Namamalimos ang Dalaga sa mga Plaza Habang Kumakanta; Isang Mamáng Naghahanap ng Makakain sa Basurahan ang Kaniyang Tutulungan
Bibit ni Kara ang ang kaniyang gitara, mikropono, at bangko ay pumuwesto na siya sa gitna at malawak na bakuran ng mall. Nagpaalam naman siya sa gwardiya kaya kampante siya na hindi siya paaalisin ng mga ito. Matapos ayusin ang mga kailangan ay nagsimula na siyang magtimpla ng tugtog na kaniyang kakantahin.
“Hello, mic test, mic test,” aniya, tinitimpla ang tunog ng mikropono.
Kagagaling lamang niya sa walong oras na trabaho sa isang sikat na kapehan, ngayon naman ay naririto siya’t kakanta upang kumita ng pera sa maayos na paraan. Nagtatrabaho siya mula alas-syete ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Magpapahinga ng isang oras at lalarga ulit upang gawin ang bagay na ito.
Hindi kasi sapat ang sinasahod niya para sa mga gamot ng kaniyang ina. Pasalamat na nga lang siya’t hindi sila nangungupahan ng bahay, kung nagkataon ay baka sa kalsada na silang mag-ina natutulog ngayon. Tuwing linggo lamang ang araw ng kaniyang pahinga. Mula limang taong gulang siya’y wala na siyang nakilalang ama, ang kaniyang mama na lang ang kasa-kasama niya palagi. Kaya ngayong kailangan siya nito’y hindi niya ito maaaring pabayaan.
Nagsimula siyang kumanta upang tumawag ng pansin sa mga taong dumadaan. Gaya ng ibang dukha, namamalimos siya sa ganitong paraan, pero masyado nang makapal ang mukha niya upang tubuan pa ng hiya. Kailangan niya ng magkapera at wala siyang mapapala kung hiya ang paiiralin niya.
“Tired of feeling all by myself, being so different from everyone else,” kanta niya.
Madalas ay kumikita siya ng higit isang libo sa pagkanta niya sa kung saan-saang plaza, pinakamaliit na iyong limang daan. Malaking tulong na rin para sa kanilang mag-ina. Pangatlong kanta na niya nang mapansin ang isang mamang abalang hinahalukay ang basurahan.
“Tatay, anong gagawin mo riyan?” sita niya.
Nakita naman ni Kara ang takot sa mukha nito. Binitawan niya ang kaniyang gitara at nilapitan ito upang kausapin nang maayos.
“Naghahanap ka po ba ng makakain sa basurahang iyan. kuya?” mahinahon niyang kausap sa matandang lalaki. Hindi naman ito mukhang taong grasa.
Tumango ito ngunit naroroon pa rin ang takot sa mukha nito. “Gutom na gutom na kasi ako, ‘neng, kaya nagbabakasakali akong makakita ng matino-tinong pagkain sa basurahang ito,” paliwanag ng matandang lalaki.
Agad na nakaramdam ng habag si Kara sa matanda, alam niya ang pakiramdam ng nagugutom at kumakalam na sikmura, alam niya ang pakiramdam nang walang pagpipilian, kaya naiintindihan niya ang matanda.
“Hali kayo, tatay, may ibibigay ako sa inyo,” aniya saka inalalayan itong pumunta sa kaniyang pwestong kinakantahan.
Sinilip niya kung magkano na ang kinita niya, kahit papa’no ay may mabubuting puso na rin ang nagbigay sa kaniya ng dalawang daan, kinuha niya iyon at iniabot sa lalaki. Nag-alangan pa itong kunin iyon, ngunit ipinilit niya pa rin.
“Kunin niyo na tatay, at bumili kayo ng masarap na pagkain, kahit ngayong gabi lang, makakain kayo ng masarap at hindi galing sa basura,” aniya.
Ngumiti ang matada at nagpasalamat sa kaniya. Nangako itong hindi masasayang ang perang kaniyang ibinigay, at hindi iyon mapupunta sa kung saan-saan kung ‘di sa pagkain talaga. Ngumiti siya at muling nagpatuloy sa pagkanta.
Ilang oras ang nakalipas ay may isang may edad na babae ang nakangiting tumayo sa kaniyang harapan, at tahimik na nakikinig sa kaniya, nasiyahan naman si Kara, pakiramdam niya’y nagkaroon siya ng isang ultimate fan sa ginawa ng ale. Hanggang sa matapos siya’y naroon pa rin ito. Nasiyahan naman siya sa kinita niya sa araw na iyon.
“Ang ganda-ganda ng boses mo, hija,” anito. “Sana balang araw makita kitang kumakanta sa telebisyon,” dugtong nito.
Matamis siyang ngumiti sa papuri ng ale. “Mahirap po yatang mangyari iyon, ma’am, kasi mahirap makapasok sa mga audition,” aniya.
“Sabagay, pero malay mo palarin ka’t dumating ang araw na may makadiskubre sa talent mo,” patuloy nito.
Imbes na sumagot pa’y nagdesisyon si Kara na ngumiti na lang at magpatuloy sa pagliligpit. Malamang ay gising pa rin ang kaniyang ina at hinihintay ang kaniyang pag-uwi.
“Ito hija, tanggapin mo,” anang ale at inabutan siya ng limang libo. “Iyan ang tip ko sa maganda mong boses. At bukod pa sa boses mong maganda’y alam kong may busilak ka ring puso, dahil nakita ko kaninang tinulungan mo iyong lalaki. Kung mayaman lang sana ako’y kukunin kitang singer,” anito at mahinang tumawa. “Ipagpatuloy mo ang pagkanta mo, hija, at sana huwag kang magsawang tumulong sa iyong kapwa. Mas binibigyan ng biyaya ang mga taong may maluwag na kamay para sa mga taong nangangailangan.”
“N-Naku! Maraming-maraming salamat po rito, ma’am!” aniya.
Malaking bagay na ang perang ibinigay nito. Makakabili na rin siya ng pang-ilang linggong gamot ng kaniyang ina. Sana makatagpo pa siya ng babaeng kagaya ng mabait na ale. Matamis siyang ngumiti nang magpaalam ito.
Totoo nga ang kasabihan na kapag nagbigay ka sa iyong kapwa’y dobleng biyaya ang babalik sa’yo. Kagaya na lang ngayong araw, nagbigay siya sa kapwa niya, nakatanggap naman siya ng higit pa.