Inday TrendingInday Trending
Ayaw ng Babae na Palaging Masaya at Tumatawa ang Mister; Masakit ang Dahilan Kung Bakit Ganoon Siya

Ayaw ng Babae na Palaging Masaya at Tumatawa ang Mister; Masakit ang Dahilan Kung Bakit Ganoon Siya

Kung ano ang ikinasaya ni Wilbert sa araw na iyon, siya namang ikinalungkot ni Ressa. Ikinasimangot niya ang pagngiti-ngiti at paghalakhak ng mister habang namamasyal sila sa parke.

“Nakukuha pa niyang tumawa gayong…”

Hindi naituloy ni Ressa ang sasabihin sa isip dahil pintulol iyon ng lalaki.

“O, bakit, what’s bothering you, honey?” tanong ni Wilbert.

Umismid ang babae.

“You know what! This is silly! Walang nakakatuwa, walang dapat na ipagsaya,” inis na sabi niya.

“Hindi na pinahaba ni Wilbert ang usapan at baka mauwi lang sa diskusyon at ayaw niya ng ganoon.

“I think we better go home, nadadala ka ng view dito, eh,” sagot ng asawa.

Muling sumimangot si Ressa.

“Hmp! Hindi ka na pwedeng malungkot…pipilitin ka pang tumawa, sh*t!” bulong niya sa isip.

Bagong kasal palang ang dalawa. Sampung taon din silang naging magkasintahan bago sila nagdesisyon na lumagay na sa tahimik. Magkaklase sila noon sa hayskul at nang tumuntong sila sa kolehiyoay magkasama pa rin sila. Pareho rin sila ng kinuhang kurso, nagtapos sila sa kursong Fine Arts sa isang kilalang unibersidad at pareho rin silang gumradweyt na may karangalan. Pareho silang matalino kaya madali rin silang nakakuha ng trabaho, sa katunayan sa iisang kumpanya lang sila nagtatrabaho. Sa mga unang linggo ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa akala nila ay puro saya lang pero hindi pala…

“Apat na buwan pa lang kaming nakakasal ni Wilbert at marami pa akong pangarap para sa amin, t-tapos…”

“That’s enough honey, matulog na tayo,” sabi ng kaniyang mister nang makita siya nitong umiinom ng alak. Medyo marami-rami na rin ang naiinom niya kaya nakakaramdam na siya ng pagkahilo. Dinaan lang naman niya sa pag-inom ang mga iniisip niya.

Umiling siya. “Mauna ka na, hindi pa ako inaantok, eh. Tutal nakukuha mo pang matulog, eh, nakukuha mo pa ngang tumawa, ‘di ba?” tugon niya.

Lumungkot ang mukha ni Wilbert sa sinabing iyon ng misis.

“Ressa naman. Huwag ka namang ganyan,” sabi nito.

Nilingon ni Ressa ang mister at tinitigan sa mga mata.

“How do you expect me to have a good night sleep? Hirap na hirap na ako, a!” aniya.

Napayuko sa Wilbert sa mga katagang sinambit ng asawa.

“Sa tuwing tumatawa ka’y gusto kong umiyak, kapag masaya ka’y lalo akong nalulungkot,” wika ni Ressa na hindi na napigilang maluha.

“Huwag mo nang patagalin ang paghihirap ko, pwede ba? If you’re going to d*e, then d#e now!” mariing sabi ng babae.

Saglit na hindi nakapagalita si Wilbert. Bumuntung-hininga muna bago sagutin ang misis.

“O-okey…okey, sige,” sagot ng lalaki.

Unti-unti na ring bumagsak sa mata ni Wilbert ang luhang gustong kumawala.

“Sana ngayon na ako sumpungin ng sakit ko, sana ngayon na para tuluyan na akong mawala. Para tapos na ang paghihirap mo,” saad pa ng mister.

Nabigla si Ressa, ngayon lang niya nakitang umiyak ang kaniyang asawa. Kahit nung nalaman nitong may k*nser ito sa utak ay hindi man lang umiyak ang lalaki pero ngayon, bumuhos na ang mga luhang matagal nitong inipon.

Iyon ang ikinaulungkot ni Ressa, ang sabi ng doktor ay may taning na ang buhay ng kaniyang mister dahil malubha na ang sakit nito. Anumang oras, kapag sumumpong ang sakit ay iyon na katapusan ng buhay nito. Pero imbes na malungkot at magmukmok ay ginagawang masaya ni Wilbert ang mga nalalabing araw na kasama siya. Kaya ito palaging masaya, humahalakhak, tumatawa dahil gusto nito na maging magaan ang nalalapit na pamamaalam.

Hindi iyon matanggap ni Ressa, kung kailan bagong kasal lang sila ay saka niya nalaman na may malubhang karamdaman ang mister, hindi man lang sila binigyan ng pagkakataon na maging maligaya nang mahabang panahon. Ni wala pa nga silang anak at bumubuo pa ng kanilang mga pangarap tapos sa isang iglap ay nakahandang gumuho ang lahat ng iyon nang dahil sa panirang sakit nito. Sino ba ang hindi maiinis, malulungkot sa sitwasyon nila?

“Iyon ba ang gusto mo? Para makita mo kung paanong mawawala na lang ako’y pipilitn ko pang mabuhay. Hihiga na lang ako’y pipilitin ko pang bumangon. Hinihila ko ang mga araw, pinahahaba ko ang oras, I don’t want to d*e yet, p-pero ikaw…gusto mong matapos na ang paghihirap mo? Ako handa pang magpakahirap, para sa iyo. Titiisin ko pa ang sakit,” wika ni Wilbert.

Napahagulgol na rin si Ressa sa mga tinuran ng mister. Napagtanto niya na totoong lahat ang sinabi nito, lumalaban ang asawa niya pero siya, bakit pinanghihinaan na ng loob?

“Ako ang may sakit pero ikaw ang pinasasaya ko. Ako ang mawawala pero ikaw ang inihahanda ko, Ressa,” saad pa nito.

“W-Wilbert…”

“Gusto ko bago ako mawala, maipadama ko sa iyo na mahal na mahal kita. Kaunti man ang natitirang panahon sa ating dalawa, gusto kong sulitin natin, maging masaya tayo, tumawa tayo, humalakhak tayo. Kalimutan natin ang problema at puro magagandang bagay lang ang isipin natin,” sabi pa ng mister.

Hindi na natiis ni Ressa ang sarili at niyakap na nang mahipit ang kaniyang asawa.

“I’m so sorry, honey. Mula ngayon, k-kahit mahirap pipilitin ko, p-para sa iyo. Mahal na mahal kita, ikaw ang buhay ko,” wika niya na puno ng pagsisisi sa mga masasakit na sinabi niya kay Wilbert.

Mas mahigpit na yakap ang iginawad sa kaniya ng mister. Yakap na punumpuno ng pagmamahal.

“Please, for the sake of a dy*ng love, please!” sambit pa ng lalaki.

Mula noon ay hindi na nila inisip ang malulungkot na bagay, pinasaya ni Ressa si Wilbert sa mga nalalabi nitong araw sa mundo. Ipinalasap niya rito ang kaligayahan na parang wala nang bukas. Gumawa sila ng mga alaala na babauinin ni Wilbert sa kaniyang paglisan.

Makalipas ang isang taon ay tuluyan nang namaalam si Wilbert, ginupo na ito ng karamdaman pero tanggap na ni Ressa ang pag-alis ng pinakamamahal na mister dahil para sa kaniya, nag-iwan naman ito ng mga magagandang alaala na mananatili sa puso at isip niya. Darating ang panahon na muli rin silang magsasama sa kabilang buhay.

Ipinakita sa kwento na kapag nagmamahal ka, kahit sariling pagkawala ay hindi mo na maiisip. Ang iisipin mo na lang ay iyong mga maiiwan mo, kung paano pang durugtungan ang kanilang kaligayahan.

Advertisement