Kilalang matinik sa babae si Sixto. Gustung-gusto niya ang mga magaganda, mapuputi at seksi. Kapag may natipuhan siya, natitiyak niyang mabilis itong makukuha, walang chik na nakakaligtas sa bagsik ng kaniyang kamandag.
Isang umaga, sa harap ng bangkong pinagtatrabahuhan ni Sixto bilang kahero…
“Walang hiya itong si Sixto, a! May bago na namang kasamang babae. De kotse pa, inihatid pa siya rito,” sabi ng isa sa mga kasamahan niya sa trabaho.
“Kayo na ang maging bolerong tulad ni Sixto, kahit kailan ay hindi nawawalan ng bebot,” natatawang sabi naman ng isa.
Nang makaalis ang kotseng minamaneho ng babae…
“O, eh, bakit nasa labas pa kayo, eh, mag-a-alas otso na?” tanong ni Sixto.
“A, eh, nagkape kami sa labas, pare. Papasok na nga kami pero nakita ka naming parating,” sagot ng isa sa mga kasama.
“Bago na naman ‘yung chik na kasama mo, Sixto. Hanga kami sa ganda nung bebot at mukhang mapera a!” sabad naman ng isa.
“A, iyon ba? Balikbayan ‘yon…nakilala ko kagabi sa bar,” aniya.
“Kagabi mo lang nakilala, eh bakit parang mukhang mag-on na kayo?” tanong ng isa.
“Kilala niyo naman ako mga pare, ‘di ba? Ang totoo ay kami na nga! Magdamag nga kaming magkasama, eh,” pagyayabang niya.
Mas lalong namangha ang mga katrabaho niya sa bilis niya sa babae.
“Ibig mong sabihin, kahapon lang kayo nagkakilala ay kayo na agad? Ang bilis mo namang napasagot,” sabi ng isa.
Napahagikgik pa ng tawa si Sixto na mas ininggit pa ang mga kasama.
“Hindi lang napasagot, may nangyari pa sa amin. Magdamag yata kaming magkasama sa tinutuluyan niyang hotel.”
“Ang bilis ng pangyayari, ano? Paano mong nagawa ‘yon, pare?”
“Bakit hindi bibilis, kumagat agad sa pagpapanggap ko na anak ako ng may-ari ng bangkong pinagtatrabahuhan natin,” tugon niya.
Ganoon ang ugali ni Sixto, para mahuli agad ang babaeng mabibiktima niya ay nagsisinungaling siya at nagpapanggap na mapera. Lalo na kapag ang natitipuhan niyang babae ay mukhang mayaman. Kailangan eh, sabayan niya para madali niya itong mapaikot at mauto.
“Paano kung maghabol ‘yung babae sa iyo? Siguradong buko ka,” sabi ng isa sa mga kasama niya.
“Paano ako mabubuko? Aalis na rin ‘yon bukas para bumalik sa Amerika. Hindi na niya malalaman na niloloko ko lang siya,” sagot niya.
“Ang lakas ng loob mo, Sixto! Hindi namin kayang gawin ang ginagawa mong pagpapanggap sa mga babae.”
Sa papuring iyon mula sa mga kasama ay lalong lumaki ang ulo ng mokong at muling nagyabang.
“Kaya naman hindi ako nagtatakang hanggang ngayo’y wala pa kayong gaanong karanasan sa mga babae,” sabi niya sabay humalakhak nang malakas.
Dahil karakter na ni Sixto ang magpanggap na mayaman kaya maraming babae siyang nabibingwit. Minsan sa isang party na dinaluhan niya…
“Ibig mong sabihin ay anak ka ng haciendero sa Negros? Siguro, napakalaki ng tubuhan ninyo, ano?” tanong ni Raquel, ang bagong babaeng nakilala niya sa party na uutuin niya para mapakasanya.
“Hindi naman! Mga isandaang ektarya lang naman,” pagyayabang niya.
Sa kabobola ng nagpapanggap na si Sixto, madali niyang naisama sa motel ang babae.
“Bakit tayo nag-taxi? Ang kotse mo?” tanong nito.
“Nasa talyer ang chedeng ko, eh. Baka bukas pa mayari,” pagsisinungaling niya. Wala naman talaga siyang kotse.
“Baka akala mo’y mumurahin lang akong babae, Sixto? Na love at first sight lang ako sa iyo kaya sumama ako rito,” sabi ng babae.
“Sira! Alam kong kaya ka sumama sa akin ay dahil alam mong isa akong haciendero,” natatawang sabi ni Sixto sa isip.
Hindi na nila inaksaya pa ang oras, agad nilang sinimulan ang dapat nilang gawin sa motel. Naging mabilis ang mokong.
“Kay ganda mo talaga, Raquel. Ang bango-bango mo,” aniya.
“Sige, Sixto! Yakapin mo ako, mahigit na mahigpit,” malanding tugon ng babae.
Pagkatapos nang pagnan*ig nila, tinungo ni Raquel ang telepono at…
“Dating gawi, maghanda lang kayo diyan sa bahay,” anito sa kabilang linya.
Nang matapos ang pag-uusap ay ‘di naiwasang magtanong ni Sixto.
“Sino ba ‘yong pinagbibilinan mong iyon?”
“Ang maid ko sa bahay. Sabi ko’y dating gawi, ibig sabihin ay maghanda sila roon kasi isasama kita roon, okey?” sagot ng babae.
Tiwala namang sumama ang lalaki sa bahay ni Raquel. Ilang sandali pa ay narating na nila iyon.
“Tuloy, Sixto!”
Namangha si Sixto nang makita ang tirahan ng babae.
“Aba, malaki rin pala ang bahay ninyo, a!”
Dali-dali siyang pumasok sa loob ngunit nabigla siya nang…
“Huwag kang kikilos kundi ay sasabog ang bungo mo!” wika ni Raquel saka tinutukan siya ng baril sa sentido.
Nanginig ang buo niyang katawan nang nagsilabasan ang sampung lalaking malalaki ang pangangatawan. Mga kasabwat pala iyon ng babae.
“R-Raquel? A-anong ibig sabihin nito?”
Tumawa nang malakas ang babae. “Anak ka ng haciendero, ‘di ba? Pwes, ipapatubos ka namin,” sagot nito.
“Ha? N-nagkakamali kayo! H-hindi totoo ‘yon! Nagpapanggap lang ako!”
Nagbunga na ang kalokohan ni Sixto. Naghahanap pala ang mga ito ng mga mayayaman na mahuhuthutan ng pera.
“Maniwala kayo! Hindi kami mayaman, hindi ako totoong haciendero, maniwala ka, Raquel!” pagmamakaawa niya.
“Sige, ikulong na ‘yan! Kapag hindi tinubos ng mga magulang niya ng limampung milyon, t*pokin na ninyo!” sabi ng babae.
Ngunit maya maya ay nagulat ang lahat dahil biglang dumating ang mga pulis. Ang hindi nila alam ay nasundan pala sila ng mga awtoridad nang pumunta sila sa bahay ni Raquel na kuta pala ng grupo nito. Matagal na palang minamanmanan ng mga pulis ang grupo kaya naman mabilis na nadakip ang mga ito.
Laking pasasalamat naman ni Sixto dahil nakaligtas siya sa kapahamakan na siya mismo ang may gawa. Labis niyang pinagsisisihan ang panloloko niya at nangakong hinding-hindi na uulit pa.
Ayan ang napapala ng mga sinungaling at mapagpanggap. Karma ang umatake kay Sixto dahil sa hilig niya sa pambababae. Kaya huwag na huwag siyang tutularan!