong ni Jess.
“Wala akong alam, pero ang daming lumiligaw sa kaniya sa probinsya,” sagot ng lalaki.
“P-pwede kaya akong manligaw sa kaniya?”
“Bakit hindi? Guwapo ka at maganda siya, bagay na bagay kayo. Saka magandang match ‘yan, engineer ka, dentista siya.”
“Salamat, pare. Huwag kang mag-alala, maganda ang intensyon ko sa pinsan mo. Kilala mo ako, wala pa akong nagiging girlfriend. Kung sakali ay siya pa lang kapag sinagot niya ako.”
Mabait si Jess, matalino at magandang lalaki. Marami ring babae ang nagkakandarapa sa kaniya pero wala siyang natitipuhan sa mga iyon. Mayroon siyang hinahanap sa isang babae na nakita niya kay Leony.
Kaya isang gabi, dumalaw siya sa bahay ng dalaga. Nagsimula na siyang magpahaging.
“Ang gusto ko namang masagot ngayon ay ang sakit sa aking puso,” sabi niya.
“Aba, eh, sa heart center ka kumunsulta at hindi sa akin,” natatawa namang sagot ni Leony.
“Huwag ka namang palabiro, Leony. Seryoso ako,” aniya.
Napangiti ang babae. “O, sige…tapatan agad! May nobyo na ako, Jess. Kaya lang ay magdadalawang taon na kaming hindi nagkikita,” wika ng dalaga.
“P-paano nagkaganoon?”
“US Navy siya, si Ruppert. Naghihintay lang na maging permanenteng residente at doon na raw kami titira kaso’y apat na buwan na siyang hindi tumatawag o nagcha-chat sa akin,” saad pa ni Leony.
Kahit nalaman ni Jess na may kasintahan na ang dalaga ay patuloy pa rin itong bumabalik at nagbabakasakali sa pag-ibig nito. Kahit nga matagal nang nayari ang ginagawa nitong tulay sa lugar nila ay wala pa rin itong mintis sa pagdalaw sa babaeng sinisinta. Ewan ba niya, ang lakas ng tama niya kay Leony. Ang babae lang ang nagpatibok sa puso niya.
“Nais kong malaman mo na sa tiyagang ipinapamalas mo sa akin ay napamahal na ako sa iyo, Jess, pero may nobyo na ako. Mahal ko pa rin siya at nais kong maging matapat sa kaniya,” pagtatapat ng dalaga.
“Nauunawaan ko, p-pero wala siya, maaari bang ako na muna?” matapang na tanong ni Jess.
“At kung may mangyari sa atin? Kawawa naman ang nobyo ko,” nag-aalalang sabi ni Leony.
“Pangako, no monkey business,” tugon ni Jess.
Mula noon, lagi na silang magkasama. Hindi rin napigilan ni Leony na mahulog kay Jess. Hindi kasi mahirap mapamahal sa lalaki na napakamaginoo, marespeto at may sense of humor.
“Talagang tumutupad siya sa pangako. Di man lang siya umaakbay sa akin,” sambit ni Leony sa isip nang manood sila ng sine ni Jess. Napansin di niya na kaswal lang ito sa kaniya.
“Mahal na mahal kita, Leony, ngunit ayokong masira ang isang pangakong maginoo,” bulong naman ng lalaki na tila alam ang iniisip ng dalaga.
Kapag lumalabas sila at namamasyal ay walang holding hands o akbay na nangyayari. Iginalang ni Jess si Leony. Maging sa mga pinupuntahan nilang mga pagtitipon ay magkaibigan lang ang pakikitungo nila sa isa’t isa.
“Masaya ka ba?” tanong sa kaniya ni Jess.
“Oo naman. Very much!” sagot ng dalaga.
Isang hapon, pagkatapos ng kaniyang trabaho ay naisipan niyang bisitahin sa klinika si Leony.
“Saan ho ba ang bahay ni Leonyda Encarnacion?” tanong ng isang lalaking nakasabay niya sa paglalakad.
“Doon pa sa kabilang kanto. Samahan na kita,” aniya.
Napansin niya na magandang lalaki rin ang kausap niya. Maayos ang tindig at matangkad gaya niya. Magpapabunot din kaya ito ng ngipin kay Leony?
Pagsapit nila sa tinitirhan ng dalaga kung saan naroon din ang klinika nito…
“Magandang hapon, Leony. May kasama ako, hinahanap ka, eh kaya sinamahan ko na rito sa klinika mo,” bungad ni Jess.
“Ruppert? A, eh…Jess…siya ‘yung sinasabi kong US Navy, si Ruppert,” gulat na tugon ng dalaga.
Sa nalaman ay parang nilindol ang dibdib ni Jess ngunit nagpakatatag pa rin siya. Ito na yata ang katapusan ng pag-ibig niya kay Leony, dahil bumalik na ang totoong nagmamay-ari ng puso nito.
“S-sige, maiwan ko na kayo,” tangi niyang nasabi saka lumabas na sa pinto.
Tanggap na niya na wala na siyang pag-asa. Parang gusto niyang maluha sa mga oras na iyon.
“Tapos na ang papel ko sa iyo, Leony. Iispin ko na lang na ito’y isang malungkot na karanasan,” sambit niya sa isip.
Ngunit ‘di pa gaanong nakakalayo si Jess nang…
“Jess! Jess! Sandali lang!” sigaw ni Leony.
Nang pumihit ang lalaki ay nakita niyang papaalis na ang nobyo ni Leony na si Ruppert.
“Bakit kaya umalis na siya?”
Nang lapitan siya ng dalaga…
“Jess, p-payag ka bang ipagpatuloy na natin ang ating pagpapalagayan ng walang anumang alalahanin?” tanong nito.
Napamulagat si Jess.” Ha? Bakit?”
“May asawa na pala si Ruppert. Kaya hindi na siya tumatawag sa akin ay dahil nakabuntis siya sa Amerika at pinakasalan na niya ‘yung babae. Hindi ako nasaktan nang sabihin niya iyon dahil ngayon ko nadamang mas higit na kitang mahal, Jess,” hayag ni Leony.
Nagsusumigaw sa kagalakan ang puso ni Jess.
“O, Leony…maligayang-maligaya ako, mahal na mahal kita,” sagot niya sabay yakap nang mahigpit sa babaeng una niyang minahal.
Ngayon ay wala nang makakapigil sa nararamdaman nila sa isa’t isa. Ipinagpatuloy nina Leony at Jess ang kanilang relasyon na nauwi rin sa kasalan kinalaunan. Namuhay sila nang masaya sa piling ng kanilang mga naging anak.