Naliligaw at Gutom na Gutom ang Batang Lalaki Nang Matagpuan Nila Ito sa Palengke; Nasaan na nga Kaya ang mga Magulang Nito?
“Bilisan mo na riyan, Juday at anong oras na oh! Marami pa kaya tayong gagawin,” nagbubungangang wika ng kaniyang inang si Aimee.
“Opo, mama,” tugon naman niya habang hindi na magkandauga-uga sa mga dalang kanilang pinamili.
Kaarawan niya sa araw na iyon kaya maaga pa lang ay namalengke na sila ng kaniyang ina. Ang kaso’y bilang siya naman ang may kaarawan, siya rin mismo ang nagbibitbit ngayon sa kanilang mga pinamili. Ayos na rin, kasi ang kaniyang mama naman at mga kapatid ang mag-aasikaso ng mga ito.
“Ate, pwede po ba akong magtanong? Anong lugar na po ba ito, ‘te?” tanong ng batang sa kaniyang tantiya’y nasa edad walong taong gulang pa lang.
“Balintawak na ito, boy, bakit?” aniya. Kung kaniyang huhusgahan ay malinis ang bata, hindi gaya ng mga batang lansangang madalas ay laman ng palengke.
“Ate, malayo po ba rito ang Antipolo?” inosenteng tanong ng bata.
“Oo, boy, bakit taga-Antipolo ka ba?”
“Kagabi ko pa po hinahanap si Tito Kevin, siya kasi ang kasama kong pumunta rito kahapon. Pero naikot ko na po ang buong lugar ay hindi ko po siya nakita, panigurado pong hinahanap na ako ni mama at papa,” mangiyak-ngiyak na wika ng bata.
“Naku, toto, kahapon ka pa ba narito?” singit ng kaniyang mama. Agad namang tumango ang batang lalaki. “Ano bang pangalan mo?”
“Xander Dela Cruz po,” sagot naman nito.
Hindi na nagdalawang isip ang kaniyang mama, isinama nila si Xander, pakiramdam kasi nito’y mas ligtas ang bata kasama sila, kaysa magpaikot-ikot ito sa palengke. Mahirap naman paniwalaang modus ang batang lalaki, wala naman sa itsura nitong inosente na manloloko. Baka nga talagang naliligaw ito at naiwan ng tiyuhin nito sa palengke ng Balintawak.
Pagdating sa bahay ay agad itong pinakain ng kaniyang mabait na ina. Halos maiyak ito nang makitang tila gutom na gutom si Xander. Ayon rito’y kahapon pa ng umaga ang huling kain nito. Sinama raw kasi ito ng tiyuhin sa isa nitong tiyuhin na doon nakatira sa Balintawak. Pauwi na sila at nag-aabang ng masasakyan pauwi, abala daw sa selpon ang tiyuhin, at sa bilis ng pangyayari’y bigla na lang daw nawala sa paningin niya ang tiyuhin.
“Hayaan mo, hahanapin natin ang mama at papa mo ah,” anang kaniyang inang si Aimee.
Agad namang tumango ang bata. Naging mas masaya ang kaarawan ni Juday, dahil kay Xander, hindi man nila kaano-ano ang bata ay mabilis itong napalapit sa kanila, dahil hindi naman mahirap pakisamahan ang bata. At tila namiss na rin ng kaniyang mga magulang ang magkaroon ng maliit na bata sa bahay nila dahil malalaki na sila, kaya tila nagkaroon ng kulay ang buhay nila nang dumating si Xander.
Kinabukasan ay bumalik silang tatlo sa palengke ng Balintawak at dumeretso sa may police station, upang ireport ang pagkawala ni Xander, mabuti at alam nito ang kumpletong pangalan ng mga magulang, pati na ng tiyuhin nitong nakaiwan sa kaniya. Iniwan ni Juday ang kaniyang numero, baka sakaling may maghanap kay Xander.
Apat na araw nang nasa kanila si Xander nang may tumawag sa numero ni Juday upang magpakilalang magulang nito. Nahati ang nararamdaman nilang lahat nang sa wakas ay nahanap na si Xander ng kaniyang mga magulang. Iisa lamang kasi ang ibig sabihin niyon, aalis na ito sa kanila at mawawala na ang bibong batang nagpapasaya sa kanila, ngunit ganoon talaga, hindi naman pupwedeng manatili sa kanila si Xander.
Kinabukasan ay maagang gumising ang buong pamilya upang asikasuhin ang bata. Pinaliguan niya ito habang nagluluto naman ng makakain nila ang kaniyang mama.
“Biisitahin mo kami paminsan-minsan, Xander, ah. Paniguradong mamimiss ka ng mga ate’t kuya mo,” anang kaniyang ama, habang kinukulit ang batang si Xander.
Yumakap naman rito si Xander at tumango-tango. “Opo, Papa Jhong, sasabihin ko kila mama at papa na bibisita kami rito,” nakangiting wika nito.
Mangiyak-ngiyak na tumitig si Jhong sa batang si Xander. Hindi naman niya ito anak, ngunit sa maikling panahon na nakasama niya ito’y nagkaroon ito ng puwang sa kaniyang puso.
Pagkatapos kumain ay naghanda na si Juday upang ihatid si Xander kung saan ang naging usapan nila ng mga magulang nito na magkikita. Masakit at mahirap bigkasin ang salitang paalam, lalo na sa taong naging parte na ng buhay mo kahit sa maiksing panahon lamang.
“Huwag ka nang maliligaw ulit ah? Huwag kang sumama kung kani-kanino, lalo na kung hindi niya kayang bantayan ka, para hindi na ulit ito mangyari,” bilin ng kaniyang ina.
“Opo, Mama Aimee, salamat po sa pagpapatuloy niyo sa’kin, hinding-hindi ko po kayo makakalimutan. Mamimiss ko po kayong lahat,” mangiyak-ngiyak na wika ni Xander. “Aalis na po ako, mama, papa, mga ate at kuya, pero promise po, babalik po ako. Bibisita po ako at maglalaro tayo ulit,” anito.
“Aasahan namin iyan,” anang kaniyang ama.
Sa palengke ng Balintawak silang nagkita ng mga magulang ni Xander. Nang makita nito ang anak na ligtas at nasa maayos na kalagayan ay agad itong nagpasalamat kay Juday. Kung nalulungkot ang buo niyang pamilya dahil sa pag-alis ni Xander sa poder nila’y sobra naman ang sayang naramdaman ng totoong pamilya nitong makitang muli ang anak.
“Maraming-maraming salamat sa iyo, miss, at sa buo mong pamilya. Hindi ko alam kung paano kaming makakabayad sa kabutihan ninyo,” anang ama ni Xander.
“Ayos lang ho iyon, sir. Hindi niyo po kailangang mag-alala, may mumunting hiling lang ang pamilya ko, iyon ay sana makabisita pang muli si Xander sa’min,” aniya.
Agad namang ngumiti ang mag-asawa at tumango. “Walang problema iyon, Miss Juday, tatawag po kami sa’yo kung kailan ang libre naming oras.”
Naging kuntento si Juday sa simpleng pangakong iyon. Napamahal sa kanila ang bata kahit hindi nila ito kadugo. Masakit mang isipin na wala na ito sa kanila, kahit papaano’y masaya na rin sila dahil alam nilang kasama na ni Xander ang totoo nitong pamilya.